feature,
Feature: Tinapay Ni Kikay
Nasubukan mo na bang kumain ng pagkain na literal na galing sa langit? Kung hindi pa, siguradong bubusugin ka ng pamilyang Aragones sa kanilang panaderia, ang Bread From Heaven.
Ang Bread from Heaven ay matatagpuan sa Dagohoy Street. Ang negosyo ay pagmamay-ari ng pamilya ni Milcah Aragones ng 11-Washington Z. Sycip.
Ayon kay Milcah, simula pa noong ‘90s ay mayroon nang Bread From Heaven. Noong mga panahong iyon, napakasikat ng kanilang panaderia. Ngunit, ito’y nahinto dulot ng pagkamatay ng kanilang lolo.
“Doon din (sa Dagohoy), naglalako si lolo. Like, gamit pa niya yung styro na pink, yung may lamang pandesal,” sabi ni Milcah.
Pagkatapos ng isa’t kalahating dekada, naisip na ituloy ng ina ni Milcah ang Bread From Heaven dulot ng hilig niyang maghurno. Ang Bread From Heaven ay muling nagbukas sa taong 2016. Simula noon, unti-unting sumikat ang Bread from Heaven sa komunidad na malapit dito. Pero dahil ang lokasyon ngayon ay medyo tago, hindi na katulad ng dati ang kasikatan nito. Ngunit para kay Milcah, kahit hindi masyadong sikat ang pananderia at hindi siya masyadong nakakabisita dito, nagpapasalamat pa rin siya dahil sa nagagawang tulong nito sa kanilang pamilya.
“So ‘yon, pero ano, for us yung mga miscellaneous [na pamimili], ang alam ko doon kinukuha ni mommy,” sabi ni Milcah.
Bagaman may trabaho ang ina ni Milcah, nagsisilbing dagdag ipon ang kanilang kita mula sa Bread from Heaven para sa kanilang pamilya, lalong lalo na sa tuwing magkakaroon ng ‘di inaasahang gastusin.
Bukod sa pamilya ni Milcah, marami pang natutulungan ang Bread from Heaven. Isa na rito ang kanilang tauhang si Kuya Piping. Siya ay may kapansanan na nakilala ng pamilyang Aragones sa kanilang simbahan. Si Kuya Piping ay walang pamilya at siya’y hirap magkaroon ng pangmatagalan na trabaho dulot ng kaniyang kondisyon. Sa pamamagitan ng Bread From Heaven ay nagkaroon siya ng trabaho.
Kung bibigyang pansin naman ang kanilang tinapay, isa sa kanilang bestsellers ang crinkles. Bukod dito, maipagmamalaki rin nila ang cheese roll na halos 5 pulgada ang laki sa halagang walong piso lamang.
Kaya’t ano pa ang hinihintay natin? Halina’t tikman ang tinapay na galing sa langit! Bisitahin ang Bread From Heaven sa Dagohoy Street, U.P. Diliman. //ni Ned Pucyutan
0 comments: