filipino,

Literary: Naiwang Pagtataka

4/06/2019 08:48:00 PM Media Center 0 Comments




“Ano kaya’ng pangalan ng batang ito?”
Hindi pa nakikita ng mga mata mo
ang kulay at hiwaga ng mundo,
Mayroon nang nakakaalam sa ’yo
maririnig sa mag-asawang nakaupo
na siguradong sa pagmamahal ika’y mapupuno

“Paano kaya ang kaniyang kabuhayan?”
Sa loob ng mahabang siyam na buwan,
sa pagtitiyaga’t pagtitiis ng pagdadala
maririnig sa mag-asawang nagpaplano
na ang pumupuno’y kasabikan
hindi makapakali, saya’y di maiiwasan

“Gaano siya kabigat?”
“Kumusta na ang kalagayan?”
maririnig sa mga taong makita ka ang hangad
Lumabas ka na’t mga ngiti ang bumungad
lalong galak ang kumukulay sa mag-asawa
makikita sa mga mata nila’y tuwa

“Ano kaya ang kakanin natin mamaya?”
“Mayroon pa ba tayong gatas?”
Sa tahanan ng tatlo,
ito’y maririnig sa butihing nanay at tatay
habang ika’y tahimik na nakaupo
sa sahig, masayang naglalaro

“Sapat na kaya ito?”
“Anong oras na kaya?”
Sumasapit man ang gabi,
Sa umaga pa ri’y nagpapahinga ang tatay
Mula sa paghele, mula sa ’yong tabi
sinisiguradong tulog ay mahimbing
at hihinto ka na sa pag-iyak

“Ano pa ang kulang?”
“Ano pa ang wala sa bahay?”
Sa kanilang maliit na salapi,
Bibilhan ka pa rin ng iyong nais,
kahit wala na ang para sa kanila
ang kailangan mo’y higit na mahalaga

“Nanay, kumusta po kayo?”
“Tatay, gusto niyo po bang maglaro?”
maririnig sa ’yo na wala pang muwang sa mundo
Apat na taon ang lumipas
Ngunit pagmamahal nila’y di kumukupas
Natuto ka nang magsalita’t bumasa

Ni isang araw di mo makaligtaan,
“Mahal ko po kayo!” ang isigaw
“Mahal ka rin namin!”
sagot ng mga magulang mo
kahit walang katanungan,
ngunit nagkakaroon ng kasagutan

“Ano ang takdang-aralin mo?”
“Ano ang sabi ng iyong guro?”
Sinustentuhan nila ang pag-aaral mo
kaya’t namulat sa kaalaman, natuto
mga kaibigan, ika’y nagkaroon
masama at mabuti ay mayroon

“Tatay? Wala po bang regalo
para sa nagtapos ng elementarya?”
Bumilang ka muli ng mga taon
Gayundin ang mga nag-alaga sa ’yo
Napapalapit ka sa piling ng kaibigan
Sa kanila, nahanap ang munting kasiyahan

Bawat hakbang mo na’y nagbabago
Sa piling ng magulang ika’y nalalayo
Minsan sila’y iyong nasisigawan
Minsa’y pagmamahal mo ay lumiliban na
Mayroon bang mali sa pagpapalaki?
Mayroon ba silang pagkukulang?


“’Nay, ‘Tay, maari po bang makahingi
mula sa kakaunting salapi?”
Sino ba namang hindi makatitiis
Kung ang anak ay hihingi
Kaya’t nabigyan at ginamit
Ginamit mo sa hindi nakabubuti

Bakit sigarilyo na ang hawak
sa halip na panulat?
Bakit, higit sa lahat, sa alak
nagastos ang salaping mula sa hirap?
Bakit sa saglit na galak,
pinagpalit ang pagal ng magulang?

Mabilis na tumakbo ang oras,
Nakita ng matang dalawang pares
sikreto mong matagal nang naghihintay
tinanong nila lahat
“Ano? Paano? Bakit?
Kailan? Anak?”

Muli mong naalala ang siyam na buwan
ang mga sakripisyo na hindi matutumbasan
na sila’y walang pagkukulang,
Nawala na ang saya sa mga mata nila
takot at hinagpis, tanging pagsisi
ang puminta sa mukha nila

Binanggit nila ang pangalan mo,
Nakikita ngayon ng iyong mga mata
ang kulay at hiwaga ng mundo
tila klima ang pilit mong binabago
ngunit sa dagat ng kalayawan
ka pa rin makikitang tinatangay

You Might Also Like

0 comments: