danzar dellomas,
Feature: Senior High Rocks!
Kahit tapos na ang laban ng mga banda ng ating mga ate at kuya sa “Battle of the Bands”, ‘di pa rin natin malilimutan ang mga naipamalas nilang talento sa pagtugtog sa entablado. Ang bawat isa ay nakapagbigay ng mga natatangi at nakaaaliw na mga pagtatanghal sa madla kaya naman lagi silang inaabangang tumugtog sa iba’t ibang mga programa. Maaaring kilala lang natin sila sa pagtatanghal sa entablado, pero ano nga ba ang kuwento sa likod ng mga bandang ito? Ihanda na ang inyong mga sarili dahil ang mga puso ninyo’y titibok para sa kanila!
Hindi na natin patatagalin, halina’t mas kilalanin pa ang mga banda ng Batch 2021 at 2020!
Maghanda para sa mga banda mula sa Batch 2021:
1) Prizmo: “Bandang laging nag-aaway maliban na lang kapag nasa entablado”
BAHAGHARI. Logo ng Prizmo na dinisenyo ni Magan Basilio. Photo Credit: Prizmo
Normal lang sa isang banda na may hindi pagkakaunawaan ngunit ang mga miyembro ng bandang ito ay tila ba mga aso’t pusa. Madalas silang nagtatalo simula sa pagpaplano hanggang sa pag-eensayo sa studio. Sa kabila nito, tuwing umaakyat na sila sa entablado at nagsisimulang tumugtog ay nawawala ang kanilang mga pagtatalo. Ang nakamamangha pa rito, sila ay nagkamit ng back-to-back championship sa BOTB noong 2018 at 2019. Nakamamangha nga naman talaga!
Nagsimula ang banda noong 2017 na binubuo nina Keanne Nuevas (Vocalist), Pam Marquez (Vocalist), Magan Basilio (Keyboardist), Justin Polendey (Drummer), Diego Sunga (Lead Guitarist), Nathan Lilang (Rhythm Guitarist), at Polo Uera (Bassist).
Noong 2017, nagkayayaan sina Lilang, Polendey, Sunga, at Uera na simulan ito at nag-imbita pa ng ilang mga miyembro upang mabuo ang banda. Pinakausapan nila si Marquez na maging bokalista ng grupo at sa kabutihang palad, sumang-ayon naman ito. Sa una ay hindi tuluyang nabuo ang banda, nabalitaan ito ni Nuevas kaya hinikayat niya ang mga miyembro na buuin muli ito at naging bokalista na rin siya. Si Basilio naman ay dapat tutulong lang sana sa komposisyon ng kanta ngunit napagdesisyunan na rin nila itong isama sa banda. Hindi man pare-pareho ang estilo at panlasa sa musika, sinusubukan pa rin nilang makipagtulungan sa isa’t isa upang mamili ng kanta na tutugtugin para sa kanilang mga pagtatanghal.
Sa ngayon, sinusubukan ng Prizmo na makahanap ng mga oportunidad upang makatugtog muli. Patuloy pa rin nilang hinahasa ang kanilang mga sarili, hindi lamang bilang indibidwal, kundi na rin bilang isang grupo. Sa katunayan, naimbita pa ang Prizmo para tumugtog sa BOTB ngayong taon.
Bukod dito, ang bokalistang si Keanne Nuevas ay nais ipagpatuloy ang pagiging solo artist na hiwalay sa Prizmo. Gumagawa siya ng mga orihinal na awiting kanyang itinatanghal sa iba’t ibang mga programa.
2) The Wednesdays: “Bandang nang-trip lang sa studio”
MIYERKULES. Logo ng The Wednesdays na gawa ni Aldrich Agad. Photo Credit: The Wednesdays
Binubuo ito nina Aldrich Agad (Vocalist), Zemirah Aragones (Vocalist), Carlo Atela (Lead Guitarist), Lans Lubang (Drummer), RL Calayan (Keyboardist), at Edcel Ferolino (Bassist).
Kadalasan, isang oras ang nasasayang sa bawat araw ng pag-eensayo ng grupo dahil sa pagtutugtog lamang ng kung ano-ano.
Ang dapat na ipapangalan nila sa kanilang banda ay Track Band 2.0 galing sa bandang Track Band dahil lahat sila ay atleta ng Track and Field at pangalawang henerasyon na rin sila nito. Napagdesisyunan nilang palitan ang pangalan ng kanilang banda ng The Wednesdays. Ito ay dahil tuwing Miyerkules sila madalas magkasama-sama, mula sa pagkain sa labas hanggang sa pag-eensayo sa studio. Napansin din nilang tuwing nasabing araw nangyayari ang pinakamagagandang bagay sa kanila. Sa katunayan, nabuo ang kanilang banda sa araw ng Miyerkules.
Patuloy pa rin silang tumutugtog sa debut ng kanilang mga batchmate. Hindi man sila naimbitahang tumugtog sa BOTB ngayong taon, patuloy pa rin silang nangangarap na makapagtanghal sa susunod pang mga taon. Sa pagsali nila noong 2019 ay nakamit nila ang ikalawang gantimpala sa BOTB. Kung nais mong tumugtog sila sa iyong kaarawan, buong puso nilang tatanggapin ang iyong imbitasyon!
PANAGINIP. Album cover ng Bedtime Stories na iginuhit ni Aya Bundang. Photo Credit: Aldrich Agad
Teka, hindi pa dito nagtatapos ang lahat! Ang kanilang bokalistang si Aldrich Agad ay nais ding ipagpatuloy ang kaniyang pagiging solo artist. Nakagawa at nakapaglabas na rin siya ng album na pinangalanan niyang Bedtime Stories. Sinuportahan ito ng madla at patuloy pa rin siyang nagbebenta sa halagang 50 pesos. Maaari rin siyang lapitan kung nais mong makakuha ng kopya ng kanyang album.
Nakatutuwa dahil hindi lamang nila hinahasa ang kanilang mga talento bilang isang grupo kundi pati na rin bilang mga indibidwal!
3) Titos: “The growing band”
CONCENTRIC. Logo ng Titos na dinisenyo ni Zack Miano. Photo Credit: Titos
Dahil sa mga talento ng mga miyembro ng bandang ito, naniniwala silang marami pang oportunidad na darating para sa kanila upang mas malinang ang kanilang mga talento bilang mga tagapagtanghal sa entablado.
Ang mga miyembro ng TITOS ay sina Andrei Salongsongan (Vocalist), Gerald Almajar (Rhythm Guitarist), Lea Lagunilla (Lead Guitarist), Zack Miano (Bassist), Julianne Todas (Keyboardist), Addie Sajise (Violinist), at Gabby Arevalo (Drummer).
Sinong mag-aakala na may mabubuong banda sa pagtatambay lamang sa Sunken Garden? Napagdesisyunan nina Almajar, Arevalo, Miano, at Salongsongan na gumawa ng banda nang marinig nilang may iba pang mga banda mula sa 20NE na lalahok sa BOTB. Kahit na wala silang malawak na kaalaman sa larangan ng musika, sila’y nagsumikap para makatugtog dito. Napagdesisyunan din nilang magdagdag ng panibagong mga miyembro kaya naman isinali nila sina Lagunilla, Todas, at Sajise upang maging miyembro ng banda.
Nabuo ang banda noong 2018 at binalak nilang tumugtog sa BOTB sa taong iyon. Sa kasamaang palad, nakulangan sila ng oras sa pag-eensayo kaya hindi sila tumuloy. Nang sumunod na taon, nakasali na sila sa BOTB at nakuha nila ang ikatlong gantimpala. Nais ng TITOS na ipagpatuloy ang pagtugtog sa iba’t ibang lugar at makalikha ng mga orihinal na mga kanta.
4) On The Horizon: “Hindi magpapatalo kung sa kantahan ang labanan”
SKYLINE. Logo ng On The Horizon na gawa ni Brenden Molina. Photo Credit: On The Horizon
Kahit na ang bandang On The Horizon ay baguhan pa lamang kumpara sa ibang mga banda, may apoy ang kanilang mga puso upang tumugtog sa madla. Kahit na hindi sapat ang kanilang oras sa pag-eensayo, sinisigurado nilang maibibigay nila ang lahat ng kanilang makakaya upang makapagbigay ng magandang presentasyon. Ang kanilang ibinigay na pagtatanghal ay ikinatuwa ng mga manonood kaya naman nakuha nila ang ikaapat na gantimpala.
Ang bandang ito ay nabuo noong 2019 at binubuo nina Nicole Panganiban (Vocalist), Brenden Molina (Keyboardist/Vocalist), Rekz Ruiz (Drummer), Martin Bayang (Rhythm Guitarist), Japheth Neri (Lead Guitarist), at Joshua Dela Paz (Bassist).
Biglaan man ang mga pangyayari sa pagbubuo ng bandang ito, nagawa pa rin nilang makasali sa BOTB. Nakapagbigay sila ng magandang pagtatanghal kahit na nahirapan sila sa pamimili ng uri ng musika na kanilang tutugtugin para sa gabing iyon. Halos naubos ang oras nila sa pag-eensayo upang mahanap ang klase ng musika na gusto nilang ipresenta. Sa kabila nito, nakapagbigay pa rin sila ng nakaaaliw na presentasyon sa gabing iyon. Fun fact: Isang linggo lamang sila nakapag-ensayo at may parte sa kanilang orihinal na kanta na improvised lamang noong tinugtog nila ito.
Patuloy pa rin silang tumutugtog sa iba’t ibang mga programa at naghahanap pa ng mga oportunidad upang mas makilala pa ng mga tao.
Atin namang kilalanin ang mga banda mula sa Batch 2020:
5) Amamimamols, 4 Kings: “Bagaman maraming problema at magkakawatak-watak na, pagdating ng gitara at ang apat na hari’y tumutugtog na, ang mga problema’y pansamantalang nawawala.”
FUN RUN. Tumutugtog ang Amamimamols sa fun run na ginaganap sa Quezon Hall. Photo Credit: Ned Pucyutan
Ang musika nga naman ay nakamamangha. Ang kapangyarihan nito’y tumutugtog kasabay ng tibok ng ating mga puso. Kahit na maraming problema ang kinaharap ng bandang Amamimamols, kapag tumutugtog na sila sa entablado, ang lahat ng problema nila’y inilalayo ng bawat ritmo ng mga kanta.
Nabuo ang bandang Amamimamols noong 2015 kung saan ang mga miyembro nito ay grade 7 pa lamang. Binubuo ito nina Ned Pucyutan (Drummer), Kennard Bondal (Vocalist/Rhythm Guitarist), Charles Bucas (Lead Guitarist), Nathan Banatao (Bass Guitarist), Erika Sasazawa (Vocalist), at ni Ria Amano (Rhythm Guitarist).
Grade 7 pa lamang ay sumasali na ang bandang Amamimamols sa BOTB. Taon-taon ay may handang pasabog ang bandang ito at talaga nga namang nakapagbigay sila ng nakamamanghang mga presentasyon. Pagkatapos naman ng huli nilang laban sa BOTB noong 2018, napagdesisyunan ng Amamimamols na mag-disband. Ngunit, hindi dito natatapos ang lahat! Ang ilang miyembro nito tulad nina Ned Pucyutan, Kennard Bondal, at si Charles Bucas ay bumuo ng panibagong banda. Isinama nila si Elijah Galang na galing naman sa iba pang banda. Itinawag nila itong 4 Kings.
HARI. Kuwelang logo ng 4 Kings na may suot na mga korona. Photo Credit: 4 Kings
Binubuo ito nina Ned Pucyutan (Drummer), Kennard Bondal (Vocalist/ Rhythm Guitarist), Charles Bucas (Lead Guitarist), at ni Elijah Galang (Bass Guitarist).
Pare-pareho ang seksyon ng mga miyembro ng 4 Kings nang naisipan nilang bumuo ng banda noong sila ay mga grade 8 pa lamang. Unofficial band pa lamang ito at tinawag nilang Damselband dahil ginamit lang naman nila ito para sa culminating activity nila noon. Hindi sila nakasali sa BOTB bilang 4 Kings dahil ang mga miyembro nito ay nasa iba pang mga banda tulad ng Amamimamols at Silakbo. Pero kahit pa hindi sila nakasali noon, nakapagtugtog pa rin sila sa BOTB ngayong taon bilang 4 Kings. Opisyal nila itong binuo noong 2018 pagkatapos mag-disband ang mga banda na kanilang sinasalihan. Una nila itong pinangalanang 4 Jacks ngunit pinalitan nila itong 4 Kings dahil senior year na nila ngayon. Sa baraha, “Kings are higher than Jacks” ‘ika nga nila.
Plano ng 4 Kings na magkaroon pa ng maraming gigs habang sila ay magkakasama pa dahil pagdating ng kolehiyo ay magkakaiba na sila ng landas.
6) Silakbo: “Isa kaming banda noon na binuo ng napakaraming magkakaibang personalities.”
SILAKBO. Pagtatanghal ng bandang Silakbo sa BOTB sa taong 2016. Photo Credit: Maria Lorraine Cometa
Ang mga miyembro ng bandang ito ay may kanya-kanyang skill level at paraan ng pagtugtog. Ang bandang ito ay nabigyang depinisyon batay sa pagkaiba-iba ng bawat miyembro na nagbunga sa lahat ng mga pagtatanghal nito.
Binubuo ito nina Maria Lorraine Cometa (Vocalist), Kyle Ainsley Manalastas (Vocalist), Elijah Israel Galang (Lead Guitarist), Kevin Dominic Beriña (Rhythm Guitarist), Katrina Cuerdo (Pianist), Johanna Neri (Bass Guitarist), at ni Elkan Afonso Reyes (Drummer).
Ang bandang Silakbo ay nabuo noong 2016. Sa una ay trip-trip lang talaga ang pagbuo nito at di naman sila sigurado na sumali sa BOTB. Nabuo ito dahil sa kagustuhan ng mga miyembro na tumugtog bilang isang banda kaya naman napagdesisyunan noong 2016 na lumahok na rin sa BOTB. Sa katunayan, ang bokalista dapat nila ay si Eunice Ruivivar ngunit hindi ito natuloy kaya naisipan nilang isali si Lorraine Cometa bilang bokalista ng banda.
Taong 2017, nag-disband ang banda. Maraming problema ang napagdaanan ng bandang Silakbo at may mga pagkakataong hindi sila nagkakasundo. Ang huling tugtog ng banda ay noong sumali sila sa BOTB at naimbitahan pa sa prom noong sila ay nasa grado 9. Pagkatapos nito, napagdesisyunan ng grupo na mag-disband na rin. Sa ngayon, pinag-iisipan nilang tumugtog sa darating nilang Grad Ball bagaman plano pa lamang ang lahat.
Ang natatanging talento ng mga banda ng ating mga ate at kuya ay nananatili pa ring nagniningning sa entablado. Ang ilang mga banda ay patuloy pa rin tayong pakikiligin, paluluhain, at pasasayahin sa tuwing sila ay tutugtog. Ang ilan naman, kahit hindi na buo ay mananatili pa rin sa ating mga puso’t isipan. Kahit pa tapos na ang kanilang laban sa BOTB, nagsisimula pa lamang ang kanilang paglalakbay sa mas malaking mundo ng musika kaya ating samahan at suportahan ang mga rising bands ng Batch 2021 at 2020 sa mas malaki pang mga entablado! Para naman sa mga gustong bumuo ng banda sa hinaharap, sila ang mga ate at kuya na maaari nating lapitan dahil lahat sila ay handang tumulong at maghatid ng inspirasyon. Tiyak na maraming talento pa mula sa lahat ng batch ang ating aabangan! //ni Danzar Dellomas
0 comments: