emanon,
6:05AM. Huli na naman ako sa klase. Sumusuot ang liwanag ng araw sa mga siwang ng kurtina, na siyang nagbibigay ilaw sa madilim kong kwarto. Nakakairita, ang liwanag. Hirap akong idilat ang mga mata— mabibigat at selyado ng muta mula sa nakaraang gabi. At nang makadilat, ilang minuto rin akong nakatitig sa kisame, nag-iisip kung paano itatayo ang katawang daig pa ang lantang gulay sa panghihina. Bawat galaw ay tinalo pa ang pagong sa bagal. Mula sa dadalawang subong almusal, hanggang sa pagbabad sa mainit na tubig sa pagligo— lahat mabagal, tila walang-gana.
Ano ba ang nangyari kagabi? Nakakarindi, nakakatakot, nakakalungkot. Subalit, hindi naman na kailangang malaman pa ng iba.
7:10AM. Huli na nga, mabagal pa rin ang bawat hakbang ko patungo sa klasrum. Wala na naman akong aabutan sa mga itinuturo. Pagkapasok, abutan ng pagsusulit noong nakaraang linggo. Iba ang tingin ng guro sa pag-abot ng papel ko. Masama, tila nanghuhusga. Bagsak— wala naman nang bago dito. “Anong score mo?” tanong mula sa gilid ko. “Ganun pa rin, wala nang pinagbago.” Kanya-kanya nang pag-iingay at kumparahan ng markang nakuha. May mga masaya, iyong mga matataas at nakapasa. May mga sinakluban ng langit at lupa sa lungkot, iyong mga bagsak na naman at may ibababa pa pala ang marka.
Anong naramdaman ko? Nalulungkot, nagsasawa. Subalit, hindi naman na kailangang malaman pa ng iba.
12:10PM. Ang sampung minuto mula sa oras ng tanghalian ay malaking bagay— nagkakaubusan na ng pagkain. Nagkakagulo ang mga tao sa kantina, kala mo’y hindi pinapakain sa mga bahay nila. Nagkakabanggaan sa pagmamadali, nagdidikit ang mga balat na lumagkit na sa pawis at singaw ng nakulob na hangin sa kantina. Hindi na ko pumasok. Hindi na bale, ayaw ko nang makigulo.
Hindi ba ako nagugutom? Oo, nagugutom. Subalit, hindi naman na kailangang malaman pa ng iba.
5:00PM. Oras na nang uwian. Kating-kati na ang lahat na makauwi. Bago pa magpaalam sa guro, nakatayo na, nakasukbit ang bag at handang-handa nang lumabas. Ako, mabagal pa rin ang galaw, naunahan pa ng guro sa paglabas. Sa bungad ng pintuan ay may nag-aabang. “Bakit parang ang tamlay mo ngayon?” tanong sa akin ng aking kaibigan. “Wala naman, tinatamad lang talaga.” Ilang beses din siyang nagtanong, nangamusta— hindi ako makasalita. Hanggang sa magsawa na siya. Sa dulo’y umuwi na ako nang mag-isa.
Ayaw ko ba na may nag-aalala para sa akin? Hindi ako sigurado. Subalit, hindi naman na kailangang malaman pa ng iba.
7:00PM. Alam ko na ang kahihinatnan ko—gabi-gabi naman nang ganito. Paglapag ko ng gamit ko sa aking kwarto, maririnig ko na ang dalawang boses na hindi na natigil sa pagtatalo. Kahit ganoon, sisilip ako para bumati na nakauwi na ako. Isang lalaking nanghihina at nakaratay sa kama, at isang babaeng hagos na hagos na habang naka-uniporme pang pantrabaho. “May ibinalita na naman sakin ‘yung teacher mo. Kailan mo ba balak mag-aral, ha?” tanong mula sa babae. “Mag-aayos na nga po sa susunod,” na alam naman naming lahat na di magkakatotoo. At sa pagtalikod ko ay patuloy na muli ang sagutan. Handa na ang hapunan, ngunit hindi ko na gugustuhing galawin. Gusto ko na lang mahiga sa kama, ibalot ang sarili sa kumot at kumapit sa isang malambot na unan. At muli, lulunurin ko na naman ang unang ito ng mga luhang gabi-gabi na lang dumadaloy. Nakakagulat na hindi ito nauubos.
At kung gusto ko bang ibahagi sa iba ang pinagdadaanan ko sa pag-asang matutulungan nila ako?
Hindi na lang— hindi naman na kailangang malaman pa ng iba.
Literary: Hindi Na Kailangan Pa

0 comments: