DiMaAninag,
Spoof Literary (Submission): Alienation
Ayaw ko na talaga.
Tatlo kaming magkakapatid. Si Mary Anne ang bunso, Mary Jane ang pangalawa, at siyempre ako na panganay na si Mary Tym Silkroad. Ipinanganak kasi ako sa kalagitnaan ng paglalakwatsa ni Mama at Papa sa nasabing kalsada, humigit kumulang 18 taon na ang nakalipas. Laking gulat nga nila nang bigla akong sumulpot sa mundo agad eh. Dahil dito, hindi ako nabigyan ng agarang medikal na atensyon kaya naman lumaki akong sakitin. Hindi ako palaging pinapayagan ni Papa na lumabas ng bahay, panakot niya sa akin ay baka “maubuhan” ako at ma-stroke. Dapat malinis palagi ang paligid, 100% organic o masustansya ang aking mga kinakain, at perpekto ang lahat pagdating sa akin.
Pakiramdam ko, dahil sa espesyal na pagtratong ito, naiinggit ang aking mga nakababatang kapatid. Hindi lang sa loob ng bahay namin ako nakararamdam ng pang-aalipusta kundi pati na rin sa eskwelahan. Ewan ko ba kung bakit, pero palagi na lang nila akong pinagdidiskitahan gamit ang mahahapdi nilang salita. Alalang-alala ko pa noong Grad Ball namin; namumula ang aking pisngi dulot ng sinag ng araw, pumapalatak ang suot kong takong sa madulas na sahig, at pumarada sa aking harapan ang mamahalin naming sports car. Bigla na lang akong binitiwan ni Mary Anne at Mary Jane ng masasakit na salitang dumurog sa aking dibdib:
“Wow ate, ang ganda niyo!” ani nila.
Maganda lang? Tinabunan ko na nga ng sandamakmak na make-up pati labi ko tapos maganda lang sasabihin niyo beh?
Kumaripas ng takbo ang sasakyan patungo sa tanghalan ng Grad Ball na may temang: Wrecking Ball, the Magnificent. Ito na ang huling pagkakataon na makikita ko ang aking mga mapanlait na kaklase. Pagdating sa venue, agad kong iniwasan ang tingin ng matatalas nilang mga mata. Napansin ko kung paano lumobo ang kanilang mga pisngi nang makita ako. Pakiramdam ko, pinagtatawanan nila ang aking pagmumukha at kasuotan.
Nakasalubong ko pa sa pinto si Poseidon at naisipan niya pa akong punahin. Hindi ko na masyadong narinig ang mga salita niya pagkat nagliyab na ang aking noo.
“HA?” paulit kong tanong.
“Wow girl, you shine bright like a diamond!” nakangiti niyang pag-uulit.
HAKDOG ang nais kong isigaw. Bruha ka! Pwes you look like a plastic kasi plastic ka.
Nagtimpi na lang ako at nagpasalamat. Grabe, hindi pa nga ako nakakapasok ng pinto, sira na agad ang araw ko. Tunay ngang matinik ang kanilang dila.
Ano ‘tong nararamdaman kong gumagapang sa aking dibdib? Is this Alienation?
Sobrang lungkot ko na sa puntong iyon, hindi na ako makapagpokus sa sinasabi ng kasayaw ko lalo na’t may isang hilera pa ng mga lalaki ang naghihintay para sayawin ako.
Grabe talaga ‘tong solitude na ito, simula sa loob ng bahay hanggang sa paaralan, feeling ko I’m always not invited.
Bigla akong sinapian at nagmartsa palabas ng silid.
“Mary Tym, paano na yung pila ng boys na gusto kang sayawin?” bulyaw ni Frigidork.
Naglakad-lakad muna ako kung saan-saan para mapakalma ang aking sarili. Tinangay na lang ako ng agos ng pag-iisip patungo sa isang liblib na lugar na pinagtitirahan ng kung tawagin nila ay informal settlers. Nagkatitigan kami ni manong at nangati ang aking paa tumakbo papalayo ngunit bigla siyang umubo. Tumalikod ako upang makaiwas at namataan ang isang ordinaryong pamilya sa isang sulok. Gula-gulanit ang kanilang kasuotan, nangangayayat ang nakababata nilang kapatid, at ang tanging proteksyon lamang nila mula sa init ng araw ay ang mga pinagpatong-patong na yero. Higit sa lahat, ang tunay na pumantig sa aking damdamin ay ang mala-scripted nilang pagtatawanan matapos magyakapan sa isa’t isa. Pinaghatian nila ang isang piraso ng pritong talong at Pampanga’s BEST Tocino. Napahinga na lamang ako nang malalim at umuwing nag-iisa pabalik sa aming tahanan, nakadilat ang mata nang mas malaki kumpara sa dati.
0 comments: