english,

Literary (Submission): Prom?

2/17/2017 09:39:00 PM Media Center 0 Comments




January-- karaniwang panahong may invitation na para sa prom. Natanggap na namin ‘yung amin last week. Last prom na namin 'to, tapos senior high school na.

Ngayon, isang buwan na lang prom na. Hindi ko alam kung paano ako magpoprompose sa kanya. Kinakabahan din ako kasi takot akong ma-reject pero ayaw ko rin namang maunahan ako. Alam ko ‘yung mga tipo niyang promposal dahil kaibigan ko rin naman siya. Hindi naman siya gaanong maarte sa promposal. Magarbo man o simple lang, ayos na sa kanya 'yon. Basta natanong siya nang maayos.

Nalaman ko rin 'yan kasi tinatanong-tanong ko rin siya, pero walang halong malisya. Hindi rin pahalata. Hindi naman din kasi masyadong nag-aassume 'yon. Ayaw niya kasi nang umaasa. Mahirap daw, hindi mo alam kung may inaasahan ka talaga o umaasa ka lang sa wala. Pero medyo magulo ‘yung sagot niya sa tanong ko. Depende raw sa tao ‘yung magiging sagot niya. Nako, baka may hinihintay na 'tong magprompose sa kanya?

UPIS Fair na, hindi ko pa rin alam kung paano ko siya tatanungin. Nauunahan ako nang pagkatorpe ko. Palagi na lang ganito, hay. Napagtanto ko na mas mabuti nang subukan ko na lang tanungin siya kaysa naman sayangin ko ‘yung mga pagkakataon at pagsisihan ko lang sa huli.

Pagkatapos talaga nitong mga practice namin para sa Battle of the Bands, tatanungin ko na talaga siya. Alam ko naman na kung paano ko itatanong sa kanya.

---

Ang dilim na pero papaalis pa lang ako ng school. Late na kasi nagsimula ang program ngayong araw. Tinapos ko lang ‘yung performance nung banda ng batch namin. Tinatawagan na rin ako ni Mama, kanina pa.

Ang bagal-bagal ko pang maglakad. Kasi naman nakaka-lss ‘yung kinanta nung huling banda. Migraine. Pababa na sana ako ng hagdan nang may tumawag sa akin. Paglingon ko, hingal na hingal siyang lumapit sa akin.

"Uy, ganda ng performance niyo kanina ha! Okay ka lang ba?" Tanong ko.

"Salamat. Oo, okay lang ako," sagot naman niya.

"Oh? Eh, bakit hingal na hingal nga?" pagtataka ko.

"May gusto sana akong itanong pero ‘wag kang magagalit ha? Kahit anong isagot mo, okay lang. Tatanggapin ko. Okay?" paliwanag niya.

"Okay..." kinakabahan kong sagot.

"Alam kong wrong timing 'to at biglaan, pero will you go to prom with me?"

Napatulala ako nang marinig ko 'yang tanong na 'yan. Hindi ko talaga inaasahan. Sa lahat ng taong magtatanong, hindi ko inaasahang sa kanya manggagaling.

"HA??" 'yon lang ang tangi kong nasagot sa sobrang pagkagulat ko.

"Will you go to prom with me? Okay lang kahit mag ‘no’ ka, tatanggapin ko naman," inulit niyang pagtatanong.

Ang tagal ko bago sumagot. Nakatingin lang ako sa kanya. Hindi ko kasi alam isasagot ko eh. Kaibigan ko kasi siya pero iba ‘yung hinihintay kong magtanong sa akin. Mag ‘yes’ or mag ‘no’ man ako rito, hindi pa rin naman siya ang magiging date ko…

"Kung ano mang sagot ko sa’yo, walang magbabago ha? Friends pa rin tayo?" paglilinaw ko. Ayokong maging awkward kami pagkatapos nito.

Tumango lang siya.

"Sorry pero no," malungkot kong sagot.

Nakakaguilty naman.

"Okay lang," sagot niya, kahit alam kong hindi naman. Tango lang siya nang tango.

"Uyy sorry talaga ha… Walang magbabago ha?" grabe sa sobrang pagka-guilty ko hindi ko namalayang niyayakap ko na pala siya.

"Oo nga. Okay lang talaga. Sige na, baka mas lalo ka pang gabihin n’yan," sabay pagbitaw at pagpapaalam niya.

"Sorry talaga ha? Sige, bye na," hay. Para namang may magagawa pa ‘yung mga sorry ko.

Pababa na ako ng hagdan. Hindi ko alam kung magiging masaya ba ako dahil may nagyaya sa akin sa prom o malulungkot kasi ni-reject ko naman.

Gusto ko nang umuwi at itulog na lang 'to.

---

Kakatapos lang ng performance namin pero kinakabahan na naman ako. Paano ba naman kasi, ngayon ko pa naisipang magtanong sa kanya.

Hinanap ko muna siya. Baka mamaya kabadong-kabado ako rito, tapos umuwi na pala ‘yung tatanungin ko. Mas mabuting ngayon ko na gawin. Kung ipagpapabukas ko na naman, baka maunahan pa ako.

Ikakain ko muna 'tong kaba ko. Dami pa namang booth ngayon na masasarap ‘yung tinitinda.

Ayun na nga. Nakita ko na siya pababa ng hagdan. Okay na, busog na ako. Ready na akong magtanong!!!

Pero… bakit parang malungkot siya? Wrong timing ba kung magtatanong ako ngayon? I-reresched ko na naman ba promposal ko?

Bigla siyang napatingin sa akin at dali-daling lumapit. Hala siya. Bakit siya ganyan?! Bigla naman akog kinabahan.

Hinawakan niya ‘yung braso ko, nanginginig at nanlalamig ‘yung kamay niya. Nangingiyak pa ‘yung mga mata. Ano ba nangyari dito?

"Uy, ayos ka lang ba? Bakit ka naiiyak? Bakit nanlalamig 'yang kamay mo?" pag-aalala ko.

"Huuuuy. ‘Wag kang maingay ha? Sa 'yo ko pa lang 'to nasasabi, kasi ikaw ‘yung unang kaibigan na nakita ko. Kasi ikaw ‘yung nandyan. Hindi ko na alam gagawin ko. Nagiguilty pa rin ako. Nag-sorry naman ako pero alam kong hindi pa sapat 'yon. Nagprompose si Friend sa akin,” dali-dali niyang sinagot.

"Kasi ikaw ‘yung nandyan.."
"Nagprompose si Friend sa akin…"

Wow. 0 to 100 real quick.

"WEH? Talaga? Anong sagot mo?" kunwari-hindi-ako-affected na sagot ko. Pero, grabe, ganoon ba ako kabagal para maunahan?

Hindi ko inaasahang magtatanong din siya. Wala akong kaalam-alam na gusto niya rin pala 'tong kaibigan ko. Agh. Bakit ngayon pa?

"Oo, kahit ako rin nagulat eh. Hindi ko talaga inaasahan.

Nag 'No' ako," malungkot niyang sagot.

Paano na 'yan? Number 1 rule pa naman daw kapag tungkol sa promposal, hindi na pwedeng mag 'Yes' ‘yung tinanong kapag nag 'No' na siya sa iba.

Gusto ko sanang tanungin pa rin siya kaya nga lang… Paano kung nag ‘yes’ sa akin? Malay niyo lang naman, pero ang weird nun para sa kaibigan ko. Ang pangit tingnan. Ang sakit sa side niya. Pero ‘wag na rin. Mamaya i-reject din pala niya ako. Baka maging kotang-kota na siya sa pagkaguilty ngayong araw.

"Eh bakit ka malungkot na nag 'No' ka? Pinagsisisihan mo ba?"

"Hindi. Nagiguilty lang talaga ako. Kaibigan ko siya eh. Ang hirap kasi, malamang nasaktan ko rin 'yon," pagpapaliwanag niya.

Wala rin naman na akong magagawa. Kaibigan ko sila pareho. Lalo na ‘yung lalaki, simula pagkabata parang kapatid ko na siya kung ituring tapos itatapon ko lang sa ganito? Nako, ‘wag ganon.

"Kausapin mo na lang ulit, hindi naman mahirap kausap 'yon. Ipaliwanag mo na lang lahat sa kanya," payo ko.

"Sige. Maraming salamat. Uwi na ako," paalam niya.

Pinanuod ko siyang maglakad papalayo sa akin.

Hay. Wala na. Hindi ko na rin alam ang gagawin ko. Sign na ba 'to na wala akong pag-asa sa kanya? O wrong timing lang talaga?

Kung nauna ba akong magtanong, may magbabago?

---

Naiisip ko pa rin ‘yung mga nangyari kanina. Nagiguilty pa rin ako. Ngayon ko lang na-realize, buti na lang at hindi niya tinanong kung bakit ako nag 'No' kay Friend.

Kasi iisa lang naman ang maisasagot ko sa kanya,

"Hinihintay ko kasing ikaw ‘yung magtanong sa akin nung tanong na 'yon."

Kung nakikisama lang sana ang magandang timing para sa ating dalawa…

You Might Also Like

0 comments: