12345,

Literary: Ikaw Ay Ako

4/13/2019 08:16:00 PM Media Center 0 Comments




Palagi tayong magkasama sa kahit na anong bagay. Kahit anong gawain, sa paglalaro, pag-aaral, pagbabasa hanggang sa paglilibang. Kahit saang lugar, tayo rin ay makikitang magkasama; sa eskwelahan, sa mall, sa bahay, at kung saan-saan pa. Alam mo, napagtanto ko lang na pareho rin tayo ng opinyon, parehong mag-isip, parehong magsalita, parehong kumilos, parehong manamit, kikay, at ang pinakamahalaga ay pareho tayo ng mga gusto. Ikaw ang pinakakilala kong tao sa mundo.

Tayo ang tipo ng taong walang masyadong kaibigan. Nakakatawa ka naman, siyempre nakakatawa rin ako. Ayos naman ang pananamit mo, astig nga e. Kakaiba, makulay at pansinin sa mata. Para sa akin lang a, cool naman tayo e. Kaya nga lang parang di ganoon ang tingin ng mga tao sa atin. Parang wala talagang gusto makipagkaibigan sa ating dalawa…di naman tayo wirdo, di ba? Alam mo minsan nalulungkot ako dahil di ko alam kung bakit nila tayo nilalayuan. Pero ayos lang, mayroon naman tayong isa’t isa... Ikaw at ako. Iyon na lang ang laging iniisip ko.

Sa kaiisip ko nga noon ay napansin kong nagbabago ka na. Iba na ang iyong pag-iisip, pagkilos, at di na natin ginagawa ang mga dati nating libangan kasi sabi mo ‘di ka na tulad ng dati. Iba na ang hilig mo. Iba na rin ang pananalita mo, madalang mo nang sabihin ang mga biro natin. Sabi mo ay di nakakatawa. Iba na rin ang pananamit mo, di na makulay, di na kapansin-pansin, sumusunod na sa uso. At alam mo, iba na rin ang iyong mga hilig at gusto. Ginagawa mo na ang mga bagay na di ko akalaing magagawa mo. Madami ka na ring bagong kaibigan, kung saan-saan kayo pumupunta at kung anu-ano ang pinaggagagawa ninyo. Bagong mga libangan, bagong mga kaibigan, at bagong mga hilig. Para ngang ‘di na ako ang prayoridad mo.

Pero ayos lang, tanggap ko lahat ng iyon. Pilit ko lang ding binago ang aking sarili kasi kung ano ka, iyon din ako. Di ba, pareho nga tayo? Pareho ng pag-iisip, pagkilos, pananalita, pananamit at gusto. Basta, dapat ay pareho tayo…

Ganoon nga pero parang nahihirapan na akong makisabay sa iyo. Minsan, masyado na akong nalilito...

Para tapusin na ang kalituhan kong ito ay umupo ako sa harap ng malaking salamin ng aking kwarto. Kinatok ko ang repleksyon at tinanong, “Ako pa ba ito?”

“Akala ko gusto mong lapitan tayo ng tao? O heto,” sagot ng aking repleksyon.

You Might Also Like

0 comments: