filipino,
Opinion: Quarantine, solusyon ba natin?
Photo Credit: Joshua Sales
“Hindi ito martial law. It is not a martial law. It’s not even something extraordinary. But what is sought to be solved here is the, again, walang iba except to fight the virus and to exact compliance.”
Ito ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa press conference kung saan niya inanunsyo ang plano ng pamahalaan na ilagay ang Metro Manila sa ilalim ng isang community quarantine na sinimulan noong Marso 15, 2020. Sa ilalim ng community quarantine, ipinagbawal ang pagpasok at paglabas ng Metro Manila. Nagtalaga rin ang Metro Manila Council ng curfew mula 8:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga. Habang nasa oras ng curfew, hindi pinapayagang lumabas ng kanilang mga tahanan ang mga mamamayan ng Metro Manila maliban na lamang kung tutungo sila sa ospital o bibili ng gamot, pagkain, at iba pang mga pangangailangan.
Ito raw ay kailangang maipatupad upang maiwasan ang lalong pagkalat ng novel coronavirus disease (COVID-19) sa ating bansa. Maaari nga itong makatulong sa pagpigil at pagkontrol sa pagkalat ng sakit ngunit para sa maikling panahon lamang. Sa isang quarantine na may saklaw na mahigit sa 12 milyon, hindi maiiwasang may mga taong makapapasok at makalalabas ng Metro Manila. Sa kalaunan, may mga makalalabas ding posibleng magdala ng virus at makahawa ng iba pa mula sa pakikisalamuha. Dahil sa bilis ng pagkalat nito, posibleng hindi rin magtatagal bago tuluyang kumalat sa buong bansa ang nakamamatay na virus.
Ang naging implementasyon ng curfew ay kuwestiyonable sapagkat marami sa mahahalagang interaksyon ng mga tao ay nagaganap sa mga oras na hindi sakop ng curfew. Marami sa mga lumalabas kahit pa pinaiiral ang quarantine ay ang mga taong pumupunta sa kani-kanilang trabaho. Ang karaniwang trabaho ay tumatagal mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng gabi. Ang mga kababayan din nating may maliliit na negosyo, kabilang na ang mga street vendors ay kadalasang nagtitinda sa mga oras na ito kung saan maraming tao ang kanilang mapagbebentahan. Nag-unahan din ang mga tao sa pag-uwi para hindi maabutan ng curfew kaya’t sila ay napilitang makipagsiksikan sa mga pila at sa loob ng mga sasakyan. Dahil dito, katiting lamang ang naitulong ng curfew sa pagkontrol ng pagkalat ng virus.
Sa inisyal na quarantine, hindi ipinatigil ang operasyon ng MRT at LRT. Hinayaan nitong makapunta pa rin ang mga tao sa mga lugar na kailangan nilang dayuhin ngunit kapalit naman nito ay ang panganib ng mas mabilis na pagkalat ng virus dahil sa dami ng sumasakay sa MRT at LRT. Hindi nito naisaalang-alangang pangunahing layunin ng quarantine.
Naging problema rin ang kakulangan sa pagpapalaganap ng wastong impormasyon tungkol sa quarantine. Ang bawat aksyon ng pamahalaan ay may malaking implikasyon sa katayuan ng bansa sa kasalukuyan at sa hinaharap kaya’t nararapat lamang na malaman ng mga tao ang mga detalye sa mga plano ng pamahalaan. Nagkaroon nga ng press conference para talakayin ang mga ito ngunit hindi naman nasagot dito ang karamihan sa mga katanungan ng madla. Hindi naging malinaw ang sitwasyon sa karamihan at nagdulot ito ng takot at pagkabahala — kabaliktaran ng kailangan sa panahon ng sakuna. Naging sanhi pa ito ng pagkakaroon ng panic buying. Manapa'y dumagdag lamang ang mahinang implementasyon ng mga patakaran ng quarantine na nagpalakas sa pagkabahala ng mga mamamayan.
Hindi naging epektibo ang quarantine sa Metro Manila at patuloy pa ring tumaas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa. Nakita rin ito ng pamahalaan at sila’y nagpatawag ng enhanced community quarantine sa Luzon na sinimulan noong Marso 16, 2020. Sa ilalim nito, pinahigpit ang pagpapatupad sa home quarantine, sinuspinde ang operasyon ng pampublikong transportasyon, at dinamihan ang mga pulis at sundalo na rumoronda sang-ayon sa ipinatupad na quarantine ng gobyerno. Mas naging malinaw na ang mga detalye kumpara sa naunang press conference.
Maiintindihan ang tugong ito ngunit ito ba talaga ang pinakamainam na solusyon?
Dahil sa pagpapatigil sa pagtatrabaho, mawawalan ng kita ang karamihan. Hindi lahat ng Pilipino ay may sapat na ipon para tumagal ng humigit-kumulang isang buwan. Maaapektuhan din ang ekonomikal na katayuan ng bansa. Mas lalala ang pagkabahala na nararamdaman ng mga mamamayan, lalo na kung hindi gaganda ang komunikasyon ng pamahalaan at taumbayan. Hindi rin nito natutugunan ang mga suliranin ng mga taong naninirahan sa mga overpopulated na lugar. Marami pa ring mamamayan sa bansa ang naninirahan sa slum areas kung saan nagsisiksikan ang mga tao sa mga halos magkakadikit na mga bahay. Kahit na sila ay mag-quarantine sa kanilang mga bahay, hindi pa rin mapipigilan ang pagkalat ng sakit sa lugar nila. Nakita na ring hindi naging maganda ang implementasyon ng quarantine sa Metro Manila pa lamang. Paano pa kaya ngayong sa buong Luzon na ipinatutupad ang quarantine?
Mas mainam na tugon ang pagpapatibay sa mga institusyong pangkalusugan. Makatutulong ang mga pulis at sundalo sa pagpigil ng kaguluhan, ngunit mas kailangan natin ang mga medical volunteer. Kailangang masolusyunan ang kakulangan sa medical supplies at personal protective equipment. Dapat ay magbahagi ng sanitary equipment at bigyan ng pagkakataon ang lahat na makagamit ng testing equipment.
Kung tutuusin, kaya namang gawin ng pamahalaan ang mga mungkahing solusyon dito ngunit maaaring magkaroon ng problema sa aspetong pinansyal na maiuugat sa ₱10.6B na health budget cut. Isa rin naman sa dahilan ng ating kasalukuyang sitwasyon ay ang mabagal na pagresponde ng pamahalaan. Natuklasan ang unang biktima ng COVID-19 sa bansa noong Enero 30, 2020. Sa Pilipinas din naganap ang unang kamatayan dahil sa COVID-19 sa labas ng Tsina. Maraming tao ang nabahala rito ngunit walang ginawang agarang aksyon ang ating gobyerno. Hindi agad dinagdagan ang supplies ng mga ospital, hindi agad kumuha ng mga test kits, at hindi rin agad bumuo ng plano tungkol sa gagawin kung sakaling magkaroon ng outbreak ng COVID-19 sa bansa. Kung mas maagang sinimulan ang pagpaplano ng mga hakbang upang malabanan ang pagkalat ng virus na ito ay naaagapan din ang paglala ng mga kaso ng COVID-19 sa kasalukuyan.
Bilang mga mamamayan, mahalagang makipagtulungan tayo sa gobyerno at sa isa’t isa upang malagpasan natin ang mga kinahaharap na suliranin ng bayan. Sa kabilang banda, mahalaga ring alamin natin ang mga ugat ng problema at magsalita kung nababatid natin ang mga maling kalakaran. Hindi makatutulong ang bulag na pagsunod lamang. Sa halip, kailangan nating maging kritikal, mulat, may pakialam, at sa lahat ng pagkakataon ay isipin ang kapakanan at kabutihang panlahat. //nina Therese Aragon at Justin Polendey
Mga Sanggunian:
https://www.cnnphilippines.com/news/2020/2/2/novel-coronavirus-cases-death-Philippines.html
-------------
-------------
ERRATUM: There was no DOH budget cut. The budget cut was only in the proposal of the national budget submitted by the executive department (The National Expenditure Program). This budget cut did not push through after bicameral discussions. We apologize for the mistake.
0 comments: