Eunoia,

Literary: Dahilan ng Paglisan

3/13/2020 07:45:00 PM Media Center 0 Comments



Siya ang tipo ng taong gagawin ang lahat para sa pamilya
Ilang oras magtatrabaho, matugunan lang ang pangangailangan nila
Uuwing pagod, ngunit aasikasuhin pa rin sila
Uunahin ang kalagayan ng pamilya bago ang sarili niya

Hindi niya sinesermonan ang iba kapag nagkamali
Sa halip, gagabayan pa ito upang hindi na maulit muli
Kapag siya’y iyong kailangan, hindi ka niya pababayaan
Nariyan lamang lagi sa iyong tabi, palaging maaasahan

Ngunit kalaunan,

Siya na ang tipo ng taong hindi pala gagawin ang lahat para sa pamilya
Na kahit ilang oras magtrabaho, hindi pala tutugunan ang pangangailangan nila
Uuwing pagod dahil may inaasikasong iba
Inuuna na pala ang ibang tao bago ang sarili niyang pamilya

Kaya hindi na nabibigyang-pansin ang mga mali
Dahil siya mismo ay hindi napapansin ang sariling mga pagkakamali
Kapag sila’y may pangangailangan, hindi na niya matugunan
Walang malay na sila’y pinabayaan ng taong dapat ay kanilang maaasahan

Pa, bakit mo kami biglang iniwan?

Ang mga magulang ang kadalasang kinukuhanan ng inspirasyon,
Ngunit kabaliktaran ang iyong iniisip dahil sa iyong naging sitwasyon
Palagay mo ma'y walang makauunawa sa iyo, nais pa ring iparating ang tugong ito

Maaaring galit at lungkot ang lumulukob sa iyo
Ayos lamang na ito ang nararamdaman mo, subalit huwag hayaang tumagal ito
Panatilihing mabuti ang iyong puso, nagdusa man ay huwag sumuko

Maaaring nasaktan ka ng taong inaasahan mo
Tingnan mo ito bilang motibasyon upang mas maging mabuting tao
Naranasan mo ang masaktan, ang iparanas ito sa iba ay hindi kasagutan

Subukin mong maging kabaliktaran ng iyong ama
Isang taong gagawin ang lahat para sa kanyang pamilya
Isang taong magiging magandang halimbawa sa pamilya at sa kapwa niya


You Might Also Like

0 comments: