crescencia,

Literary: Ang Hindi Masabi-sabi

5/26/2017 08:59:00 PM Media Center 0 Comments



Marami akong ginustong sabihin sa iyo
Pero hindi ko masabi

Hindi ko sinabi noong sinayaw mo ako
At tanging tugon ko na lamang ang hinihintay mo

Hindi ko sinabi noong mga pagkakataong
Ilang ulit tayong nagkalapit

At walang pakialam sa atin ang ibang tao.
Hindi ko sinabi
kahit sa sulat,
kahit sa chat

At hindi ko sasabihin
Kahit dito.
Hindi dahil ‘di ko gusto
Hindi dahil ‘di sigurado
Hindi ko lang alam
Kung bakit pa’t paano
Hindi ko aaminin
Hindi ipagtatapat
Dahil hindi na kailangan

Dahil wala naman nang patutunguhan

Kung pipilitin ko pang magpaliwanag
Sa mga parinig na hindi ipinagpaalam
Sa mga sulyap na pasikretong nagparamdam

At sapagkat walang sapat na paliwanag
Para sa puso mong pinaglaruan.

Sumulat lamang para tapusin
Ang kailanma’y hindi nasimulan nang maayos.

Sumulat lamang upang tuldukan
Ang magulo nating nakaraan.
Patawad

Salamat
Sa mga nasabi kong ‘di na mabubura
Sa pinakaiingatan mong alaala
Sa mga sandaling hindi matanto ng puso ko
Ang tinitibok nito sapagkat kapiling ka

Sa mga pangakong hindi man sinambit
Ay batid nating dalawa.

Mapanglaw kong pangarap

Mapait kong gunita

Salamat sa lahat.

Patawad sa lahat.

Paalam na.

You Might Also Like

0 comments: