filipino,
Literary (Submission): Caffeine
Ang init-init. Kagigising mo lang mula sa isang mahimbing na pagtulog. Buong araw ka na sanang ganito pero hindi na kinaya ng katawan mo. Napakatindi na ng temperatura, mga 40°C. Tulo nang tulo ang pawis mo mula ulo hanggang likod. Kahit ang kili-kili at tiyan mo ay basang-basa rin. Nangangati na ang iyong anit. Namimintig na rin ang ulo mo sa pahamak na migraine. Itatanong mo sa sarili kung paano nga ba umabot sa ganito ang panahon.
Kailangan mong humanap ng paraan upang kayanin ang tindi ng init. Sasagi sa isip mo: ano pa bang mas magandang solusyon dito, kundi ang isang malamig at masarap na inumin?
Pumunta ka sa pridyider ng inyong bahay. Dito bubungad sa ‘yo ang isang simoy na kay sarap at ginhawa sa pakiramdam. Bagamat presko sa balat ang hanging dadampi sa iyo, kailangang isara kaagad ang pridyider para hindi sayang sa kuryente. Bago isara, kuhain mo muna ang pitsel ng iced tea mula sa loob.
Maputi’t makintab ang ceramic na lalagyan. Mararamdaman din ang malamig na pamamasa sa labas nito dahil sa halumigmig. Kay sarap talaga. Kumuha ka ng baso at isalin ang mamula-mulang kayumanggi na likido dito. Ibang klaseng saya’t kilig ang daranasin mo sa tunog ng pagpatak. Tunggain mo ang iced tea.
Mabilis na kakagat sa gilagid at dila mo ang manamis-namis na lasa ng mansanas. Sisipa sa ulirat mo ang sayang mahirap ipaliwanag. Gagaan ang iyong loob at luluwag ang paghinga mo. Pipikit ka.
Ilang saglit lang at biglang manunuyo muli ang bibig at lalamunan mo. Mauuhaw ka ulit kaya magsasalin ka’t tutungga na naman ng iced tea. Mararamdaman mo ulit ang saya kanina pero mawawala na naman. Mahuhumaling ka kaya’t paulit-ulit mo itong gagawin hanggang sa maubos ang timpladong inumin. Hahapdi ang iyong mga mata at lalabo ang iyong paningin. Tutulo ang iyong mga luha.
“Bakit ba ganito?”
0 comments: