Christine Caparas,
Opinion: Sakit na Kontraktuwalisasyon
Photo Credits: Joshua Sales
"I will talk to the House Speaker and the Senate President... I will talk to the majority: You need to pass this bill immediately. I need it first week of my administration." Iyan ang ibinida ng noo'y kandidato sa pagkapangulong si Rodrigo Roa Duterte, hinggil sa kanyang platapormang wakasan ang kontraktuwalisasyon.
Noong 2019, ikatlong taon ng kanyang panunungkulan, naging kontrobersyal ang desisyon ng pangulo na i-veto ang Security of Tenure Bill o SOT. Ito ay matapos niyang sabihing “urgent” ang pagpasa ng nabanggit na panukala, ang panukalang naglalayong tuldukan ang lahat ng uri ng kontraktuwalisasyon.
Nangangahulugang magpapatuloy ang ‘di makatarungang "end of contract" o mas kilala sa tawag na "Endo", isang kontrata o kasunduan kung saan nakasaad na ang isang recruit ay magtatrabaho at tatanggap ng sahod sa loob lamang ng 6 na buwan. Dahil dito, sila ay hindi nakakakuha ng mga benepisyo.
Ano-ano nga ba ang benepisyong hatid ng tuluyang pagbabawal ng Endo, sakaling maipatupad ang panukala para sa mga manggagawa?
Sa ilalim ng Security of Tenure Bill o SOT, nakapaloob ang mga bagong alituntunin ukol sa kontraktuwalisasyon tulad na lamang ng direktang pagtanggap sa mga empleyado ng mga kompanya. Kaugnay nito, kinakailangang gawing regular employees ng mga kompanya ang lahat ng kanilang mga manggagawa at bigyan ang mga ito ng mga benepisyo tulad ng overtime pay, 13th month salary, SSS, PhilHealth, retirement benefits, at iba pa.
Dagdag pa rito ay mapipigilan na rin ang mga pang-aabuso at panloloko ng mga job agencies. Ang mga ahensiyang ito ang nagsisilbing tulay sa pagitan ng mga employers at ng kanilang mga employees kung saan ang pangunahing tungkulin dapat nito ay pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga manggagawa. Mahalagang matiyak nila na maayos ang working conditions ng mga manggagawa, mula sa pagkakaroon ng sapat na sahod hanggang sa haba ng oras ng kanilang pagtratarabaho.
Batay sa isang survey na isinagawa ng Alliance of Health Workers, maraming contractual healthcare workers ang nagtratrabaho nang higit sa 8 oras ngunit hindi nakatatanggap ng dagdag na sahod. Hindi ito nararapat lalo na’t sila'y nagtatrabaho sa isang lugar kung saan maaari silang mahawa ng samu't saring mga sakit.
Gayumpaman, ang hakbanging ito ay mangangahulugang ding ipagbabawal maging ang mga lehitimong job contracting alinsunod sa panibagong itinakdang depinisyon ng kontraktuwalisasyon, kasanayan kung saan ang isang job contractor ay nagre-recruit at naglalagay ng mga manggagawa sa isang kompanya o contractee.
Idadagdag pa ang posibilidad na pagbagsak ng ating ekonomiya dulot ng inaasahang pag-pull-out ng maraming investors, partikular na ang mga banyaga. Kasunod pa rito ang panibagong responsibilidad na pagbibigay ng benefits sa kanilang mga empleyado kung saan kakailanganing maglabas ng malaking halaga ng pera. Maaari itong magdulot ng pagbabawas ng mga empleyado ng mga kompanya, na siyang maaari namang maging ugat ng pagkatanggal ng milyong-milyong mga Pilipino sa trabaho.
Kung gayon, ano ang nararapat na gawin?
Una, ayon sa ating pangulo, kakailanganin ang mabusising pagtimbang ng usapin at pagsaalang-alang ng kapakanan ng parehong panig upang magkaroon ng "healthy balance". Bilang ayon nga sa kanya, "Our goal, has always been to target the abuse while leaving businesses free to engage in those practices beneficial to both management and the workforce.”
Ngunit hindi ba't ngayon pa lamang ay wala ng "healthy balance"? Sapagkat habang milyon-milyon ang kinikita ng malalaking kompanya, nasa 7 milyong Pilipino ang magtatapos ang kontrata at mawawalan ng trabaho sa loob lamang ng 6 na buwan. Batay sa pananaliksik na isinagawa ng Picodi, isang e-commerce firm, tinatayang Php 5,922 lamang ang sahod kada buwan ng isang minimum wage earner gayong nasa 2.8% ang inflation rate na nangangahulugang mabilis na tumataas ang buwis at presyo ng mga bilihin. Kulang na kulang para makapag-ipon, kapos ito kahit bilang pantustos sa kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan.
Ikalawa, ayon sa suhestyon ng National Economic Development and Authority, mas makabubuting pagtibayin na lamang ang mga ngayo'y umiiral nang mga batas gaya ng Executive Order 51, ang Labor Code at maging ang Article II at XIII ng Saligang Batas, na kapwa naglalayong pangalagaan ang karapatan ng lahat ng mga manggawa.
Ngunit tunay nga bang matatawag na solusyon ang mga batas na hindi naman naging epektibo? Nagsimulang ipatupad ang mga alituntunin taong 1974 at sa paglipas ng mga taon ay inamyendahan at lumikha ng mga panibagong batas. Taong 2015 nang magsagawa ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng Integrated Survey of Labor and Employment kung saan napag-alamang nasa tinatayang 7 milyong Pilipino ang nasa ilalim ng 'di makataong employment conditions dulot ng Endo o kaya nama'y dahil sa labor-only contracting (LOC).
Ayon nga sa Kilusang Mayo Uno (KMU), "Through the years, contractualization policies only changed rules or parameters but allowed the game of contractualization to continue, for example by adopting or revising licensing and other regulatory requirements. All these are easily circumvented by both agencies and employers."
Bilang paglalagom, tunay ngang hindi maiiwasan ang mga negatibong epektong maaaring maidulot sa ekonomiya ng bansa sa pagpasa ng Security of Tenure Bill. Subalit kung ang sinasabing pag-unlad ng ekonomiya ay nangangahulugan ding hindi masosolusyonan ang kontraktuwalisasyon na matagal nang pasakit sa napakaraming manggagawa, higit na makabubuting isabatas ang SOT sapagkat makatutulong ito sa higit na nakararaming Pilipino. Sa pamamagitan nito, mas masisiguradong mapangangalagaan ang karapatan ng mga manggagawa, silang tinaguriang "manpower" ng bansa, ang mga gumagawa ng mga trabahong ginagamitan ng pisikal na lakas. Kung wala sila ay hindi uusad ang ano mang proyekto gaano man kalaki ang pondong ilaan. Marapat lamang na tugunan ang kanilang mga hinaing sa pinakamakataong paraan dahil ang mismong pag-unlad nila ay isa ring mahalagang repleksyon ng tunay na kaunlarang hindi lamang para sa iilan. //ni Christine Caparas
0 comments: