clarita,

Literary (Submission): Pisi

5/12/2017 09:07:00 PM Media Center 0 Comments





Kapwa tayo musmos,
Magkalaro.
Nangakong sa susunod na araw
Babalik ka at tayo’y magsasaya
Kahit pa sa ilalim ng init ng araw.

Upang ang pangako’y manatili, hindi malimutan,
Iniwan mo sa akin ang isang laruan.
Dalawang latang pinag-ugnay ng pisi.
Tatawagan mo ako roon, Sasagot naman ako.
At ang tanging maririnig na lamang sa mga latang iyon
Alingawngaw ng tuwa ng ating kamusmusan.

Kapwa tayo bata,
Matalik na magkaibigan.
Nangakong hindi iiwan,
Ang isa’t isa’y di pababayaan.

Upang ang pangako’y manatili, hindi malimutan
Hinawakan mo ang aking kamay
At sa pinakamaliit nating daliri’y
Binigkis mo ng isang pisi,
Simbolo ng pangakong may katapatan.

Nagbinata, nagdalaga.
Ikaw at ako ay nagmamahalan.
Pangako’y ako lang
At ako nama’y ikaw lamang.

Upang manatili ang sinumpaan,
Tayo’y pinagbigkis ng taling singsing
Sa isang katuwaang kasal-kasalan
Nang minsang sa eskwelaha’y magkaroon ng kasiyahan.

Ikaw at ako ay nasa husto nang gulang,
Nangako tayo sa isa’t isa.
Nagkasundong ito’y panghabambuhay na.
Magsasama nang maligaya.

Sa pagkakataong ito,
Sinumpaa’y hindi natupad.
Hindi nagkatotoo.

Pagkat ikaw at ako’y…

Kahalintulad ng pisi
Kahalintulad ng tali
Sa katagalan ng panaho’y
Sadyang rumurupok
Napipigtal, napuputol.

Tayo’y mga pisi
Pinag-ugnay ng pagmamahal
At sa kalauna’y
Kapwa naging marupok
Nalagot ang taling nag-uugnay sa atin.

Napigtal.
Naputol
Nagkasundong maglayo.


You Might Also Like

0 comments: