Christine Caparas,
Sports: Faye Obaña, nakasungkit ng gintong medalya sa 7th Pasig Friendship Cup
PANGMALAKASAN. Ngiting tagumpay ang UPIS Junior Paddlers kasama sina Ken Bas, Paolo Agunod, Ysabelle Quismundo, at Stefanie Pengson. Photo credit: Olive Pengson
Nagtagumpay ang mga miyembro ng University of the Philippines Integrated School (UPIS) Table Tennis Team sa 7th Pasig Friendship Cup na nilahukan ng mga manlalaro mula sa iba't ibang paaralan, clubs, at organisasyon noong nakaraang Pebrero 22-23 sa Ilaya Covered Court, Santolan, Pasig.
Nagpakitang-gilas ang rookie na si Faye Obaña na nagkamit ng gintong medalya sa 12-under category matapos niyang pataubin si Theacial Hernandez ng Southville International School and Colleges sa iskor na 3-1.
Naging positibo ang tugon ni Obaña nang tanungin siya tungkol sa kompetisyon. Ayon sa kaniya, mabusising paghahanda ang sikreto sa kaniyang pagkapanalo. "Masaya po, madami po ako[ng] nakilala at madami rin pong nagsabi na pagpatuloy ko lang po ito. Ako po ay nag-training n[an]g maayos at sinigurado na ako po ay nasa kondisyon."
Hindi man nagkamit ng medalya ang ibang manlalaro ay nakakuha pa rin sila ng puwesto. Itinanghal na Top 8 sa High School Doubles Boys Division sina Jazper Pacis at Joshua Guinto, Zire Salazar at Paolo Agunod. Nakapuwesto rin bilang Top 8 si Faye Obaña sa 16 under division.
Sa kabila ng hamon na panandaliang pananatili ng kanilang coach sa aktuwal na kompetisyon, nagpursigi ang koponan na maipakita ang bunga ng kanilang matinding training.
Ayon kay Amurao,"Nakita ko po na nag-improve hindi lang yung skills namin pati na rin po yung bond namin as a team kasi nagtulungan po talaga kami sa tournament at may part po kami sa laro ng isa’t isa."
Nang tanungin si Ruiz ukol sa ipinakita ng koponan sa torneyo, sinabi niya, "Natuwa ako sa mga naipakita ng bawat isa sa amin yung mga tunay na laro, kahit hindi man ganoon karami yung mga achievements namin, madaming pagkukulang o pagkakamali during games, at least mula sa mga ganoong bagay kami bumabase para sa improvement ng bawat isa at ng team para paghandaan sa trainings namin yung mga susunod na tournaments and competitions na sasalihan namin." //ni Christine Caparas
0 comments: