filipino,

Literary (Submission): Anong meron?

4/27/2019 09:35:00 PM Media Center 0 Comments




Bakit ba nila ako iniiwasan?

Buong araw ko nang napapansin ‘yung kilos ng mga kaibigan ko. Pagdating ko pa lang sa PA, ‘yung first class namin, nakita ko na si James, ang best friend ko. Kasama niya ‘yung mga kabarkada ko sa sulok ng classroom. May secret yata silang pinag-uusapan. Hindi ko nga maintindihan kung bakit sinisilip-silip lang nila ‘ko e, kaya nilapitan ko sila.

“Anong meron?”

“De wala!” patawa niyang sinabi sa’kin nang tapikin niya ‘ko sa dibdib. “Basta!”

Kumunot ang noo ko, pero nagsitawanan at naghampasan lang sa balikat ang mga kaibigan ko. Nagkamot ako ng ulo at tinanong ulit sila. “Ano ba kasi ‘yun?”

“Basta nga! Ang kulet nito o.”

“Ok.” Naglakad ako palayo sa kanila at umupo sa desk ko na nagtatampo. Nakita ko na lang sila na nagbubulungan, humahagikhik, at tumitingin sa akin. Mas lalo tuloy lumalim ang pagtataka ko. Paano kung may nangyaring ‘di maganda tapos may kinalaman ako dun? May katawa-tawa ba sa’kin? S’an ba talaga nanggagaling ‘yung pagbubulungan nila? ‘Di ko ma-piece together, clueless ako!

Dumating ang lunch break pero ganun pa rin sila. Pinaghahampas ako ni James ng isang rolyo ng blue na cartolina para paalisin ako sa bilog ng barkada namin sa sahig ng 3rd floor hallway.

“Aray! Bakit ba? ‘Di ba pwedeng kumain dito?”

“Bawal talaga, Par,” umiiling na sabi ni James. “Sumunod ka na lang kasi.”

“Bakit nga, sabihin niyo na kasi! ‘Di ako aalis dito hangga’t ‘di niyo pa sinasabi sa’kin.”

Nagtinginan lang na nakasimangot ang mga kaibigan ko. Nagkibit-balikat si James at nagsitayuan sila. Nanlamig ang pakiramdam ko at nangirot ang dibdib ko. Ni kailanman nila ‘kong hinayaan lang nang ganito. Sinundan ko sila sa room 132, pero pinagsaraduhan nila ako ng pinto at nagkulong sila sa loob.

“Hoy! Ano ba!” Kinatok ko nang malakas ang pinto.

Binuksan ni James nang kaunti ang pinto para makasilip sa labas. “Ang kulit mo talaga, Daniel. ‘Wag mo nga kasi kaming guluhin!”

Pinagsaraduhan ako ulit ni James. Sumilip ako sa salamin ng pinto pero tinakpan niya ito ng itim na colored paper. Nakakabastos! Napasigaw tuloy ako sa manggas ng summer uniform ko at napasipa sa basurahan ng hallway. Iniwan lang ako sa labas na nagdadagbog at walang alam ng mga kaibigan ko... kung mga kaibigan ko talaga sila.

Ang akala ko’y kaya nila akong pagkatiwalaan sa mga usapin namin, pero mukhang hindi pala. Kung may problema sila sa’kin, pwede naman nila akong harapin nang maayos. Hindi ‘yung ganitong nangangapa lang ako sa kanila. Hindi naman ganoon kahirap gawin ‘yon diba? Hindi nila naiisip ‘tong pag-aalala ko!

Lumipas ang mga natitirang klase at ‘di pa rin sila nagbabago. Mas lalo pa nga yatang lumala e. Kapag napapadaan ako sa harapan nila, umiirap ako. Pero kahit ganun ang gawin ko, parang invisible na lang din ako sa kanila. Sila-sila na lang ang mga nag-uusap at nagkakatuwaan. Ang layo sa pagsasama namin kahapon. Gulong-gulo na talaga ako.

3:30 PM na at dismissal na namin. Haharapin ko na dapat ‘yung mga kabarkada ko e, pero ‘di ko alam kung saan sila pumunta nung mga oras na ‘yun. Mukhang ‘di pa rin nila ako pinapansin.

Gusto ko na kasi sanang makipag-ayos sa kanila. Na-realize kong naging makasarili rin ako kanina nung lunch. Baka dahil sa ganung attitude ko kaya sila umiiwas sa’kin. Ewan ko ba. Responsibilidad ko naman din kasi talagang makipag-usap nang maayos sa mga kaibigan ko. Kailangan kong makipag-ayos sa kanila.

Anyway, baka dahil sa pagtulog ko sa klase namin sa Physics kaya ‘di ko alam kung saan sila tumakas. Ang sama tuloy ng tingin ng ST namin sa’kin nung nag-gogoodbye and thank you na kami. Gayunpaman, lumabas na lang ako sa may ramp. Nakita ko sa may guard house ‘yung mga kabarkada ko, at nakita rin nila ko sa pwesto ko. May kinukuha ata silang gamit galing sa labas. Naisip kong puntahan sila ro’n.

Habang naglalakad, iniisip ko na kung anong sasabihin ko kina James, kung paano ako hihingi ng tawad sa kanila. Pagpunta ko sa guard house, wala na pala sila ro’n. Nanlaki ang mga mata ko at nalungkot. Hanggang ngayon ba naman, ganito pa rin? Tatalikod na sana ako, pero bigla akong tinawag ni kuya guard.

“Ikaw ba si Daniel?” tanong niya sa’kin paglapit ko.

“Opo.”

“Sabi kasi nung mga kaibigan mo, bigay ko raw ‘to sa’yo pagpunta mo rito.” Iniabot niya sa’kin ang isang wamport na papel, nakatiklop sa kalahati. Kumunot na naman ang noo ko at binuklat ang papel. Isang note palang galing kay James.

“Sorry, Par, kanina ka pa namin iniiwasan. Hindi mo kasi talaga pwedeng malaman kaagad e. Alam mo namang mga kaibigan mo kami, kaya magtiwala ka naman sa amin kahit konti. Anyway, punta ka sa Room 111, nandun kami. Pag-usapan natin, ok?”

Napatulala ako nang ilang saglit bago ko ibulsa ‘yung papel sa slacks ko.

“Salamat kuya!” Nag-thumbs up ako kay kuya guard at nag-sprint papunta sa acad building. Parang TNF player ako sa bilis ng pagtakbo ko, walang pang hingal-hingal. Nakarating ako sa pintuan ng Room 111 at pumasok sa loob. Sabik na sabik na ‘kong makipag-ayos sa barkada ko.

Ang bumungad sa’kin sa loob ng classroom ay mga gupit-gupit na colored paper na parang mga makeshift confetti. Nakalat din sa sahig at sa buong paligid ang mga maliliit at makukulay na lobo. Nakaayos ang mahahabang table ng room na magkakadikit. Nakapatong dito ang mga box ng pizza, paper cups, paper plates, at softdrinks. Nakapaskil din sa pader gamit ang masking tape ang blue na cartolina. Nakasulat nang malaki sa gitna ang pangalan kong “Daniel” at may maliliit na talatang nakapalibot dito.

“Surprise!” sabi ng mga kaibigan ko.

“Sorry ulit, Daniel,” natatawang sabi ni James.

Napatulala ulit ako at bumagal ang mundo ko. Sa wakas, nabuo ko na rin ang mga nangyayari simula kanina hanggang sa mga nakikita ko ngayon. Bakit hindi ko kaagad napansin? Ako ata talaga ‘tong kailangang umintindi sa mga kaibigan ko. Bahala na si Batman!

Bigla akong napatawa habang nangingiyak-ngiyak. Tiningnan ko nang mabuti ang bawat isa sa barkada ko at nginitian sila.

“Ang aga pa guys,” sabi kong tumatawa. “Maling date talaga ‘yung nilagay ko sa Facebook... pero thank you.”

You Might Also Like

0 comments: