filipino,

Literary (Submission): Mamahalin Kita

3/22/2016 10:02:00 PM Media Center 0 Comments



Noon iniisip ko, kapag naging tayo, aalagaan kita. Pagsisilbihan kita hanggang sa tumanda tayo at maubos na ang itim ng mga buhok natin. Ako ang magiging katuwang mo sa lahat ng bagay at sa lahat ng pagkakataon. Ako ang magbibigay ngiti sa iyo tuwing iniisip mong wala nang ikasasaya pa ang buhay mo. At higit sa lahat, mamahalin kita.

"Wag mong basahin! Ano ka ba!"

Kahit ayaw ko, papayag akong ipunas mo sa bago kong damit ang mga luha mong dala ng mga problemang pinapasan mo. Kahit nakakahiya, handa akong pagtawanan ng ibang tao marinig ko lamang ang tawa mong mas malakas lang ng konti sa bulong. Kahit na masakit sa ulo, pakikinggan ko pa rin ang boses mo habang kumakanta ka ng Stupid Love sa videoke. At kahit marami pang kailangang tiisin, mamahalin pa rin kita.

"Huy! Akin na 'yan!"

Ipakikita ko sa iyo ang halimbawa ng isang magandang hinaharap. Iparirinig ko sa iyo ang awit ng puso kong "ikaw" lamang ang sinasambit. Ipararamdam ko sa iyo ang haplos ng hanging dala ang aking mga yakap at halik. At titiyakin kong magagawa ko ito pagka't mamahalin kita.

"Hala, ang kulit!"

Noon, ang mga pangakong ito ay hanggang isip ko lamang. At ang "tayo" ay hanggang "kapag" lang. Ngayon, ang mga pangakong ito'y hindi na magtatago pa at manggugulo pa sa isip ko. Dahil ngayon, ang "kapag" ay naging "sa wakas" na rin. At ang mga pangako kong ito ay hindi na magiging basta pangako pagka't nakita at nasa piling ko na ang "ikaw" na siyang awit ng puso ko.

"Hintayin mo na lang sa pub!"

Hoy ikaw! Kahit na ang kulit-kulit mo ngayon sa tabi ko at nagpupumilit kang basahin ang mga pangako kong ito, ayos lang. Kahit na halos mapunit na ang papel na pinagsusulatan ko, ayos lang. Hindi ako mapapagod at magsasawa dahil mahal kita. Mamahalin kita hanggang sa mamanhid ang nguso ko kauulit ng mga salitang ito. At kahit masakit na ang kamay ko sa pagsulat nito, sa di pa huling pagkakatao'y inuulit ko sayo...

Mamahalin kita.

You Might Also Like

0 comments: