cedric creer,
Opinion: Pagrerelease ng drug war records, tama ba?
Mga dokumento ito para sa hustisya.
Noong nakaraang Martes, Abril 2, naglabas ang Supreme Court (SC) ng isang order para isumite ng Malacañang ang mga records mula sa Philippine National Police (PNP) kaugnay ang mga bilang ng mga pinaghihinalaang drug offenders na napatay sa ilalim ng programa kontra droga ni Pangulong Duterte.
Dahil sa nagkakaisang boto ng mga mahistrado sa isang summer session sa Baguio City, inutusan ng Korte Suprema ang Office of the Solicitor General (OSG) na isumite ang mga dokumento at police records na may kinalaman sa 3,800 na pagkamatay kaugnay ng drug war na nasa ilalim ng imbestigasyon ng PNP.
Dagdag pa rito, inutos din nila sa OSG na magbigay ng mga kopya sa mga petitioners na nagkuwestiyon sa legalidad ng drug war ng pamahalaan sa korte. Ang mga petitioners na makatatanggap ng kopya ay ang Center for International Law (CenterLaw) at ang Free Legal Assistance Group (FLAG).
Tinutulan naman ni Solicitor General Jose Calida ang utos na ito ng SC. Naghain siya ng motion for reconsideration laban sa utos ng Korte Suprema. Ayon sa kaniya, ang pagbibigay ng mga dokumento na ito ay maaaring makaapekto sa seguridad ng bansa. May mga sensitibong impormasyon dito na hindi pwedeng ibunyag dahil maaaring maging banta sa national security.
Sa kabilang banda, nangako naman ang Malacañang na susunod sila sa utos ng Korte Suprema tungkol sa paglalabas ng mga kopya ng police reports na may kinalaman sa kampanya kontra droga ng pamahalaan.
“We always follow the rule of law. The Supreme Court has spoken,” pahayag ng Palace spokesman na si Salvador Panelo.
Hindi rin natatakot ang dating PNP chief at senatorial aspirant na si Ronald “Bato” Dela Rosa sa utos ng Korte Suprema.
“Wala akong concern. Walang akong tinatago at wala akong takot d’yan. Go ahead, that’s a public document. Kunin niyo iyan, kung ano ang gusto niyo,” sabi ni Dela Rosa sa isang chance interview sa campaign rally ng PDP Laban sa Malabon.
Photo Credit: Ulap Coquilla, Ria Estilón
Tama ito.
Ang utos na ito ng Korte Suprema ay makatutulong upang malaman ng mga tao kung may anumalya nga ba talagang nangyayari sa kampanya kontra droga ng pamahalaan. Ito ay isang malaking hakbang tungo sa pagbibigay hustisya sa mga tao at mga pamilyang naging biktima ng war on drugs.
Ayon kay Vice President Leni Robredo, ang mga datos na makukuha sa mga dokumento ay magagamit upang habulin ang mga taong nagkasala. Magagamit ang mga datos na ito para malaman kung sino ba ang mga tunay na may sala.
Dahil isa itong public document, may alinlangan pa rin si Bato Dela Rosa tungkol sa paglalabas nito. Ayon sa kaniya, maaaring magkaroon ng police harassment at makompromiso ang mga anti-drug operations kapag nailabas na ang mga dokumentong ito. Dagdag pa niya, magiging “passive” lang daw ang mga pulis dahil maaari silang maharap sa panganib ng isang kaso dahil sa paggawa ng kanilang trabaho.
Pero kung titingnan, bakit naman sila mangangamba na may masamang mangyayari sa kanila kung wala naman talaga silang kasalanan? Hindi ba’t kung gusto talaga ng kapulisang maging malinis ang kanilang pangalan ay hindi sila magkakaroon ng alinlangan sa paglalabas ng mga dokumentong ito?
At kung sinoman ang talagang napatunayang pumatay ng isang inosente at walang kalaban-laban na tao, nararapat lang na sila ay parusahan alinsunod sa batas. Hindi pwedeng nagagawa pa rin nila ang mga nais nila kahit na sila ay nagkasala habang ang ibang tao ay nagdudusa dahil sa kanilang nagawa.
Sana lang ay tuparin talaga ng pamahalaan ang kanilang pangako. Sa maraming beses na binigo ng pamahalaan ni Duterte ang mga Pilipino, sana ay hindi na ito dumagdag pa. Ang mga dokumentong ito ay labis na makatutulong sa mga biktima ng war on drugs. Huwag na sanang ipagkait ng gobyerno sa mga taong ang hanap lang naman ay hustisya. //ni Cedric Creer
0 comments: