filipino,
Literary: Silid-Aklatan
Palagi kitang nakikita sa silid-aklatan—
Sa dulong mesa malapit sa hagdanan.
Tahimik kang nagbabasa ng isang aklat,
Kasama ang mga kwaderno mong nakabuklat.
Palagi kitang nakikita sa silid-aklatan—
Sa pang-apat na istante malapit sa labasan.
Binabasa ang bawat pabalat at pamagat ng aklat.
Pinipili mo lamang ang aklat na nais mong buksan.
Palagi kitang nakikita sa silid-aklatan—
Musika mula sa iyong telepono, iyong pinapakinggan,
Nakatuon ang buong pansin sa babasahin,
Nagsusulat ng mga tala at mga lathalain.
Palagi kitang nakikita sa silid-aklatan—
Gusto kitang lapitan, ngitian o kahit kawayan man lamang,
Pagkat ang tanging nais ko ika’y saglit na kausapin lang
Ngunit bago ito, lakas ng loob ay kailangan kong pag-ipunan
Palagi kitang nakikita sa silid-aklatan—
Ngunit bago pa kita tuluyang matitigan
Maaalala kong klase’y magsisimula na ilang minuto na lamang.
Ay! laking panghihinayang ‘pagkat sandaling panahon lamang kita nasilayan.
0 comments: