emanon,

Literary: Siya Pa Rin

2/17/2017 07:59:00 PM Media Center 0 Comments




Ika-labing-apat ng Pebrero. Malamig ang simoy ng hangin, tahimik na ang paligid. Tanging liwanag ng buwan at mga bituin ang nagdadala sa ‘kin patungo sa isang bangkong kahoy sa ilalim ng puno ng mangga. Mabilis ang aking paglalakad, unti-unti’y namalayan ko na lamang na tumatakbo na pala ako. Sumasabay ang bilis ang pagkabog ng aking dibdib sa bilis ng paghakbang ng aking mga paa. Dahil sa pagod o dahil sa kasabikan na makita ka? Papalapit na ako sa pupuntahan. Natanaw kita. Naghihintay. Nakaupo, nag-iisa. Lumapit ako sa’yo hinihingal lang ba ako? O, ang pagkabog ng dibdib ko’y isang masamang palatandaan. Nang makaharap na kita, tila nag-iba ang pakiramdam ng paligid.

Kung para sa iba ay may malalim na ibig-sabihin ang araw na ito, ibahin mo ako. Hindi naman mahalaga para sa akin ang araw na ito; isang araw lamang itong ordinaryong araw. At, kung hindi dahil sa tawag mo, hindi ako babangon mula sa buong araw na pagkakahiga sa kama ko.

Humahangos, hinahabol ang paghinga. Bigla kang tumingin sa akin nang may luha sa iyong mga mata. Sinalubong mo ako ng mahigpit na yakap; ang nauna nang bilis ng pintig ng puso ay nadagdagan pa. Naamoy ko ang pabangong lagi mong ginagamit, ngunit kahalo nito ang amoy ng serbesa mula sa paghinga mo. Umiiyak ka; nagsasabi ng mga salitang ‘di ko mawari kung ano ba, o hindi naman kaya’y hindi ko na lang ininda. Bumagal ang ikot ng mundo. Hindi ko malaman ang dapat kong maramdaman. Matutuwa ba ako dahil sa pagkakadantay ng iyong magandang mukha sa aking bisig, o malulungkot at makikisimpatya sa iyong pinagdaraanan? Subalit hindi naman ito tungkol sa iniisip o nararamdaman ko. Tungkol ito sa nararamdaman mo, sa pinagdaraanan mo, sa pagluha mo, sa iyo; lagi naman itong tungkol sa iyo.

“Iyakin ka talaga ‘no?” bungad ko, habang hindi ka pa rin bumibitaw mula sa iyong pagkapit sa akin.

“Mahal mo naman ako kahit na ganito ako, hindi ba?” Tila lumamig pa lalo ang paligid at nanigas ang aking buong katawan sa iyong tugon.

Bumitaw ako, “hindi naman ako tatakbo dito kung hindi, ‘di ba?” Gumaan ang pakiramdam sa aking dibdib nang marinig kang tumawa ng kahit kaunti. Kahit pilit lang.

“Anong chapter na ba tayo diyan sa kwento mo?”
“Hindi naman umuusad ‘yung kuwento,” unti-unti na akong nakaramdam ng kurot sa aking puso, “siya pa rin naman, wala nang iba.”
“Akala ko ba ayaw mo na sa kanya?”
“Akala ko rin eh.” Akala ko ayaw ko na.
“Naninigurado lang naman.”
“Wag mo nang ipamukhang tanga ako.”
“Mahal mo pa rin?”
“Iiyakan ko ba siya kung hindi na?”
“Ako, mahal pa rin kita.”

Lumalalim na ang gabi, lumalalim ang usapan, lumalalim ang kirot sa puso na ako rin naman ang siyang nagtanim dahil sa damdamin kong di mo naman kayang tumbasan. Hindi nagtagal, nakatulog ka sa balikat ko. Tumingin ako sa buwan na lalo pang nagliwanag, kabaliktaran ng aking pag-asa na lalong nagdilim. Lumiwanag ang paligid kasabay ng panlalabo ng aking isipan at nararamdaman.
Pinasan kita sa aking likod at doon na nagsimulang maglakad pauwi. Sa aking paglalakad, narinig ko ang malambot mong tinig sa aking tainga:

“Bakit ba siya pa rin?”
“Bakit nga ba ikaw pa rin?” paulit-ulit kong tintanong sa aking isip. Pilit na hinahanapan ng kasagutan. Pero, wala, bumabalik pa rin ako sa simula. Walang maisip na dahilan bakit hindi kita dapat mahalin.

Ika-labing-apat ng Pebrero. Wala namang espesyal sa araw na ito, maliban na lang sa’yo. Kung maari lang sana na para sa iyo ay ganoon din ako.

You Might Also Like

0 comments: