filipino,

Literary: Kumusta

5/12/2017 08:00:00 PM Media Center 0 Comments





Pumasok muna ako sa tahimik na silid, malayo sa maingay na kasiyahan sa kabilang kwarto, para lamang makapag-isip.

Gusto ko munang huminga pagkatapos mawalan ng oras kakaaral. Pagod na ako, bunga ng ilang araw na halos ‘di ako makatulog.

Tapos, nakita kita. Nandito ka rin sa tahimik na silid, siguro nag-iisip din o gusto mo lang huminga pagkatapos ng pagpapagod para sa eskwela.

Ngunit natigil ang plano ko noong naalala ko kung ano ang nangyari sa ating dalawa. Nanikip ang dibdib ko noong naalala ko kung paano kita pinaiyak. Dito pa talaga tayo nagkita sa kwarto na ‘to, kung saan kita iniwan.

‘Di ko alam kung nananatili ka pa sa nakaraan, kahit na tatlong taon na ang nakalipas, o sadyang pinagtagpo lang tayo ng tadhana. Pero sa kaloob-looban ko, hinihiling ko na wag kang umalis. Hinihiling ko na sana ‘di lang ako ang hindi makalimot sa mga alaala na siyang nagbibigay-ngiti sa aking mga labi.

“Kaibigan, kamusta ka na? Tagal na nating di nagkita, patawarin mo sana ako sa lahat ng masasamang salita na lumabas sa aking mga labi, nadala lang talaga ako ng damdamin ko noon.”

O di kaya’y:
“Kaibigan, kamusta ka na? Bakit ‘di mo man lang ako tinawagan? Alam mo namang ‘di kita matitiis diba? Alam mo namang papakinggan pa rin kita, diba?”

Pero sa ‘di maipaliwanag na dahilan, ‘di ko kayang sabihin sa’yo ang kahit ni isa sa dalawa.
Paano mo nga ba makakausap ang isang tao na parang ‘di mo kilala, kahit na ang dami ninyong sikretong alam tungkol sa isa’t isa?

Kaibigan, nakalimutan mo na ba ang pinagdaanan nating dalawa? ‘Yung mga kwentuhan at tawanan, mga panahon na sinamahan ng ulan ang bawat luha sa ating mga mata?

Kasi ako, hindi ko makalimutan. Lalo na noong pinangakuan mo ako at sinabing tatapusin natin ang bawat pagsubok nang magkasama.

Naiintindihan ko naman ang paglayo mo noon, alam kong pagod ka na pilitin ang mga ngiti na abutin ang iyong mga tainga na pagod na sa kakarinig ng malulungkot kong istorya.

Kasalanan ko din naman, ‘di naman kasi kita sinabihan na nandito lang ako, yayakapin din kita tulad nang pagyakap mo sa akin tuwing ‘di ko na kaya.

Hinayaan ko kasing lamunin ako ng hiya ko, ‘di tuloy kita nasabihan na nandito lang ako, susuportahan kita tulad nang pagsuporta mo sa akin.

Nahayaan tuloy kitang maramdaman na mag-isa ka lang kahit na ang dami mong kaibigan na tinutulungan.

Bigla ko na lang napansin na ilang hakbang na lang ang layo mo sa akin, at nagulat ka nang ako ang iyong nakita.

Kaibigan…Anong ginawa ng panahon sa iyo?

Sa alaala ko, ikaw ay masiyahin, laging nakangiti ang iyong pulang labi, ang mga pisngi mo’y minsan may kulubot na dahil sa milyong beses na pagngiti sa isang araw, at ang iyong mga mata ay kumikinang na parang bituin sa isang madilim na gabi. Sa alaala ko, masaya ka pa.

Pero ngayong nasa harap na kita, pansin ko na ang pagod mong mga balikat, ang mga ngiti ay nawala na at pinalitan na ng malungkot na mga labi. Ang mga bituin sa iyong mga mata ay tinago na ng makulimlim na langit, at ang iyong mga pisngi’y pagod na ngumiti.

Naramdaman ko ang pagwasak ng aking puso at ‘di ko namalayan na ako’y napaluha na.

Hindi ka na masaya.

Hindi ka na masaya at sinisisi ko ang sarili ko na ‘di kita sinamahan noong mga panahon na malungkot ka.

Tinitigan mo ako, takot at alanganin ang paggalaw ng iyong mga labi.

Tinignan kita at ako’y ngumiti.

Kaibigan, hayaan mong iligtas naman kita. Kaibigan, wag ka nang mag-alala, nandito na ako, ‘di na kita papabayaan.

“Kumusta ka na?”

You Might Also Like

0 comments: