Eloisa Dufourt,

Opinion: OPLAN: Solusyon o Diskriminasyon?

3/07/2020 07:35:00 PM Media Center 0 Comments



Photo Credits: Yel Brusola

Ang operasyong Oplan: X-Men ng Makati Police ay ilang linggo nang isinasagawa. Ayon sa ulat ng 24 Oras noong Pebrero 17, ito ay isang pag- “rescue” sa mga transgender o "ladyboy" kung tawagin nila mula sa exploitation at human trafficking. Kaugnay nito ang naging karanasan ni Anne Pelos, isang transgender female, sa kaniyang posted video sa Facebook kung saan makikitang iniimbitahan siyang sumama sa presinto para sa isang profiling kasama ang iba pang nakuha nilang mga transgender. Tinanong naman ni Pelos kung para saan ang gagawing profiling ngunit walang isinagot sa kaniya ang mga pulis.

“‘Hoy, hoy, sandali lang. Sumama ka sa akin.’ Iyon, para sa akin, hindi naman dapat ganu’n. Puwede naman akong tawagin in a good way. Pinipilit niya lang akong sumama, ‘yun lang pero hindi lang talaga ma-explain or hindi na masagot ni kuya pulis,” sabi ni Pelos sa kaniyang panayam sa 24 Oras noong Pebrero 17.

Mapapansin sa isinalaysay ni Pelos ang hindi magandang pakikitungo sa kaniya ng pulis na humarang sa kaniya. Tumugon naman ang Makati Police Chief na si Col. Rogelio Simon kaugnay nito.

“After I watched the video myself, I saw there were errors on the part of my police officers in their approach and the manner they spoke to [Pelos]. Anyone will get offended. They also seemed not [to] know what they were talking about, they haven’t mastered yet our anticriminality interventions.” mula sa ulat ng Inquirer noong Pebrero 18.

Nang puntahan ni Pelos ang Makati Police kasama ang LGBT Pilipinas, grupo na nagbibigay ng suporta sa mga miyembro ng LGBTQ+ Community na humaharap sa diskriminasyon , itinanggi ni Col. Simon ang kanilang operasyong Oplan: X-Men. Ayon sa kaniya, ang mayroon lamang sila ay anticriminality campaign na hindi lamang target ang mga transgender kundi lahat, ano man ang kanilang kasarian at nagawang krimen. Dagdag pa niya, ang pangalang “Oplan: X-Men” ay nagmula lamang sa mga kwentuhan ng mga pulis.

Kung ating susuriin nang mabuti ang operasyong ito, makikita ang diskriminasyon laban sa mga miyembro ng LGBTQ+ Community, partikular na sa mga transgender. Mula pa lamang sa titulo nitong Oplan: X-Men, makikita na ang turing sa mga miyembro ng LGBTQ+ Community ay hindi "normal" sa lipunang ito, at tinagurian na lamang na mutants. Ang ganitong mga operasyon ay nakapagdudulot ng hindi ligtas na kapaligiran sa mga tao, lalo na sa mga miyembro ng LGBTQ+ Community.

Ang isa pa sa mga nagpapalala sa naturang isyu ay ang mga pulis pa ang gumawa nito. Kung tutuusin, ang hanay ng kapulisan ang isa dapat sa mga nagsisilbing huwaran sa lipunang ito sapagkat sila ay mga lingkod-bayan at inaasahan sa kanila ang makatarungang pagkilos ayon sa kanilang trabaho. Isa na rin sa mga pangunahing gampanin nila ay ang magsagawa ng mga OPLAN o Operational/Operations Plan na isang detalyadong plano hinggil sa mga krimen. Mababatid sa Oplan: X-Men na ang hinuhuli lamang ng mga pulis ay mga Transgender sa pag-aakalang sila ay mga sex workers samantalang ang nilalayon naman ng Oplan na ito ay ang pagligtas mula sa exploitation at human trafficking. Kitang-kita sa kadahilanang ito ang diskriminasyon sa mga transgender dahil sa palagay na ito lamang ang kanilang maaaring maging trabaho. Lumabas din ang limitadong bilang ng oportunidad sa kanilang mapapasukang hanapbuhay ayon sa isinagawang pag-aaral ng Philippine LGBT Chamber of Commerce noong Nobyembre 2018 tungkol sa diskriminasyong nararanasan ng mga nasa LGBTQ+ Community sa mga kumpanya. Dahil dito, hindi na makararamdam ng kapayapaan at seguridad ang mga tao lalo na ang mga miyembro ng LGBTQ+ Community dahil sa patuloy na diskriminasyon katulad na lamang ng nabanggit na pangyayari.

Makabubuti kung sasailalim ang mga kapulisan sa gender sensitivity training. Ayon sa Global Aid Network (GAiN), tinutulungan ng training na ito na maunawaan at respetuhin ng isang indibidiwal ang gender identity ng kaniyang kapwa sa pamamagitan ng komunikasyon. Kasama sa mga sesyon nito ang pagsasanay ng positibong pakikitungo sa ibang gender, pagbabahagi ng kanilang mga negatibong karanasan sa ibang sex, at iba pa na makatutulong sa kanila upang magkaroon ng malawak at malalim na pang-unawa. Pagkatapos ng pagbabahagi ay kanila namang tatalakayin kung ano ang maaaring nilang gawing pagbabago upang mapairal sa lipunan ang respeto, dignidad, at pang-unawa sa lahat ng gender.

Bilang karagdagan, dapat ay matanaw ng ating gobyerno ang pangyayaring ito at makita ang kahalagahan ng pagpapatupad ng SOGIE (Sexual Orientation, Gender Identity and Gender Expression) Equality Bill. Ang batas na ito ay mapakikinabangan ng lahat ng tao at hindi lamang ng mga homosexuals. Ito ay sapagkat ang lahat ng tao ay may SOGIE - matutukoy ng indibiduwal kung kanino siya magkakagusto (Sexual Orientation), kung ano ang kaniyang gender (Gender Identity) at kung paano niya ipahahayag ang kaniyang sarili (Gender Expression). Sa pamamagitan ng pagkilala nito ay mapaiigting ang pang-unawa natin sa kapwa tao. Kaya naman, sa pagpapatupad nito ay higit nating matitiyak na mapoprotektahan ang karapatan ng bawat indibidwal.

Dapat ay hindi na maulit pa ang ganitong pangyayari kung saan ang mismong inaasahang magmalasakit sa karapatan ng bawat mamamayan ang siya pang yuyurak dito. Mainam na sumailalim ang kapulisan lalo na sa dibisyong ito sa gender sensitivity na mga programa nang sa ganoon ay magabayan sila sa karapat-dapat na pakikitungo sa lahat ng tao anuman ang kanilang maging gender. //ni Eloisa Dufourt

You Might Also Like

0 comments: