filipino,

Literary: Bukang-Liwayway

5/01/2018 08:37:00 PM Media Center 1 Comments





Tirik na tirik ang araw, makalusaw-yelo ang init, mapipigaan na ang suot kong sando. Dumadagundong ang aking puso, tila gustong kumawala sa aking dibdib habang nanlalamig sa pawis ang aking mga kamay.

“Kaya mo ‘to… Sandali lang naman ‘to,” sabi ni Papa…

“Parang kagat lang ‘yan ng langgam, ‘no ka ba naman…”

Lalaban ako… Lalaban ako… Lalaban ako…

“AAAAHHHHH!” malakas na hiyaw ko sa kalagitnaan ng covered court ng aming barangay habang tinatahi ng nars ang balat ng maselang parte ng aking katawan. Nagdagsaan ang mga bata rito na nakapila dahil sa libreng patuli ni Mayor. Ako yata ang pinakamatanda sa mga nagpatuli.

Akala ko, muntikan na akong hihimatayin sa sakit. Pinilit kong huwag indahin ang mga kirot at paulit-ulit ko na lamang pinaalalahanan ang sarili na lahat naman ng kakilala ko ay dumaan na rito. At saka inisip ko rin, ang tanda ko na kumpara sa ibang bata roon. Anu’t anuman, pagkatapos naman nito, hindi na ako aasarin na “Supot! Supot!” tulad ng dati.

Matapos ang operasyon, iniabot sa akin ni Papa ang palda para ito’y suutin papauwi. Nagdadalawang-isip akong tanggapin ang palda, pero kaysa naman mairita at maimpeksyon ang sugat ko, wala na akong nagawa kaya isinuot ko na lamang ito.

Mahaba pa ang pila sa covered court nang iwan namin, limang mesa ang pinagsasagawaan ng mga operasyon.

Paika-ika akong naglakad pauwi, pasalamat na lang at nandiyan si Papa para alalayan ako.

“Congrats binata ka na, Beh!” galak na galak na sinabi niya sa akin kasabay ang isang tapik sa balikat. Tumango na lang ako.

Papalapit na kami sa aming bahay nang bigla naming nakasalubong ang mga tambay sa tapat ng tindahan ni Aling Puring. Mga brusko, walang suot na pang-itaas, at humihithit ng sigarilyo ang mga sumagabal sa aming paglalakad.

“Hoy, Lito, ganda ng palda mo, a! Sa Papa mo ba ‘yan?”

“Waaaawww, bagong tuli!”

“Tanda mo na, ngayon ka pa lang nagpatuli?!”

Ang sasakit ng mga salitang dumapo sa aking tainga na mula sa mga tambay na wala namang ibang alam gawin kundi magpalaki ng tiyan. Naramdaman ko ang pag-angat ng kamao ni Papa. At nang ibinaling ko ang aking paningin sa kaniya, kitang-kita ko ang pagkunot ng kanyang noo at pag-init ng kanyang mukha. Kaagad kong pinigilan si Papa dahil nagbabadya na siyang manuntok. Hinatak ko siya pauwi at hindi na lang pinansin ang mga tambay sa tindahan.

Nang makarating sa aming bahay, pinagbuksan ako ni Tatay ng pinto at pinasalubungan ako ng ngiti. Inalalayan niya ako papunta sa sofa para maupo muna at magpahinga. Tapos ay dumiretso siya sa kusina upang kumuha ng tinapay.

Pagkabalik niya, inabutan ako ng ensaymadang puno ng keso at isang baso ng juice, pampalamig daw sa namamaga ko nang sugat sabi ni Papa. Kinain ko lamang ang keso nito at agad itong inilapag sa platito. Gustong-gusto ko na kasing hubarin ang palda at magpalit ng maluwag na pang-ibaba. Nababagabag ako sa ideya na magdamag akong magsusuot ng palda kahit na nagdadala ito ng matamis na halik ng preskong hangin sa aking mga binti.

Nagtungo ako sa aking kuwarto, kumuha ng shorts at pinalitan ang pambaba. Habang isinasalansan ko ang palda sa isang sulok ng malapad at malaking aparador, may napansin akong tila nakaukit sa loob nito na kumuha ng aking atensyon. Pumasok ako’t siniyasat ang nakita.

“Ano ba ‘yan, bakbak na kahoy lang pala… Akala ko kung ano!” bulong ko sa sarili.

Biglang sumara ang pinto ng aparador dahil sa mistulang malakas na pag-ihip ng hangin mula sa labas. Nahumaling ako sa katahimikan, kapayapaan, at kaginhawaan sa loob nito lalo na’t noong niyakap na ako ng mariin na kadiliman. Kusang pumikit ang aking mga mata nang sumandal ako sa aparador at biglang sumayaw ang aking kapaligiran. Tila tumigil nang matagal ang oras hanggang sa namalayan kong tinatawag na pala ako ni Tatay. Dali-dali akong lumabas ng aparador para salubungin siya kahit na kumikirot pa ang aking sugat sa ibaba.

Lumipas ang panahon, pasukan na naman. Hinatid ako ni Tatay papasok sa eskuwelahan habang may nakasunod na mga titig mula sa mga tao. Nagsisiksikan at nagtutulakan ang mga estudyanteng papasok ng gate dahil ayaw nilang mahuli sa flag ceremony.

“’Uy! Kumusta ka na?”

“Long time no see.”

“Na-miss kita, a!”

Satsat ng mga estudyante sa isa’t isa.

Sa unang klase namin na PE, pinagbihis agad kami at pinadiretso sa school court. Nandoon na si Coach at nag-aabang.

“OK, girls, tabi muna kayo sa gilid, ha? Mga boys muna ang maglalaro ngayon!”

Nagtungo na ang mga babae kong kaklase sa gilid ng gym at naupo para panoorin kami.

“Bumuo ng dalawang grupo, boys!”

Agad na nagpangkat-pangkat ang mga lalaki sa aming klase. Hindi ko malaman ang gagawin. Wala akong gaanong ka-close sa mga kaklase ko rito at nahihiya rin akong maglaro dahil hindi ko hilig ang basketball. Pero ayaw ko rin namang mapahiya lang sa harap ng buong klase.

Maya-maya, umangal si Baldo na kulang sila sa kanilang grupo ng isa pang miyembro.

“Sige, sandali...” sagot ni Coach. Nilibot ng kanyang mga mata ang buong gym at naghanap ng puwedeng maisali sa grupo nina Baldo. Pinilit kong itago ang sarili sa likod ng aking mga kaklase at nagdasal na hindi ako piliin. Matapos ang ilang segundo ng paghahanap, narinig kong isinigaw ng aming guro ang “Lito!”

“Lito, du’n ka sa grupo nina Baldo!”

“Kung si Lito lang ho, di bale na lang!” depensa ni Baldo. Siya ang itinuturing na team captain ng grupo dahil miyembro siya ng basketball team ng aming paaralan. Matangkad siya, moreno ang balat, at maskulado kaya naman bagay na bagay talaga siya sa isport na ito.

“Hindi! Sa ayaw at sa gusto mo, kagrupo niyo si Lito!” pagpupumilit ni Coach sa kanya.

Nagtungo ako sa grupo nina Baldo. Ang tatangkad nila at talagang mga brusko. Medyo masama na ang tingin sa akin ni Baldo. Talagang kitang-kita sa kanilang mga mata na hindi malugod ang pagtanggap nila sa akin.

“O, sige, Lito, pagbibigyan kita, ikaw na muna ang point guard. Ayusin mo, ha!” ang sabi ni Baldo sabay tulak sa akin papunta sa gitna.

Simula pa lang ng laban pero ramdam na ramdam ko na ang tensyon ng laro. Sineseryoso talaga ng mga ito ang laban. Kabang-kaba na rin ako at di na alam kung saan dapat pumunta. Inobserbahan ko muna nang kaunti ang ilang nagda-dunk at nakakapag-tres.

Maya-maya lang ay biglang inihagis sa akin ni Lando, na siyang kanang kamay ni Baldo, ang bola. Nagulat ako, hindi ko alam kung dapat ko ba itong i-shoot o dapat ko ba itong ipasa sa iba naming kagrupo. Basta, ang sigurado lang ako ay dapat makaiskor para mapatunayan naman sa kanila na kaya ko. Naghanap ako ng tamang pagkakataon, at ipinasok ko ang bola. Saktong-sakto pa ang pagbato ko bago maubos ang oras sa shot-clock.

Sana ma-shoot...

May isang malakas na hangin ng kamalasan na umihip sa bola, inalat ang tira. Dismayadong-dismayado sa akin ang lahat.

“Ano ba ‘yan, Lito, bulag ka ba?!” sigaw sa akin ni Baldo. Halata na sa tono ng kanyang pananalita na galit na galit siya sa mga pagkakamaling nagawa ko. Maya-maya lang, siguradong dedo na ‘ko nito.

“Lito, simpleng bagay di mo pa nagawa nang tama?!”

“Umayos ka nga!”

Bago matapos ang laban, humabol ang iskor namin sa kabilang koponan. Nakukuha ko na rin ang flow ng laro at tuluyan nang pumupulido ang aking galaw.

Agresibong-agresibo ang mga manlalaro. Talagang ang mga mata nila ay nakatutuok lang sa kung sino ang may hawak ng bola.

Initsa sa akin ni Kiko ang bola. Sinisignalan niya ako na i-shoot ko na ito sa tamang pagkakataon. Kinakabahan ako ulit pero wala na akong nagawa at binato ko na lang ang bola sa direksyon ng ring at hinintay ang mga negatibong reaksyon ng aking mga kagrupo. Ilang segundo ng katahimikan ang lumipas bago magsimula ang sigawan ng buong klase pero imbes na masasakit na salita, puro mga papuri para sa aming koponan ang aking narinig.

NA-SHOOT KO?! PANALO KAMI!!!

“OK! Congrats sa grupo nina Baldo! Maganda ‘yung game pero inubos niyo oras ng klase ko! Next meeting naman ang girls!” sigaw ni Coach na hindi kami sigurado kung nagbibiro o galit.

Nagmadali kaming lahat papasok sa mga CR upang makapaghilamos at makapagpalit ng damit bago pumunta sa susunod na klase. Maingay na pinag-uusapan ng mga kaklase ko ang naganap na labanan.

“Lito, di ka nagsasabi, magaling ka palang mag-basketball!” bati sa akin ni Kiko pagpasok niya sa palikuran. “Kaya lang, medyo pangit ‘yung form mo, e. Kung gusto mo, sama ka sa ‘min minsan, tuturuan kita!” yaya niya sa akin.

“A, o, sige, kapag may time,” pautal-utal kong sagot kay Kiko.

“O, sige mauna na ako, Lito!” paalam niya sa akin habang lumalakad paalis. Kumaway na lang ako pabalik sa kanya hanggang sa nakalabas na siya ng banyo.

Simula noon, madalas na kaming dumidiretso sa gym pagkatapos ng klase para magpraktis ng shooting kasama ang barkada niya. Di ko akalain na mapapamahal pala ako sa basketball. Sa bawat bato at pasok ng bola sa ring, napapangiti ako. Nasisiyahan akong makipagsabayan sa mga kabarkada ni Kiko kahit na madalas magdikit ang aming malalagkit na braso dahil sa pawis.

Madalas na rin akong sumama sa galaan nilang magkakabarkada. Minsan kapag may nakakasalubong kaming mga dalaga, di namin maiwasang magtinginan at mag-usap gamit ang mga mata. “Witweeew,” ang kadalasang sipol ni Baldo sa dumadaan. May isang pagkakataon pa nga na nahuli nila akong nakatitig lamang sa direksyon ni Janine, isang marikit na babae sa upper batch, na nakasuot ng matingkad na asul na dress para sa aktibidad namin sa eskuwelahan.

Dumidiretso rin kami minsan sa mall upang mamili ng mga bagong damit. Di ko mapigilang husgahan ang mga kasuotan na babagay sa akin. Binilhan pa nga ako ni Kiko para daw hindi niya na ako kailangan pang regaluhan sa aking kaarawan. Napapasama na rin nila akong magbuhat sa gym dahil katwiran nila, dagdag pogi points ito. Napansin ko na si Kiko ang pinakamatipuno at may pinakamagandang hubog ng katawan sa aming magkakasama.

“Kiko, anlaki pala ng biceps mo, a,” obserba ko.

“Bakit mo naman natanong ‘yun, Brad?” usisa ni Baldo.

“Nakakainggit lang,” ang tanging lumabas sa aking bibig.

Ngayo’y isang buwan na matapos lumipas ang bagong taon. Napupuna kong may kung ano-anong pinag-uusapan ang mga kaklase ko. May mga nakikita rin akong dekorasyon sa iba’t ibang bahagi ng aming eskuwelahan. Minsan ay may mga tumutugtog at kumakanta pa sa mga koridor o klasrum.

Isang mainit na hapon, nagtaka ako kung bakit ang tahi-tahimik sa pasilyo papunta sa sunod naming klase, e, hindi pa naman uwian. Pagpasok ko sa pinto, punong-puno ng makukulay na papel ang bawat sulok ng silid. Nagsimulang tumugtog ang gitara. Nakangiting nakatayo sa gitna ng silid si Janine na may hawak-hawak na mga papel, lumuhod ito sa harapan ko at sinabing: “Will you go to the prom with me?”

Nagulantang ako sa ginawa ni Janine at tunay na hindi ko inaasahan ang ganitong klaseng eksena. Nanatili akong nakatayo habang naiwang naghihintay ng sagot sa ere ang kaniyang mga sinabi.

Kinabukasan, mabilis na kumalat ang balita sa buong batch tungkol sa nangyari. Sinalubong ako ng mga tao na nagbubulungan, nakakunot ang noo, at nakataas ang isang kilay.

“Lito! Ano’ng nangyari, Brad? Bakit mo tinanggihan? E, nu’ng isang araw lang, nakatitig ka sa kaniya, a. Babae na nga ‘yung nagtanong sa ’yo, e,” pagtataka ni Kiko.

Wala akong maisagot.

“E, baka naman gusto mong si Kiko ‘yung mag-prompose sa ’yo? Tutal, gusto mo naman ng masel niya, di ba?” patawang sabi ni Baldo.

Nandilim ang aking paningin sa mga paratang nila, at naramdaman ko rin ang kalamigan ni Kiko.

Noong uwian, ako ang pinakahuling lumabas ng aming silid. Dumiretso ako sa banyo upang magpalit at saka tumuloy sa gym, handang-handa na naman para sa isang masaganang ensayo. Nagulat na lamang ako at nagtaka kung bakit walang katao-tao sa loob.

Lumipas ang mga araw, napansin ko na sa bawat paglapit ko kay Kiko, kumakapal ang mga bulong mula sa aming mga kaklase na siyang tumataboy sa kanya papalayo sa akin. Padalang nang padalang ang pagkikita namin. Para kaming magnet na sa bawat pagpilit lumapit sa isa’t isa, e, walang magawa kundi lumayo, pareho yata kaming north pole.

Hindi ko alam kung bakit, pero simula noon, hindi na bumalik pa ang ngiti sa aking mga labi, nawala na ang sigla sa aking katawan, at napawi na ang apoy sa aking mga mata.

Nagmukmok ako sa kuwarto suot-suot ang damit na iniregalo niya sa akin. Dahan-dahan akong lumapit muli sa aparador para magkubli na naman sa loob nito. Tumagal ang aking paghahanap ng espasyo kung saan ako puwedeng sumiksik dahil umaapaw na ito sa kagamitan. Isinara ko ang pinto at muli akong niyakap ng kadiliman. Ramdam ko ang kasikipan sa loob ngunit pinilit kong ipikit ang aking mga mata. Napadilat na lamang ako nang marinig ko ang boses ni Papa. Nasisilip ko ang mga mata ni Tatay sa kabila ng maliliit na butas ng aparador.

“Beh, ano’ng ginagawa mo diyan?” tanong ni Papa.

Nanigas ang aking buong katawan.

“Anak, bakit mo kinukulong ang sarili mo sa loob niyan?” dagdag ni Tatay.

Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Nangamba ako sa kung ano ang sasabihin nila paglabas ko sa aparador na ito. Ngunit, pinagmasdan ko nang matagal ang aking mga magulang. Sumagi sa isip ko kung gaano kasaya, kapayapa, at kalaya ang pamilyang mayroon sila kahit na ang dalawa kong ama ay may anak na hindi nila kadugo. Kung ganoon lang din naman, ano pa ba ang ikahihiya ko? Huminga ako nang malalim at binuksan ang pinto.

Nagulat si Papa at si Tatay sa dami ng mga kagamitan sa loob ng aking aparador. Puno ito ng mga damit, shorts, palda, at matitingkad na dress. May nakapatong na make-up kit dito, mga magasin doon, at iba pa.

“Papa, ‘Tay...”

Ngumiti na lang sila at tinulungan akong makalabas ng aparador.

“O, ‘nak, mukhang ang sikip na ng aparador mo, a. Gusto mong ayusin natin ‘yan?“ sabi ni Papa.

Sinagot ko na lamang sila ng pagngiti sabay palit ng damit.

You Might Also Like

1 comment:

  1. Nakakatuwa naman itong basahin at umiinit puso ko dito hehehe. Ang talino nung symbolism sa aparador. Salamat sa nagsulat :)

    ReplyDelete