filipino,

Opinion: 'Di Makatarungang Presyo ng Gamot

3/07/2020 07:50:00 PM Media Center 0 Comments



Photo Credits: Yel Brusola

“We all know about the importance of Generics Law before but it was incomplete, and now with the cheaper medicines and quality bill we have completed, I believe, our legislative reforms in bringing affordable medicines to the people,” isang pahayag ni Pangulong Gloria Arroyo bago niya lagdaan ang Republic Act 9502 o ang Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act of 2008 noong Hunyo 6, 2008 sa ginanap na se­remonya sa Laguna Provincial Hospital.

Noong 2008, nilagdaan din ni Pangulong Arroyo ang House Bill No. 6035 o mas kilala bilang Cheaper Medicines Act na naglalayong pababain ang presyo ng mga gamot. Ang panukalang batas na ito ay naglalaman ng mga probisyon tungkol sa Non-Patentable Inventions, Parallel Importation, Early Working Provisions at ang Government Use. Sa ilalim ng batas na ito, nabigyan ng pagkakataon ang mga lokal na kompanyang magbenta ng mga generic na gawa ng maliliit na parmasyutikang kompanya ng mga gamot na pwedeng makipagsabayan sa malalaking korporasyon ng parmasyutika.

Ano nga ba ang rason sa likod ng mataas na presyo ng mga gamot?

Dahil ito sa mga drug companies na pinipiling magbenta ng mga gamot sa mataas na halaga. Dagdag pa rito ang pagkakaroon ng mga ‘di makatarungang presyo dahil sa pang-aabuso ng mga Multinational Pharmaceutical Companies sa sistema ng patenting.

Ayon sa World Trade Organization - Trade Related Aspects on Intellectual Property Rights, ang patent ng isang produkto ay may proteksyong tumatagal ng 20 taon o higit pa. Dahil dito, nakokontrol ng isang kompanya ang produksyon at presyo ng isang gamot na na-patent nila.

Naging pahirapan ang pagpapatupad sa Cheaper Medicines Bill na ito. Isa sa mga pangunahing dahilan kaya hindi kaagad ito umusad ay dahil sa kawalan ng quorum sa kongreso. May mga pharmaceutical companies din ang tumututol at hinaharang na maipasa ito dahil magiging sanhi ito ng kanilang pagkalugi.

Sa kabila ng pagpasa ng Cheaper Medicines Bill, may mga Pilipino pa rin ang hirap sa pagbili ng kanilang gamot dahil sa kawalan ng perang pambili. Mayroon pa ring namamatay nang hindi nakatikim ng gamot o kahit makapasok man lamang sa ospital. May ibang mga Pilipino pa rin ang natatakot na magpatingin sa ospital dahil nababahala sila sa kanilang babayaran.

Ayon nga kay Senador Hontiveros, “Isang dekada na ang nakakalipas mula nang huli natin nagamit ang mandatong ito. Panahon na para muling ipatupad ito. Sa tindi ng krisis sa pambansang kalusugan na ating dinaranas, kailangang mabilis, malawakan, at mapagkalinga ang ating tugon at solusyon.”

Ilang taon na ang lumipas mula noong nilagdaan ang bill na ito pero tila hindi pa rin nararamdam ng mga tao dahil marami pa rin ang namamahalan sa presyo ng mga gamot. Kung nababaan na, bakit may mga Pilipinong hirap pa ring makabili ng gamot hanggang sa ngayon?

Inaasahan na sa pagpirma ni Pangulong Duterte para sa 133 na gamot ay mararamdaman na natin ang pagbaba ng presyo ng mga gamot. Ngunit kung nilagdaan na rin nito ang nakabinbin pang 120 na mga gamot ay siguradong wala nang Pilipinong mabubutas ang bulsa dahil sa mahal na halaga.

Isang malaking tulong ang pagpasa ng Cheaper Medicines Bill lalo na sa mga maysakit at senior citizens. Hindi na rin sila mahihirapang mag-isip ng paraan kung paano makabibili ng gamot. Gayunman, sa bawat ginagawang batas, sadyang may makikinabang at mayroon namang hindi. Sa batas na ito, naapektuhan din ang kita ng mga drugstores na nagbebenta ng mga gamot. Dahil humihina ang kita, nagiging sanhi ito ng pagbabawas ng mga tauhan at maraming mga pharmacist ang posibleng mawalan ng trabaho.

Kung pakalilimiin, mas mahalaga pa rin ang buhay ng tao kumpara sa kikitain ng mga parmasyutikang kompanya. Alam naman natin na lahat ng ipinapasang batas ay may mga kaakibat na positibo at negatibong epekto. May negatibo man itong epekto sa ating mga parmasyutikang kompanya, malaki naman ang maitutulong ng Cheaper Medicines Bill sa kalusugan ng mga mamamayan. Hindi matutumbasan ng pera o kita ng kahit anong kompanya ang buhay ng isang tao. Maraming Pilipino ang makikinabang sa panukalang batas na ito at dapat nating bantayan ang kawastuhan at makatuwirang pagpapatupad ng mga alituntunin sa ilalim nito. //ni Rochelle Gandeza

You Might Also Like

0 comments: