filipino,

Literary: Pag-ibig ng Ina

5/12/2017 08:31:00 PM Media Center 0 Comments





Isang kang regalo kung maituturing
Sagot sa ’king dasal, sa aking mithiin
Na magkaroon ng masiglang supling
Na aalagaan at palalakihin

Ako ay talagang napuno ng saya
Nang marinig ko ang tunog ng iyong iyak
Tanda ko rin pala, una mong pagdilat
Na sa puso ko ay tunay na galak

Gabi-gabi’y puyat para mapatahan
Dugo ko at pawis ay aking puhunan
Para maipakita, ika’y iingatan
Hanggang sa mahimbing, ika’y sasamahan

Sa aking isipan ay buhay pa
Ang unang pagtungtong mo sa eskwela
Ayaw mong bumitaw, nais mong isama
Ang ‘yong minamahal na ina

Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa
Ang iyaking anak, nagmamakaawa
Ngunit narinig ang iyong pagtawa
Matapos maglaro na ikinasaya

Dati’y nasa baitang na elementarya,
Ngayo’y naging ganap na isang hayskul na
Natutong umalis at maglayaw bigla
Takas sa magulang, kasama ng iba.

Halos ikamatay ang ‘yong pagkawala
Hanap nang hanap, hindi ko makita
Lasing ka na pala, sa bahay ng iba
Ako’y naluha, ika’y nahanap na

Kinabukasan ay naging mahirap
Sagot mo sa tanong ay puro lang irap
Hiniling ko na sana ang kausap ko’y alak
Matigas mong tingin sa aki’y wumasak

Anak, ayoko lamang ikaw ay mawala
Mawalay sa akin at mapariwara
Gusto ko lamang na ika’y sumaya
Mabuting paraan, sayo’y ipakita

Sadyang kay bilis ng panahon at oras
Noo’y musmos lamang, ngayo’y isa nang dalaga
Talagang maganda at karapat-dapat
Sa ‘di kung sinu-sinong binata

Ako’y naging saksi sa unang pagbagsak
Una mong inibig, mundo mo’y winasak
Iniwang may luha, puso mo’y binasag
Masamang gawain, sa’yo pala’y hangad

Ikaw ay bumangon, naging masayahin
Sinusunod mo na ang alituntnin
Na itinuro ko nang iyong naisin
Na magbagong buhay at ako’y sundin

Ang buhay nati’y magkaugnay, magkabigkis
Ngiti mo at saya ay aking ligaya
Sa huling hininga, hinihiling ko na
Pakatandaan mo, pag-ibig ng ina.

You Might Also Like

0 comments: