feature,
Feature: Tara, Foodtrip sa UP
Kapwa Isko at Iska, ano bang naiisip natin kapag sinabing “foodtrip sa UP”? Marahil agad na papasok sa ating isip ang UP Town Center, Area 2, o kaya naman Maginhawa Street. Ano-ano pa nga bang mga kainan ang pwede nating puntahan sa susunod nating foodtrip?
Bibigyan ko kayo ng ilang mga lugar sa UP na sikat ngunit bihirang mapuntahan ng mga taga-UPIS at mga bagong estudyante.
1. Art Circle Gallery Café
Photo Source: WhatsHapppening.Ph
Sa mga mahilig sa sining o sa mga nais lang maghanap ng lugar para mag-review, ang Art Circle Gallery Cafe ay para sa inyo. Isa ito sa mga pinupuntahan ng mga estudyante ng UP dahil sulit na sulit dito ang ilang mga comfort food tulad ng blueberry cheesecake, pizza, pasta, at marami pa. Ma-eenjoy din ang lugar dahil tahimik at maraming mga painting ang makikita.
Kahit na medyo mataas ang halaga ng kanilang pagkain, sulit naman. Ang isang slice ng cake ay nagkakahalaga ng 110 pesos habang ang kanilang mga pasta naman ay nasa 200 pesos. Makikita ang Art Circle Gallery Café sa Bahay ng Alumni.
2. Mashitta
Photo Source: Bryologue
Hanap mo ba ay ramen, sushi, o kimbap? Ito ang kainan para sa ‘yo. Ang kainan na ito ay kombinasyon ng Japanese at Korean na pagkain. Kaysa pumunta ka sa ibang kainan na ganito rin ang iyong hanap, dito ka na sa Mashitta.
Budget friendly rin ito dahil sa halagang 100 pesos ay mayroon ka nang California Maki. Makikita ito sa may tennis court kung saan ang Shopping Center ay nakapwesto ngayon.
3. The Snack Shack
Photo source: Edible cravings
Isa sa mga sikat na kainan sa Area 2 ay ang Snack Shack, hindi lang dahil sa sarap ng kanilang burger kundi dahil makikita mo rin kung paano nila ito niluluto at ginagawa. Hindi lang estudyante ang pumupunta rito, kundi pati na rin ang mga nagtatrabaho sa UP.
Higit kumulang 20-30 minuto ang hiintayin para mahanda ang burger na nagkakahalagang 90 pesos pataas. Ngunit kahit ganoon, sulit na sulit naman ang bayad at paghihintay. Maaari pang dagdagan ang mga order ng fries sa halagang 60 pesos. Sila rin ay may delivery kaya’t kung tinatamad ka man o hindi makapunta, pwedeng-pwede kang magpadeliver.
4. Laruan ATBP
Photo source: Philihappy
Ang Laruan ATBP ay kagaya rin ng ibang mga kainan ngunit dito ay pwede kang maglaro habang naghihintay ng pagkain. Maraming mga board games ang pwedeng malaro at kung hindi alam laruin ang isang board game pwedeng magpaturo sa staff. Ngunit bago makahiram ng isang board game, kailangan ang minimum price na mabiling pagkain ay 150 pesos. Maaaring mag-aya ng mga kakaibigan dito. Wala rin time limit kung kailan ibabalik ang nilarong board game.
Ito ay matatagpuan sa kalye ng Maginhawa, malapit sa Infinitea.
5. Ate Vickie’s Siomai and Pantea
Photo source: When in Manila
Ate Vickie’s Siomai and Pantea ay matatagpuan sa Arki sa likod ng Office of the University Registrar (OUR). Ang ibang mga pagkain dito ay parang sa Mang Larry’s ngunit ang kanilang siomai ay hindi ordinaryo dahil mayroong itlog ng pugo na ang sawsawan ay soy sauce, kalamansi at chili.
Mayroon din silang Pandan Tea or Pantea. Ang kanilang Pantea ay malamig, matamis at magatas. Masarap itong inumin, lalo na sa mainit na panahon. //ni Tracy Mondragón
0 comments: