filipino,
Literary: Pagod na.
Mabilis. Masyadong mabilis ang takbo ng paligid sa aking buhay, sa bahay at sa eskwelahan. Ang isang tulad ko’y halos ‘di na makasabay. Para bang patuloy akong pinapaikot-ikot ng isang malakas na buhawi. Magulo at mabilis ang paligid at wala akong magawang paraan para pahintuin lahat.
Mabilis.
Mga gawain sa eskwela, matapos pagpuyatan ang isang deadline, kinabukasan ay may paparating na naman na para bang walang pahinga. Matapos ang mahaba at magulong araw sa eskwela, magcocommute para makauwi. Makikipagpatintero sa mga jeep para lang makasakay, malalanghap ang usok ng mga kotseng dadaan na parang kidlat sa iyong harapan saka ka pa lang makakarating sa bahay.
Magulo.
Pagod na ngunit bawal huminto. Oras nang magluto ng hapunan. Di pa nakakauwi si Mama. Wala pa kaming kakaining magkakapatid. Pumasok ako sa kusina saka ko lang napagtantong naputulan na naman pala kami ng kuryente. Parang kababayad lang kahapon, may bagong bill na naman.
Siguro kailangan ko nang mag part-time para matulungan si Mama sa gastusin, halos di na nga siya umuuwi katatrabaho. Isang siyang kasambahay na bumubuhay sa tatlo. Hinding-hindi talaga kasya ang sweldo. Naisip ko nga minsang huminto na sa pag-aaral para mabawasan na ang gastusin sa pamilya ngunit umaalingawngaw ang mga salita ni Mama. “Hindi anak, iyan lamang ang ating pag-asang makaahon sa hirap.”
Matapos pakainin ang mga kapatid ko ay dumiretso ako sa likod ng bahay. Malamig na pawis ang tumulo sa aking noo habang naglalaba ng kaisa-isa kong uniporme. Kailangan ko nang patuyuin ito agad para masuot bukas kaso imbes na bilisan ang paglalaba ay nalunod ako sa dagat ng pag-aalala.
Sobra na.
Marami akong tanong at masyadong mabilis ang mga pangyayari sa aking buhay. Kulang ang dalawampu’t apat na oras. Umiikot ang aking pangingin. Mabilis at magulo! Kailan kaya gagaan ang buhay? Saang mundo ba natatagpuan ang pahinga at kaginhawaan? Pwede bang ihinto ang oras kahit panandalian? Kasi ako’y…
0 comments: