danna sumalabe,

Feature: How to be you?

5/16/2017 08:30:00 PM Media Center 0 Comments


Maraming mga estudyante ang nasasabik sa pagsapit ng Marso sapagkat ito ay hudyat na ng pagtatapos ng kanilang klase. Ibig sabihin, malalaman na kung sino ang mga naging natatanging mag-aaral na pararangalan dahil sa kanilang kahusayan. Espesyal o kaya ay naiiba ang UPIS Parangal sa taong ito dahil sa Academic Calendar shift. Sa halip kasi na Marso, ginanap ang Parangal 2017 nitong nakaraang Mayo 5 na may temang “Iskolar ng Bayan, Manindigan sa Karapatang Pantao”.

Mayroong mga natatanging mag-aaral sa bawat asignatura at mayroon ding mga Manlalaro ng taon, Model Student at Leadership Awardee. Sa taong ito, nakamit ni Wenona Catubig ng 10-Yakal ang Model Student Award at si Roan Ticman naman mula sa 10-Molave ang nakakuha ng Leadership Award. Isang malaking karangalan ang mahirang o mapili bilang Model Student at Lider ng isang batch, kaya naman hindi masama na hangarin ng marami na makakuha ng ganitong pagkilala.

Ano nga ba ang mga hakbang o mga katangian na dapat taglayin upang maging isa ring natatanging mag-aaral tulad nila?

Ayon kay Wenona Catubig, ang pagiging isang modelong estudyante ay hindi lamang nakukuha sa pagkakaroon ng matataas na grado sa eksam, sa aktibong pagsali sa mga organisasyon sa eskuwelahan, at maging sa pagkakaroon ng perpektong attendance sa klase. Nangangailangan din ito ng higit na kumpiyansa sa sarili, positibong pag-iisip at ang pagiging resilient sa anumang dumating na trabaho’t gawain.

PAGPUPUGAY. Nagbibigay ng talumpati at pasasalamat ang nahirang na Model student na si Wenona Dawn Catubig. Photo credit: Media Center

Hindi naman naiiba sa ating lahat si Wenona pagdating sa pag-aaral. Tulad ng marami sa atin, binibigyan din niya ng oras ang kaniyang sarili para magpahinga mula sa sunod-sunod na pagrerebyu lalo na sa panahon ng periodic exams. Dagdag pa rito, hindi rin niya pinababayaan ang sarili na tuluyang “mabaliw” sa lahat ng trabahong dumadagsa sa kaniya kung kaya’t mas pinipili niya maging chill sa pagharap sa mga ito. Isa rin sa mga bagay na lubusang tumulong sa kaniyang pag-aaral ay ang kaniyang planner sapagkat dahil dito ay mas nagiging organisado’t maayos ang lahat ng gawaing kailangan niyang simulan at tapusin.

Sa pagtamasa naman ng kaniyang karangalan, isa sa mga naging motibasyon ni Wenona ay ang kaniyang nanay. Isa pa rito ay ang paulit-ulit na sinasabi sa kaniya ng kaniyang mga magulang na ang edukasyon lamang ang makatutulong sa kaniyang sarili para maka-angat sa buhay. At maging ang simpleng biro lamang sa kanilang pamilya na siya ang magiging unang abogado sa kanila ang nakapagtulak din sa kaniya upang magpursigi pa lalong gawin ang lahat ng kaniyang makakaya.

Para sa mga nangangarap ding umakyat ng enteblado at maparangalan katulad ni Wenona, ang payo niya ay simple lamang. Sinabi niyang hanapin natin ang motibasyon na magsisilbing dahilan para tayo’y patuloy na ganahan, hindi mapagod at mawalan ng pag-asa sa pagtatamasa ng karangalang katulad nito, na hindi naman imposibleng maabot ng bawat isa sa atin.

Ngayong alam na natin ang mga katangiang dapat taglayin ng isang model student, kilalanin naman natin ang nagkamit nng Leadership award na si Roan Ticman.

“Background”. Ito ang salitang ibinigay sa amin ni Roan nang amin siyang tanungin kung anong klaseng leader ba siya. Ayon sa kanya, siya ang klase ng pinuno na mas pinipiling magtrabaho sa likod ng kurtina kumbaga “behind the scenes” o mas kilalang “lowkey” sa millennial language, na siyang kaiba sa ibang mga lider na mas sanay mamuno sa “spotlight”. Dahil para sa kanya, ang isang mabuting namumuno ay dapat ding magaling sumunod, ika nga sa tanyag na kasabihang “to be able to lead, one must learn to follow”. Sa ganitong paraan, makikita at malalaman at maiintindihan daw ng isang lider ang mga nangyayari sa kanyang mga pinamumunuan, dahilan para mas magkaroon sila ng mabuting working relationship.

TAGUMPAY. Hawak ni Roan Ticman ang sertipiko ng pagiging isang mahusay na lider kasama ang kanyang ama. Photo credit: Media Center

Dahil sa nature ng trabaho ng isang lider, normal ding makaranas sila ng mga problema at mahihirap na gawain. At para kay Roan, ang pinakamahirap na task na ipinagawa sa kanya ay nang mag-facilitate siya sa Mural painting sa Balik-tanaw UPIS Week noong nakaraang taon dahil nagkasabay-sabay daw ang mga activities noon kaya naman kinailangan niyang mag take in charge.

Truth be told, napakahirap maging isang lider sapagkat responsibilidad mo ang lahat ng iyong pinamumunuan ganundin ang kanilang mga gawain. Ngunit naniniwala si Roan na sa pamamagitan ng tamang time management at paggawa sa mga bagay-bagay one step at a time, makakayanan ng isang pinuno na pamunuan nang mabuti ang kanyang team.

Ilan lamang ito sa mga payo na sinabi nila upang maging awardee din ang mga kapwa nila isko at iska. Maaaring gamiting gabay o inspirasyon ang kanilang mga sinabi para sa susunod, mas maraming isko at iska ang makakatanggap ng mga parangal na ito. //nina Jo-ev Guevarra, Zach Jugo, Danna Sumalabe

You Might Also Like

0 comments: