bella swan,

Literary (Submission): Torete*

3/03/2016 10:03:00 PM Media Center 0 Comments



“Sandali na lang…Maaari bang pagbigyan?”

Medyo malalim na ang gabi. Mukhang malapit nang matapos ang prom. Marami na rin akong napagbigyang makasayaw. Pagod na ako. Masakit na ang mga paa kong hindi naman sanay sa heels. Kaya pagkatapos ng kanta, bumalik na agad ako sa aming lamesa. Tahimik akong nakaupo, naglalaro ng Color Switch nang may kamay na biglang humarang sa screen.

“Aalis na nga. Maaari bang hawakan ang iyong mga kamay?”

“Sayaw tayo?”

Kahit hindi ako tumingin, sa boses pa lang, alam ko nang ikaw yun. Kinuha ko ang kamay mo at hinayaan kang isama ako sa gitna ng dance floor.

“Nakakainis ka!” bungad ko. “Bagong high score na dapat yun!”

“Hahaha! Sakto pala eh.”

“Wrong timing ka kaya!” biro ko, sabay hampas sa balikat mo.

Natawa ka ulit. “Lagi naman,” sabi mong nakangiti.

Ngumiti lang rin ako. Ano pa bang isasagot doon? Nabitawan ko pa lang ang mga salita, naisip ko na kung gaano katotoo ang mga katagang “wrong timing” para sa ating dalawa.

"Sana ay maabot ng langit ang iyong mga ngiti..."

Tingnan mo naman, magkakilala na tayo mula pagkabata. Ilang beses rin yata tayong naging magkaklase. Pero ngayong taon lang tayo naging close.

Kung tama kasi ang timing, eh di sana naging magkaibigan na tayo bago pa kita naging partner sa org project. Bago ko pa nalaman na kaya mong sabayan ang pagiging OC ko at kaya mo akong pakalmahin pag nasestress na ako.

Sana bago mo pa ako pinahiram ng jacket kasi ginaw na ginaw na ako sa bus noong Career Trip.

Sana bago mo pa ako binigyan ng Chocnut kasi nakita mong malungkot ako. Bago mo pa sabihing, “’Wag mo na siyang isipin. Move on ka na.”

Sana bago mo pa ako ilibre ng fried oreos sa function nyo. Sana bago pa kita marinig kumanta kasama ng banda mo. Sana bago pa ako kiligin nung minsang inakbayan mo ako sa group picture.

Sana bago ko pa makita kung gaano ka kabait, kung gaano ka kabuting kaibigan at anak. Bago ko pa makita kung paano ka magsalita sa klase, kung paano mo dalhin ang sarili mo sa harap ng maraming tao.

Sana bago pa ako mapangiti pag nasasalubong ka o kahit pag nakikita ka lang mula sa malayo o kahit pag naiisip kita ng bigla.

Sana bago pa tayo maya’t mayang tuksuhin dahil ikaw ang una kong hinahanap pagdating sa school. Dahil gusto kitang kagrupo sa mga activity. Dahil lagi tayong nagbibiruan. Dahil nagiging close na tayo. Dahil bagay raw tayo.

Sana… kung tama ang timing… sana dati pa kita naging kaibigan. Noon pa. Bago pa maging kami. Bago pa maging kayo. Sa tagal kasi ng panahon na magkakilala tayo, laging may kami o laging may kayo. Noong malabo ang kayo, malinaw na may kami. Ngayong wala nang kami, may kayo na ulit. Yata.

Kaya kung noon pa sana, eh di baka sakali… siguro… siguro hindi ako naguguluhan kung anong meron tayo. Siguro… mas madaling tanggapin na gusto kita.

Hindi ko na napansin kung gaano katagal na tayong magkausap at magkasayaw. Parang tatlo o apat na kanta na rin yata. May mga sandaling hindi tayo nagsasalita pero okay lang. Hindi awkward ang pakiramdam kundi komportable. Magaan sa loob. Masaya. Tama.

Napangiti ako nang mapansin ko ‘yan kaya siguro nagtanong ka. “O, bakit?”

Umiling ako ng bahagya at ngumiti lang ulit. “Bakit ka natatawa? Iniisip mo na naman siguro siya! Hala!” pabiro mong sabi.

“Hahaha. Hindi, no!” Iyan lang ang sagot ko. Hindi ko kasi alam kung paano ipapaliwanag sa’yo na alam ko namang hanggang dito lang muna tayo. Kung ano man ito.

Pero lalo na ngayong kasayaw kita, ngayong hawak mo ang kamay ko, hindi ko pa rin mapigilang isipin, hindi ko mapigilang hilingin na sana… sana may tamang panahon para sa atin.

“Sana ay masilip…”

-----

“Wag kang mag-alala, ‘di ko ipipilit sa’yo… Kahit na lilipad ang isip ko'y torete sa 'yo.”


Nakaapat na kanta na mula nang yayain kitang sumayaw. “Gusto mo na bang bumalik para makapaglaro ka na ulit?” tanong ko.

“Pwede naman,” tango mo. “Hahaha. Sige, baka may magalit na sa’yo,” tumatawa mong dagdag.

“Wala,” sagot ko. Tiningnan mo ako na para bang hindi ka makapaniwala.

“Weh?”

“Wala nga.” Wala na. Pero hindi mo pa nga pala alam.

Kagaya nang hindi mo pa siguro alam na gusto kita. Na ako ang unang nahulog. Noon pa.

“Ilang gabi pa nga lang nang tayo'y pinagtagpo na parang may tumulak nanlalamig, nanginginig na ako...”

Noon pang unang beses na mag-partner tayo sa project. Noong mapansin ko kung paano mo gagawin ang lahat para lang matapos ng maayos at maaga ang mga kailangang gawin.

Noon patago kitang sinusulyapan sa bus noong Career Trip kaya alam kong giniginaw ka na. Di ako nagdalawang-isip na pahiramin ka ng jacket kahit nangangatog na rin ako sa lamig.

Noon pang nakita kong nakaupo kang mag-isa, bagsak ang mukha dahil nagparinigan na naman yata kayo ng ex mo. Binigyan kita ng Chocnut at inulit sa’yo ang payo mo sa akin nang minsang cool-off na naman kami at masama na naman ang loob ko: “Wag mo na siyang isipin. Move on ka na.”

Noon pang sinamahan mo akong bumili ng supplies para sa function kaya nilibre kita ng fried oreos. Noon pang nakita kong enjoy na enjoy ka sa pag-frisbee.

Noon pang pasimple kitang inakbayan noong magkatabi tayo sa group picture. Noon pang mapansin ko kung paano mo hawiin buhok mong mahaba at noong mahulaan ko na Sunsilk ang shampoo mo.

Noon pang makita ko kung gaano ka katatag, kung paano mo ipaglaban ang tama, kung gaano kabuti ang puso mo.

Noon pang inaasar tayo sa isa’t isa, magkasama man tayo o hindi. Noon pa, bago pa tayo maging close. Bago pa tayo maging magkaibigan talaga. Bago pa nila mapansin at sabihing bagay tayo. Noon pa… noon pa gusto na kita.

“Akala ko nung una may bukas ang ganito.”

Kung sasabihin ko ‘yan sa’yo ngayon, siguro hindi ka maniniwala. Pero ‘yan ang totoo. Hindi ko lang agad inamin sa sarili ko.

Dahil iba ang nasa isip ko, iba ang nakikita ko at akala ko yun ang gusto ko. Dahil natatakot akong pakawalan ang isang bagay na matagal ko nang ipinaglalaban at kinakapitan. Dahil ayokong ako ang maging masama kaya nakalimutan ko na kung paano ba talaga maging masaya.

“Mabuti pang umiwas...”

Ngayon alam ko na. Tanggap ko na. Pero… pero hindi ko muna sasabihin sa’yo kung ano ang nararamdaman ko. Saka na. Pag nakapagsimula na ulit ako, pag kahit papaano, buo ko na ulit maibibigay ang puso ko.

Matatapos na ang pang-apat na kanta. “Ano, uupo na ba tayo?”

“Ikaw. Kahit ano,” sagot mo.

“Mamaya na lang. Isang kanta pa,” sabi ko.

Ngumiti ka at marahang tumango, “Sige.”

Hinawakan ko ng mas mahigpit ang kamay mo. Sana alam mo, sana maintindihan mo na kahit hanggang dito muna tayo ngayon, taimtim kong hinihiling na sa tamang oras, lugar, at panahon, sana… sana ako ang piliin mo.

" ...pero salamat na rin at nagtagpo."


*Inspired by Moonstar88's Torete

You Might Also Like

0 comments: