filipino,

UPIS, nag-uwi ng unang gantimpala sa SSP Summit 2020

3/14/2020 07:30:00 PM Media Center 0 Comments



WAGI. Sama-samang kumuha ng litrato sina de Ocampo, Ulanday, Blasco, Yap, at Ladao (L-R) matapos matamo ang unang gantimpala sa SSP Project proposal contest. Photo credit: Aldric de Ocampo

Nagwagi ang grupo nina Aldric de Ocampo at Gabe Ulanday ng UPIS Batch 2020 kasama sina Angela Yap, Samuel Blasco at Janna Ladao ng Integrated Montessori Center sa taunang Social Sciences and Philosophy (SSP) Summit na ginanap noong Marso 7, 2020 sa National College of Public Administration and Governance Building, UP Diliman.

Ang SSP Summit 2020 ay isang programa para sa mga mag-aaral sa hasykul na nakapokus sa pagtalakay ng mga usaping panlipunan. Halos 100 na mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan ang lumahok dito. May mga tagapagsalitang nagbahagi at nagtalakay ng mga isyung panlipunan kagaya ng pilosopiya at karapatang pantao, ugnayan ng sikolohiya at kalusugang pangkaisipan, at marami pang iba.

Nagmula kay de Ocampo ang "Tarok" bilang titulo sa inihain nilang proposal. Ayon sa kanya, “Nag-isip lang ako ng malalim na kahulugan ng “to think” or “to understand” upang maging catchy ang aming concept,” kuwento niya.

Pangunahing layunin nito na mas mapalalim pa ang mga kaalaman ng mga mag-aaral sa senior high tungkol sa iba’t ibang paksa sa Agham Panlipunan sa pamamagitan ng mga panayam ukol sa mga isyung panlipunan at mga paligsahan na sumubok sa kanilang pagkamalikhain. Layunin din nitong linangin ang kanilang mapanuring pag-iisip at literasiyang pangmidya.

Planong gawing long-term ang proyekto kaya’t bahagi nito ang paghingi ng pondo mula sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED). Hihingi rin ng pondo mula sa Department of Health (DOH) dahil isa sa mga misyon nitong maprotektahan ang kalusugang pangkaisipan ng mga mag-aaral.

Dagdag pa ni de Ocampo, “Natutuwa akong naipamalas namin ang aming kakayahan, ng mga mag-aaral at kabataan sa pakikibahagi sa mga isyung panlipunan. Sa pamamagitan kasi ng mga adbokasiya, ang mga pangarap natin ay pwede talaga nating makamit. Kung nanalo kami sa paligsahan nang ‘di namin inaasahan, sa tingin ko may pag-asa rin tayong magtagumpay bilang lipunan ng mga tao at mga Pilipino.” //ni Gabby Arevalo

You Might Also Like

0 comments: