filipino,

Opinion: "Alam Ko, Tumaba Ako!"

5/04/2017 09:10:00 PM Media Center 0 Comments




Siguro’y narinig na ninyo ang mga pagbating, “Uy, pumayat ka na ah!” o kaya “Hala, ang taba mo na!”. Maaaring ikaw o ibang tao ang nasabihan nito, o ikaw mismo ang nagsasabi ng mga katagang ito, ngunit malaki ang impluwensiya ng ganitong simpleng salita sa buhay ng isang tao. Hindi ito nawawala sa mga pagdiriwang kung saan nagkakasama-sama ang mga matagal nang hindi nagkikita. Halimbawa, isang taon kayong hindi nagkita ng iyong mga kaibigan sa muli ninyong pagkikita, isang malakas na, “Tumaba ka ah!”, ang bubungad sa iyo. Ang masaklap pa nito, ikukumpara ka niya sa kanya sarili at kung paano siya kapayat.

Hindi na namamalayan ng iba na maaari nang magsilbing mga halimbawa ng body-shaming o pagtuya sa katawan ng isang tao ang kanilang mga komento. Hindi limitado ang body-shaming sa bigat at tangkad ng tao. Maaaring pinupuna ang isang tao dahil sa kulay ng kanyang balat, o kaya sa hubog ng kanyang katawan. Ang mga katangian tulad ng mga nabanggit ang kadalasang napapansin ng mga tao, hindi lang dahil sa hindi ito pasok sa itinuturing na mabuti at maganda ng mga tao kundi dahil may hinubog na pamantayan ang lipunan para sa dapat na maging itsura ng isang tao.

Maaaring maiugat ang body shaming sa iba’t ibang bagay na nagbibigay impluwensiya sa mga tao upang mas maging laganap ito sa lipunan. Isang konkretong halimbawa ay ang pagkalat ng mga beauty products na iniindorso ng mga prominenteng tao. Ilan sa mga nasabing produkto ay sikat dahil sa kaya nitong baguhin o pagandahin ang katawan ng isang tao. Mayroong mga produktong pampaputi tulad ng mga body soap, whitening lotion, at iba pa na tinatangkilik ng mga tao lalo na ng kababaihan. Dahil dito, nagkakaroon ng ideya ang mga tao kung ano ang normal at hindi normal sa lipunan, halimbawa na nga ay ang kulay ng balat. Kung ikaw ay morena, madalas kang kukutsyain dahil sa paningin ng mga tao ang dapat na kulay ng ating balat ay maputi. Gayundin ang sa mga slimming pills na makikitang iniindorso rin ng mga tanyag na personalidad. Dahil dito mas tinatanggap ang mga mapapayat kaysa sa mga matataba. Malaki ang impluwensiya ng media sa body shaming.

Hindi masamang gustuhing magpaganda, hindi rin naman ito nakasasama sa iyo o sa iba, ngunit ang punto ay nasakop na tayo ng kaisipan na mahirap maging respetado sa lipunan kung ika’y hindi pasok sa pamantayan nito pagdating sa pisikal na anyo.

Hindi maikakailang mas pinahahalagahan ang pisikal na kaanyuan ng tao kaysa sa kalooban para sa karamihan sa mga tao ngayon. Marahil ito na nga ang naghuhudyat sa body shaming. Lingid sa kaalaman ng iba, may hindi magandang naidudulot sa isang tao ang body shaming. Ayon sa isang article na inilabas ng Psychology Today, nagdudulot ng insecurities sa isang tao ang body-shaming. Pinalalala lamang ng body shaming ang tingin ng lipunan sa isang tao. Halimbawa, kung obese ang isang tao, malamang na sasabihan siya ng mga salita tulad ng “Uy, magpapayat ka naman, ang taba mo na”, ng isang tao sa pag-iisip na ito’y makatutulong sa kanya. Ngunit imbis na makatulong, mag-iisip siya ng mga bagay na mali sa kanya at ito na ang magiging batayan niya ng pagtingin niya sa kanyang sarili. Karaniwang maiuugnay ang body shaming sa pagiging obese o malnourished ng isang tao at dahil ditto, nagdudulot ito ng iba’t ibang eating disorders na nagpapalala pa ng pangangatawan ng taong nakararanas nito.

Mula sa isang poll na isinagawa sa UPIS, mapapansin na ang mga kadalasang paksa ng body shaming ay ang bigat at tangkad ng isang tao. Ibig sabihin nito, ang mga madalas na biktima ng body shaming ay ang mga estudyanteng “horizontally at vertically challenged”. Mapapansin na ang mga unang napapansin ng tao ay ang pisikal na anyo ng iba. Kaya naman pagdating sa simpleng bati, kahit na maraming maaaring sabihin, pinipili ng ilan na pansinin at sabihin, “Sobrang payat mo na!”. Wala na bang ibang maaaring pag-usapan at bigyang pansin? Sa katunayan, wala tayong karapatang husgahan ang ibang tao sa kanilang anyo, mas lalo na kung hindi ito nakakapagpahamak sa kanila o sa ibang tao. Ang pisikal na anyo’y hindi timbangan ng halaga ng isang tao. Hindi guguho ang mundo kung tumaba ang kaibigan mo, walang mawawala kung medyo mas maliit sa karamihan sa klase ang kaklase mo.

Sa susunod, mag-ingat na tayo sa mga salitang bibitawan natin sa iba, sapagkat maaari itong magdulot ng masamang epekto sa ating mga nakakausap. Imbis na mamuna, subukan naman nating bigyang pansin ang iba pang aspekto ng tao na nakakalimutan na nating pahalagahan at hangaan. Ang importante ay ang kalooban ng isang tao, hindi ang kanyang pisikal na katangian. //nina Hillary Fajutagana, Lm Gacad, at Rachel Siringan

References
http://www.magic1065.com/story/31262532/body-shaming-causes-and-effects
https://www.psychologytoday.com/blog/wiring-the-mind/201501/whats-wrong-fat-shaming
https://www.theodysseyonline.com/body-shaming-has-to-stop

You Might Also Like

0 comments: