crescencia,

Literary: Torpe Probs

2/16/2017 08:01:00 PM Media Center 0 Comments






Limang Dahilan Kung Bakit Masayang Maging Torpe (Unang Bahagi) 
ni Mr. Torpe

Maraming nagsasabi na mahirap maging torpe. Hindi mo raw kasi masabi-sabi sa taong mahal mo na mahalaga sila sa’yo, o na malapit sila sa puso mo. Pero para sa akin, masayang maging torpe. #ProudToBeTorpe nga ako eh.

Sa mga kapwa ko torpe, sigurado akong magegets ninyo ang limang dahilang babanggitin ko sa artikulong ito at mapapaisip kayo- masama nga bang maging torpe?


1. Nakakakilig ang Pang-aasar ng Tropa
Minsan, kapag pabebe ang parehong lalaki at babae, mas masayang mang-asar. Sa mga kaklase kong beterano sa kursong ito, alam kong alam ninyo ang sinasabi ko. Halimbawa, sa isang practice para sa Culminating Activity, magka-partner ang pinakasikat na love team ng klase. Siyempre, kapag nagholding hands ang dalawa sa isang dance step, YIEEEEEEEEEE!- yan na ang sigaw ng lahat sa klasrum. Si Ate Crush ng Bayan, siyempre ngingiti, kunwari ayaw ‘yung holding hands kaya bibitaw, tapos iirap para magmukhang naiinis (kahit sa loob niya sasabog na siya sa kilig). Samantala, para sa lalaki, ngingiti lang din siya, walang sasabihin at tatawa siguro pero patago. Ganito palagi ang eksena- may mga mang-aasar, at hindi iimik ang pares.

Aminin man natin o hindi, mas masayang mang-asar kapag ganito ang reaksyon ng loveteam na inaasar. Mas cute dahil hindi nila maipaliwanag ang nararamdaman nila, parang ‘yung mga nakikita mo sa teleserye o sa mga pelikula ng Kathniel at LizQuen.

Isa ito sa perks ng pagiging torpe- dahil ‘di mo nga masabi ang nararamdaman mo, mas maraming asaran, kaya mas maraming kilig moments na siguradong hinding-hindi mo malilimutan.

2. Maraming Hugot
Kumpara sa ordinaryong nilalang, talagang mas maraming hugot ang mga torpe. Parang ganito:

“Pare ang labo na ng salamin ko!”
“Brad, mas malabo pa rin siya.”

Kasi namaan, kung kayo kaya ang pasulyap-sulyap lang sa malayo dahil ‘di ka makalapit sa taong gusto mo? Tapos palagi ka pang umaasa na makatadhana mo siya sa groupwork at project, pero halos 9 out of 10 times kang nabibigo!

Simple lang ang dahilan kung bakit mas maraming hugot ang isang torpe: based on experience ang lahat ng banat, may katotohanan ang bawat salita.

3. Walang commitment
Kapag torpe ka, walang opisyal. Nabubuhay ang loveteam sa tsismis, o sa minsanang moments, at sa mga biro ng universe. Kapag torpe ka, hindi mo masabi ang nararamdaman mo kaya walang nangyayari. Kahit parang pangit pakinggan, sa totoo lang okey na rin. Dahil hindi kayo opisyal, walang pinanghahawakan- walang problema kung hindi mo na siya gusto, o kung hindi ka na niya gusto (kung, sa sobrang suwerte mo ay gusto ka rin niya). Kasi paano nga naman ‘yun kapag padalos-dalos, tapos mali pala ang inaakala mong true love, ‘di ba?

4. “Marunong Maghintay” Type
Madalas tinatanong ng mga tao sa’yo, “Bakit ba kasi ayaw mong sabihin?”

Sa totoo lang, isa sa pinakamahahalagang dahilan kung bakit torpe kaming mga torpe ay dahil hindi pa ito ang tamang panahon. (Oo corny, pero aminin niyo na mga kapwa kong torpe--75% of the time ‘yan ang totoo!) Posibleng hindi pa tamang panahon para sa babae, o para sa lalaki, o para sa kanilang dalawa. Sa halip na sirain ang mga plano ng tadhana dahil nagmamadali, matututo na lamang kaming maghintay.

5. Sanay nang Umasa
Marami kasing torpe ang pa-humble, kaya kaunti lang ang mga taong nakakaalam ng pinakamalalim nilang sikreto. Pero sa totoo lang, maraming torpe na malalim umibig. Tahimik lang silang nagmamahal, pero mataas ang tsansyang tunay ito. Mahal kasi nila ‘yung tao kahit hindi nila alam kung mahal rin sila nito. Madalas pa naman, hindi rin sila mahal, o ‘di kaya, malabo pa ang nararamdaman ng babae. Sa kabila nito, torpe pa rin sila- nagmamahal pa rin sila. Kaya nga #ProudToBeTorpe ako, dahil matitibay ang puso ng mga katulad ko. Sanay na kaming umasa, at hanggang ngayon, umaasa pa rin kami.

-----

TORPE PROBS (Ikalawang Bahagi)

Limang Dahilan Kung Bakit Sinasayang ng mga Torpe ang Pagkakataon Nila
ni Ms. Anti-Torpe

Dear Mr. Torpe,
Naiinis ako sa limang palusot… este… dahilan kung bakit, ayon sa’yo, ay isang kaligayahan at para bang pribilehiyo pa nga ang pagiging torpe. Bilang tugon, narito po ang limang dahilan kung bakit sa tingin ko sinasayang ng mga torpeng katulad mo ang pagkakataon nila.


1. Inaasar ng Barkada na Mahina
Hindi ka ba naiinis? Dahil sa katorpehan mo, inaasar ka ng mga katropa mo bilang mahina. Alam mo namang hindi ka mahina (hindi naman siguro ‘di ba?), so bakit ka nagtitiis e wala namang ibang pumipigil sa’yo kung hindi ang sarili mo?!

2. So Close Yet So Far
Nandyan na siya sa harap mo. Walang ibang tao, walang ibang nang-aasar. Ano pang hinihintay mo???

3. Unrequited Love
So natatakot kang hindi masuklian ang nararamdaman mo para sa kanya? Mas mabigat ba ‘yun kumpara sa araw-araw mong paglilihim? (Hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan.)

4. ‘Di Maka-Move On
Alam mo Mr. Torpe, kapag matagal itinago, mas matagal bago makalimutan. Kung gusto mong makalimot agad pagkatapos ng pag-reject niya sa’yo (sakaling i-reject ka man niya), mas mabuting umamin ka na para matapos na. Sarili mo lang ang pinapagod mo at wala nang iba pa.

5. PS: Sabihin Mo Na Kasiii
Mr. Torpe, hindi naman ako galit sa’yo at hindi kita inaaway. Sigurado akong may mga katanggap-tanggap na dahilan kung bakit hindi mo pa sinasabi sa taong mahal mo na mahal mo siya. Pero sana, masabi mo ito sa kanya bago pa mahuli ang lahat (dahil malay mo, baka gusto ka rin niya [baka lang naman hehe]), para rin mabawasan na ang bigat n‘yang puso mong sigurado ako ay maraming feels!

-----


TORPE PROBS (Ikatlong Bahagi)
Maikling Tugon Kay Ms. Anti-Torpe

Dear Ms. Anti-Torpe:
Una, sa writing style mo pa lang buking ka na. Kilala ko na kung sino ka (mwahaha).
Maraming salamat sa concern mo sa akin, parang kaunti na lang kikiligin na ako. Pero sana maintindihan mo rin kung bakit masaya ako sa pagiging torpe ko, at hindi ko ito pinipilit lang.

1. Tugon sa Inaasar ng Barkada na Mahina
Hindi naman ako naiinis, kasi nang-aasar din ako e hahahaha. Alam ko namang alam nila na hindi ako mahina, at kapag seryosong usapan na, nandyan sila para tulungan talaga ako at tapatin ako sa kung anumang dapat kong malaman.

2. Tugon sa So Close Yet So Far
Anong hinihintay ko? Teka may listahan ako…

 Hinihintay kong mapansin niya na ako (nang hindi ako nagpapapansin).
 Hinihintay kong magkasalisi ang tingin namin sa isa’t isa.
 Hinihintay kong hanap-hanapin niya ako tuwing absent ako.
 Hinihintay kong lumapit siya sa akin nang walang pumipilit.
 Hinihintay kong makamove-on na siya.
 Hinihintay kong magkaroon ako ng tapang na umamin sa kanya.
 Hinihintay ko ang tamang pagkakataon para sa’ming dalawa.

3. Tugon sa Unrequited Love (Big word naman po. HAHA)
Oo siyempre natatakot ako.

Pero oo rin, mas mabuti na ang araw-araw na pagtatago kaysa sa pag-amin. Mas magulo kung bigla akong aamin nang hindi pa malinaw ang maraming bagay sa buhay naming dalawa- hindi lang tungkol sa pag-ibig kung hindi tungkol sa sobrang dami pang bagay tulad ng pamilya at pag-aaral.

4. Tugon sa ‘Di Maka-Move On
‘Yun na nga eh. Dahil mas matagal itinago, mas nagiging mahalaga, at mas mahirap kalimutan. Sino bang nagsabing gusto ko siyang makalimutan? Ayokong makalimot basta-basta. Kaya kong maghintay.

5. Tugon sa PS: Sabihin Mo Na Kasiii
Ms. Anti-Torpe, ‘di rin ako galit sa’yo at hindi rin kita inaaway sa pagsagot kong ito. Sigurado rin akong marami ka pang katanggap-tanggap na dahilan kung bakit anti-torpe ka. Malamang marami kang ebidensya- mga success stories ng loveteams na bunga ng hindi pagiging torpe at pabebe.

Pero torpe talaga ako. Kung pipilitin kong magsalita nang tingin ko ay hindi pa tamang panahon, masisira lang ang diskarte ko. Sana maintindihan mo, pero salamat sa pag-aalala, at least alam ko ngayong binasa mo talaga yung lit ko kahit medyo mahaba.

PPS: Kung alam mo lang kung bakit hindi pa ako umaamin. Pero pangako, pagdating ng tamang pagkakataon, kapag handa na ako at sigurado ka na rin, buong-puso kong ipaparamdam sa’yo kung gaano kita kamahal…

You Might Also Like

0 comments: