filipino,

Literary: Ganito Ako Mahalin

2/17/2017 07:51:00 PM Media Center 0 Comments






Mahal kita.
Mahal mo ako.
Yun nga lang, mahal mo rin siya.
Pero ako ang pinili mo.
Kahit na alam naman nating lahat
Na mas matimbang siya sa puso mo
At minahal mo lamang ako
Dahil ako ang nagpupunas ng mga luha mo
Habang siya ang nagpapaiyak sa iyo,
Kaya ako ang pinili mo.

Naging masaya tayo, oo, aaminin ko.
Kahit na siya ang tunay na kaligayahan mo,
Mukha niya ang nakatatak sa isipan mo,
Pangalan niya ang siyang isinusulat mo,
Oo, naging masaya ako.
Kahit na 'pag nagkakatinginan tayo,
Alam kong mata niya ang hinahanap mo,
Kahit na 'pag nagpapaalam ako
Alam kong hinahangad mong
mangangamusta siya,
Oo, naging masaya ako.

Pero sa dulo ng lahat,
Ang mukha niya pa rin
Ang nais mong makita sa bawat paglingon mo,
Ang mga paa niya
Ang inaasahan mong sumasabay
sa bawat yabag mo
Ang kamay niya ng hinahangad mong hawak-hawak
Na nagbibigay sa iyo ng katiyakan
Masigurong nandiyan pa siya.
Oo, naging masaya ka
Sa piling niya.

Heto pa rin ako
Patuloy na kumakapit pa rin sa'yo
Kahit alam kong sa dulo
Ng ating pagsasama, sa huling araw, sa dulo ng mundo,
Nasa huli ako ng buhay mo
Dahil kahit anong gawin siya ang una sa puso at isip mo.

Oo, mahal kita.

Nakakatawa nga naman
na ang salitang "mahal"
Ay maraming kahulugan.

Mahalaga, iniibig, isang sugal.

Mahalaga ako,
Pero siya ang iniibig mo.
Ngunit dahil ito’y isang sugal,

Ako ang pinili mo.

Ganito ako mahalin.

You Might Also Like

0 comments: