filipino,

Literary (Submission): Dito. Doon. D'yan.

3/03/2016 09:52:00 PM Media Center 0 Comments



Dito.

Dito sa tahimik at mala-paraisong isla unang nagtagpo ang maingay at bagabag nating kalooban na nagsusumigaw ng kalayaan mula sa kahibangan ng pag-iisa.

Dalawang kaluluwang naghahanap ng kapayapaan sa piling ng nilalang na aako ng kabuktutan at kaguluhan ng mundong sakim sa kaligayahan.

Dito sa isla ng pinong puting buhangin binago ang takbo ng tadhana at nagsimula ng bagong kabanata ng buhay na hindi na lamang mag-isang susuungin dahil ngayon kasama ka na… katuwang hanggang sa kinailangan mong magpunta doon.

Doon.

Doon sa bayan ng ginintuang pangako, kasama ng iyong pamilyang saksi sa isa’t kalahating taon ng ating pagsisinta.

Sinubukan ko. O Diyos Ko! Sinubukan ko ng buong tapang na palayain ka sa pag-aakalang hindi kakayanin ng ating mga murang kalooban ang hamon ng ugnayang milya milya at ibayong dagat ang tatawirin.

Ngunit nais mong lumaban sa alon ng karaniwan dahil ramdam ng puso mo ang sigaw ng puso ko… “NILOLOKO KO LANG ANG SARILI KO! HINDI KO KAYANG MAWALAY SA PILING MO!”

At sa sumunod ng lima’t kalahating taon, sinuong natin ang daluyong ng layong pisikal sakay ng mga bulong ng ating pusong nangungulila man at patuloy na lumalaban.

Lima’t kalahating taon ng walang patid na pag-uusap sa teleponong halos halikan sa pangungulila.

Lima’t kalahating taon ng pakikipagsapalaran at pakikipagsugal sa mga Moirai para sa tadhanang ipinanganak mula sa simbuyo ng damdamin na dinilig ng mga matatamis na pangako at pinanday ng mga pagkakataong nagpatibay sa bigkis ng dalawang kaluluwang nakahanap ng kapayapaan sa piling ng isa’t isa. Kapayapaang ngayon ay iyong kasama D’yan.

D’yan.

D’yan kung saan ka ngayon naroroon matapos ang trahedyang nagnakaw sa akin ng lahat-lahat…
ng lahat-lahat ng mayroon ako… ng lahat-lahat ng pinanghahawakan ko.

Ng lahat-lahat ng pag-asa at pangarap na binuo nating dalawa.

D’yan kung saan alam kong hinihintay mo ako para ipagpatuloy ang naputol nating ugnayan… ang naputol nating kasiyahan… ang naputol nating kapayapaan.

Dito. Doon. D’yan.

Dito lang ako gugunitain ang mga alaala

Doon sa lugar kung saan ka nahihimlay, hintayin mo ako

D’yan kung saan ako lilipad patungo sayo, dipang palad sa yakap mo.

You Might Also Like

0 comments: