filipino,

Literary (Submission): Aasa Ba Ko Sa'yo?

3/18/2016 09:57:00 PM Media Center 0 Comments



"Uuuuy, malapit na prom!!! Kinakabahan na ako. Baka kasi hindi maging masaya yung gabi niya. Baka ako pa maging dahilan non."

"Ano ka ba! Hindi naman mag-yes 'yon kung alam niyang hindi siya magiging masayang kasama ka eh."

"Sa bagay. Pero huwag mo kalimutan ha, isasayaw kita!"

"Basta huwag ikaw ang makalimot. Baka kasi masyado kang mag-enjoy kasi natupad na yung wish mong makadate siya sa prom."

"Hindi naman siguro. Basta sa paborito mong kanta ha? Isasayaw kita!"

"Oo naman, ikaw pa!"

-----

Ilang araw na ang lumipas, hindi ko pa rin makalimutan ang prom. Una at huling beses ko kasing umattend ng prom dahil hindi ako pinayagan last year. May kailangang kailangan kaming puntahan. Noon lang ako naghanda at nag-ayos para sa ganoong pormal na okasyon. Hindi naman kasi ako palaayos. Basta komportable ang damit at nakapagsuklay, ayos na.

Grabe, masaya palang mag prom! Kahit walang date, okay lang! Masarap naman kasing kumain nang kumain at marami naman akong kasamang kaibigan sa table. Pero sa puntong iyan, hindi pa tapos ang gabi kaya hindi ko sigurado kung hanggang matapos ang prom, masaya pa rin ako.

Noong gabing iyon, nakita ko kung paano ka magkagusto sa isang tao. Doon kita tunay na nakilala. Hindi ko akalaing gentleman ka pala! Panay side comment at pangungulit lang naman kasi ang madalas mong gawin sa klase. Nakaalalay ka kahit saan siya magpunta. Sa bagay, mahirap na. Sa haba ba naman ng damit at sa taas ng heels niya, imposibleng hindi ito matapakan ng iba. Baka mapatid pa siya. Pero nasa tamang edad naman na siya, kaya na niya ang sarili niya!

At kita mo nga naman 'o! Marunong ka palang maging sincere at seryoso. Grabe naman kasi kung paano mo siya titigan, parang wala kang ibang kasama sa table. Kahit nga habang kumakain siya, hindi mo pinalampas. Helllooooo! *kaway kaway* Andito pa kaming friends mo oh! Pwede mo rin naman kaming kausapin.

Sa wakas, oras na ng sayawan. Tapos na ang first dance… second dance… third… at ilan pang mga kanta ang dumaan.

Napagtanto kong gusto mo talaga siya. Parang dinadala mo ang buong mundo sa tuwing yayayain siyang sumayaw ng iba. "Oo, ikaw nga ang date ko pero parang hindi rin. Ang dami kong kaagaw sa'yo." Ganyan ang sinasabi ng mga mata mo. Hay. Pero alam mo naman kasing beauty queen ang datingan ng date mo. Halos nasa kanya na ang lahat.

Lumilipas na ang gabi. Nakakailang sayaw na rin ako. Nakakailang beses ka na ring nakaupo habang pinapanood siyang sumayaw kasama ang iba.

Tumugtog na ang paborito kong kanta! Ayan, naghintay na akong magyaya ka. Pero bakit ganoon? Siya ang niyaya mo. Sa isip ko naman, "Ay teka! Baka yung isang kanta yung alam niyang paborito ko!"

Naghintay ulit ako. Umasa. Naghintay nang naghintay. Umasa pa rin. Naghintay… naghintay… Tumugtog na yata halos lahat ng gusto kong kanta, wala pa rin. Minsan, nakikita lang naman kitang nakatulala, wala ka namang kasayaw. Siguro may kasayaw na naman siya. Pero umaasa pa rin akong hindi mo nakalimutan.

Naisayaw ko na halos lahat ng kaibigan ko. Pero wala pa rin. May iba pang nagyaya, naisayaw ko na rin. Yung totoo, ano ang alam mong paborito kong kanta? Hinayaan ko na lang. Mukhang nawala ka na yata sa mood.

Lahat ng inaasahan kong mangyari sa gabing iyon, hindi ko akalaing magkakatotoo.

Siyempre, natapos ang gabi nang hindi mo ako naisayaw. Hindi ko alam kung masyadong okupado ang isip mo noon o nakalimutan mo lang talaga. Baka naman hinintay mong ako pa ang magyaya sa'yo? Naku, sorry! Sabi mo isasayaw mo ako, kaya hinintay lang kita. O baka naman ayaw mo lang talaga? Pero kung ganoon, sana hindi mo na lang sinabi na isasayaw mo ako kasi inasahan ko na. Wala rin naman palang mangyayari.

Oo, mababaw na dahilan pero sa'yo kasi nanggaling. At naging mahalaga kasi mahalaga ka. Ayos lang. Kahit nakalimutan mo, kahit hindi ka na mag-sorry, okay lang. Hindi naman na 'yon mauulit kasi nga last na.

At sanay na rin naman akong umasa sa wala.

You Might Also Like

0 comments: