gabe ulanday,

Moving-up Ceremony ng Lumad Bakwit School, idinaos

4/10/2019 08:10:00 PM Media Center 0 Comments



TAGUMPAY. Ang mga nagsipagtapos na mga estudyanteng Lumad mula sa Grado 10. Photo Credit: Gabe Ulanday

Mahigit sa 70 estudyanteng Lumad ang pinarangalan at nagsipagtapos sa Moving-up Ceremony ng Lumad Bakwit School noong ika-29 ng Marso 2019 (Biyernes) sa University of the Philippines Integrated School (UPIS) 7-12 Auditorium.

Nagsimula ang programa sa Panubadtubad, isang ritwal na ginagawa upang humingi ng pahintulot sa mga may-ari ng Talabugta, ang diyos o may-ari ng lupa. Sinundan naman ito ng pag-awit ng Lupang Hinirang at ang School Hymn ng paaralang Lumad.

Pagkatapos nito, nagbigay ng Mensahe ng Pagtanggap ang dekana ng College of Home Economics (CHE) na si Dr. Aurorita Roldan. Kasunod na nagbigay ng isang mensahe ng pakikiisa ang Prinsipal ng UPIS na si Dr. Lorina Y. Calingasan. Sa kaniyang talumpati siya’y nagpasalamat sa mga taong tumulong upang maging matagumpay ang Bakwit School. Ayon din sa kaniya, mas natuto pa raw ang mga mag-aaral ng UPIS dahil sa mga karanasan at kuwento ng mga estudyantedng Lumad.

Bago tumungo sa paggawad ng sertipiko, nagkaroon muna ng paggunita at pagpupugay sa mga namayapang martir ng paaralang Lumad sa Mindanao at nagkaroon din ng isang video call mula sa Mindanao ang mga magulang ng mga magsisipagtapos na mag-aaral.

Sa mismong paggawad ng sertipiko, isa-isang tinawag ang mga estudyante para kunin ang kanilang diploma. Bukod sa parangal para sa kahusayan sa mga subject, mayroon din silang dagdag na parangal para sa kanilang mga natatanging kakayahan tulad ng, “behaved, matapat, palakaibigan, batang Gabriela Silang, atbp”


Sinundan ang parangal ng isang talumpati mula kay Michael L. Tan, Tsanselor ng UP Diliman at Save Our Schools (SOS) Network Head Convener. Sa kaniyang talumpati, muli niyang iginiit ang importansya ng edukasyon para sa lahat at ang pagtigil ng pambobomba at karahasan ng militar sa Mindanao. Pagkatapos naman nito, nagkaroon ng makasaysayang pagpirma sa Kasunduan ng Pagkakaisa sa Pagitan ng UP at iba’t ibang paaralang Lumad na pinangunahan ni Tsanselor Michael Tan.

PAGKAKAISA. Taas-kamao ang iba’t ibang kinatawan ng paaralang Lumad, matapos pumirma ng kasunduan. Photo Credit: Ezekiel Dionisio

Sa pagtatapos ng programa, nag-alay ng isang kanta ang mga nagsipagtapos sa pangunguna ng Grado 10 kung saan binigyan nila ang kanilang mga naging adoptive parents ng isang token bilang pasasalamat sa pagkupkop at pagtulong sa kanila. Sa panayam kay UP Student Regent Ivy Joy P. Taroma, kaniyang sinabi na “Isang malaking karangalan para sa unibersidad ang i-hold dito ang kanilang pagtatapos, dahil isinusulong din natin ang isang uri ng edukasyon dito sa pamantasan na kagaya ng edukasyon na mayroon sila. Isang edukasyon na pambansa, siyentipiko, pang-masa, at tunay na nagsisilbi sa pangangailangan ng komunidad.” //nina Kiel Dionisio at Gabe Ulanday

You Might Also Like

0 comments: