feature,

Feature: Paano ba mag-POST wisely?

5/04/2017 09:44:00 PM Media Center 0 Comments




Sa panahon ngayon kung saan napapadali ang lahat sa isang simpleng click, mabilis na nating nagagawa ang mga bagay-bagay na mistulang imposibleng gawin noon.

Dumami ang mga paraan ng paglilibang natin sa sarili, bumilis ang pagpunta natin sa ibang lugar, bumilis ang pakikipagkomunikasyon natin sa ibang tao. Lumawak ang circle of friends natin dahil sa mga Social Networking Sites o SNS . Hindi maikakailang karamihan, kundi man halos lahat tayo, ay gumagamit na ng iba’t ibang SNS tulad ng Facebook, Twitter, Instagram, Snapchat, at marami pang iba. Dito, naipapahayag natin sa mas mabilis at madaling paraan ang ating ginagawa, kinakain, lokasyon, mga pinoproblema, at iba pang nais ibahagi sa ating friends at followers.

Sa kabila nito, dapat alam natin kung paano gamitin nang tama at ligtas ang mga SNS. ‘Di naman lingid sa kaalaman ng lahat na kabi-kabila ang nabibiktima ng iresponsableng paggamit ng mga ito. Para manatiling ligtas sa paggamit ng Social Media, mahalagang tandaan ang mga sumusunod na paalalang pang-think-before-you-click.

1. Limitahan ang impormasyon

Sa SNS posting, hindi mo dapat ilagay ang lahat ng bagay tungkol sa iyong sarili. Iwasan ding maglagay ng personal information dahil sa panahong sumali ka sa social media, nagiging publiko ang impormasyon. Maaaring manakaw dito ang iyong pagkatao o identidad at magamit ito sa masasamang gawain. Tandaan, ang lahat ng ilalagay mo online, makikita at mababasa ng maraming tao.

2. Huwag makikipag-usap kung kani-kanino

Malaki ang mundo ng social media. Maraming kang taong makakasalamuha, makikita, at makikilala. Gayunpaman, laging dapat tandaan na mag-ingat sa mga taong kinakausap. Hindi mo dapat kinakaibigan o kinakausap ang mga taong hindi mo kilala. Huwag na huwag makipagpalagayan ng loob sa mga taong bagong friend mo lang. Hindi dahil mabait ang hitsura o magaan silang kausap ay mabuting tao na sila. Hindi ka nakasisiguro sa mga pakay niya, maaaring may iba pa siyang motibo.

3. Maging sensitibo sa ibang tao

Maraming tao ang makakakita ng mga inilalagay mo sa social media. Pag-isipang mabuti ang mga sasabihin o inilalagay rito. Gumamit ng mga angkop na salita at hindi mapanira sa kapwa. Iwasan ding ipagyabang ang mga bagong gamit dahil baka magkaroon ng negatibong pagtingin sa iyo ang tao o magamit ito sa masama tulad ng pagnanakaw.

4. Siguraduhing totoo ang iyong sasabihin

Maraming tao ang napapahamak sa pagbabanggit ng maling datos sa kanilang posts. Kaya naman, bago ka magpasyang ito’y i-post, subukan mo munang mag-fact check nang masigurong ang mga detalyeng iyong ilalagay ay totoo. Hindi mo lamang tinutulungan ang sarili mo, tinutulungan mo rin ang iba na malaman ang katotohanan.

5. Huwag kang magpopost kung buburahin mo rin

Huwag mo nang i-post ang mga bagay na sa tingin mo’y hindi mo kayang panindigan. Alalahanin, maaaring nabura ito online, ngunit posibleng na-save na ito sa devices at isipan ng mga tao.


Alam nating lahat na ang social media ay isang lugar kung saan malaya tayong makapagpapahayag ng ating mga opinyon, narararamdaman, at naiisip. Ngunit hindi naman ibig sabihin na maaari na nating ipost ang lahat dito. Tandaan na pag-isipan nang dalawa o tatlong ulit bago ang pindutin ang Post button. Magsilbi sana itong paalala na maging responsable sa paggamit ng mga SNS. //nina Jo-ev Guevarra at Zach Jugo

You Might Also Like

0 comments: