Christine Caparas,
Opinion: Tumindig sa Himig
Photo Credits: Noemi Hechanova
"#TumindigsaHimig". Iyan ang sigaw ng mga dumalo sa idinaos na UP Fair noong Pebrero 10-15. Layon nitong gamitin ang boses ng kabataan upang makalikha ng musikang magmumulat sa natutulog na damdamin ng masa at hikayatin silang magpahayag at tumindig laban sa lahat ng uri ng pang-aabuso. Patunay na patuloy na lumalaban ang kabataan gamit ang isang pamamaraang dati nang nagbigay-daan upang makamit ang isang magandang kinabukasan para sa kasalukuyang henerasyon, sa pamamagitan ng protesta.
Mga ilang linggo na ang nakalilipas, muling naipaalala ang kahalagahan ng student-led protests, lalong-lalo na noong panahon ng Batas Militar.
Kabilang sa mga student-led protests na ito ay ang People Power Revolution, ang tagumpay ng ilang dekada ng pagpaplano at pakikibaka laban sa pang-aabuso noong panahon ng Batas Militar. Ilan pang mga protestang pinangunahan ng mga mag-aaral ay ang Diliman Commune kung saan 9 na araw na binarikadahan ng mga guro at mga mag-aaral ang bukana ng kampus bilang pagpapahayag ng pakikiisa sa mga drayber matapos ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.
Isa sa mga pinakatanyag na kritiko ng kasalukuyan at mga nagdaang adminastrasyon ang Unibersidad ng Pilipinas. Bahagi na ng kultura nito ang UP Fair, isang 5 araw na pagdiriwang na pinangungunahan ng University Student Council (USC) katuwang ang iba't ibang organisasyon, kung saan malayang nakapamamahayag ang kabataan gamit ang kanilang husay sa musika.
Ngunit paano at bakit nga ba ito nagsimula?
Ayon sa artikulong nagmula sa Rappler na inilathala noong Pebrero 2018; nagsilbing panakip ang musika upang makapagpulong ang mga student leaders at ang kanilang mga kapanalig laban sa diktadurya ni Marcos. Ngunit ayon din sa kanila, lantaran itong isinagawa bilang protesta sa kabi-kabilang pang-aabuso na isinagawa ng nasabing administrasyon sa noo'y umiiral na Batas Militar.
Kalauna'y nagpatuloy ang gawain bilang platform ng matapang na pamamahayag ng mga protesta, at bilang isang “medium” kung saan maaaring ipamalas ng napakaraming banda ang kanilang husay sa pagtugtog at pag-awit sa harap ng ‘di lamang kapwa nila Isko, kundi maging sa lahat ng kabataan at kapwa Pilipino. Naging daan din ito sa pagsusumikap na mapayabong at mapaunlad pa ang Original Pinoy Music (OPM).
Marami mang iba't ibang kwento tungkol sa kung paano nagsimula ang gawaing ito, iisang bagay lamang ang malinaw — isinasagawa ito upang malayang maipahayag ng kabataan ang kanilang mga hinaing ukol sa mga isyu ng bayan sa tulong ng kanilang mga talento sa musika.
Bagay na sinang-ayunan ng 2018 USC councilor na si Raymond Rodis. Ayon sa kaniya, "There was so much other activities in the UP Fair. Many of us felt UP Fair should also be about highlighting pertinent social issues because UP should serve the people. Concert was just an extra."
Ano ng ba ang kahalagahan ng pakikisa sa mga student-led protests at bakit importanteng maipagpatuloy ang kasanayang ito?
Una, dahil ito ay ating tungkulin bilang mamamayan.
Batay sa probisyong nakatala sa Seksyon 13 ng Artikulo 2, Konstitusyon ng Pilipinas, binanggit na marapat na hikayatin ng Estado ang kabataan na makilahok sa mga pampubliko at sibikong usapin upang magkatuwang na mapabuti ang kalagayan ng bansa.
Ikalawa, dahil ito ay karapatan ng kabataan.
Nakasaad sa Seksyon 2 ng Republic Act No. 8044, o Youth in Nation-Building Act na ang mga youth-development efforts ay marapat na (1) magtaguyod ng isang kaisipan na ang kabataan mismo ang makapagpapabubuti sa kalidad ng buhay; (2) magturo ng kahalagahan ng katotohanan at hustisya; (3) hikayatin ang pakikilahok ng kabataan sa paggawa ng patakaran at pagpapatupad ng programa upang masolusyonan ang kahirapan; at (4) hikayatin ang kabataan na palayain ang mga Pilipino mula sa takot, kagutuman, at kawalan ng katarungan.
Ang mga batas na ito ang dahilan kung bakit ang pagbabawal at pagpigil sa kabataang makibahagi sa paglutas ng mga suliraning kinahaharap ng bansa ay hindi lamang unconstitutional, ngunit isang direktang paglabag sa kanilang karapatan.
Hayaan nating kabataan ang magsilbing boses para sa mga mahihina, patuloy na tuligsain ang mga maling gawa. Higit sa lahat, gaya ng mga naunang Isko, silang nakiisa sa Diliman Commune at ang mga nagpasimula ng UP Fair, kabataan din ang marapat na magpatuloy ng malayang pamamahayag, magsulong at makipaglaban para sa karapatan ng bawat mamamayan.
Bilang mga Pilipino, kinakailangang tiyakin nating hindi malilimutan ang kahalagahan at kapangyarihang taglay ng sama-samang pagpapahayag. Sa gayon, hindi masasayang ang sinimulan ng mga Isko at iba pang mga naging tagapagtaguyod ng karapatang ito. Huwag hayaang maglaho nang tuluyan ang esensya ng patimpalak, ang pagtindig sa himig - himig na magsisiwalat sa lahat ng lisyang desisyon at anomalya sa gobyerno, himig na mananawagan para sa solusyon sa bawat kinahaharap na suliranin ng Inang Bayan. //ni Christine Caparas
0 comments: