filipino,

Literary: Para sa Pinakamamahal

2/17/2017 07:44:00 PM Media Center 0 Comments






Araw na naman ng mga puso. Panahon na upang ako’y bumili ng iyong paboritong mga bulaklak at mga tsokolate. Kay bilis nga lumipas ng oras. Magpipitong taon na tayo ngayon. Sa pagkakaalala ko’y sa ating ika-pitong taon, doon na kita aayaing makasama habambuhay.

Heto na nga, dumating na ang araw na pinakahihintay. Hinanda ko na ang singsing. Ipinagpaalam ko na rin sa mga magulang mong aayain na kita. At mas lalong nahanda ko na ang sarili ko. Ikaw na lang talaga ang kulang at ang pagsagot mo ng “oo.”

Ilang oras kitang hinintay sa ating tagpuan kung saan una tayong nagkakilala. Nag-alala na nga ako. Naka-ilang tawag at text na ako pero hindi ka sumagot. Hindi ka dumating.

Pinalipas ko ang gabing iyon na puno ng kalungkutan, kaba, at napakaraming tanong. Subalit naging malinaw ang lahat nang ‘di kinalauna’y may natanggap akong mensahe mula sa’yo. Sabi mo, “Sorry, tigilan na natin ‘to.”

Hindi ko alam anong dapat maramdaman. Sinuyo kita upang ako’y iyong balikan. Binabagabag ako ng aking isipan—kung may pagkukulang ba ako sa’yo o may mali ba akong nagawa. Iniiyakan kita buong magdamag at iniisip kita oras-oras.

Pero kahit anong gawin ko wala talaga, Kahit anong pilit ko, hindi na magiging tayo muli.
Lumipas ang ilang taon, sinubukan kong kalimutan ka at maghanap ng iba. Sa ‘di inaasahang takbo ng tadhana’y bigla akong nakatanggap ng tawag mula sa iyong ina. May pinasasabi ka raw.

“Para sa aking pinakamamahal,
Pasensya na at kailangan kong iwanan ka. Alam kong masakit pero kinailagan ko talaga. Iyon lang ang tanging solusyon at ‘yun lang din ang paraan upang ‘di ka masaktan nang lubusan. Wala akong pinagsisihan doon at ‘wag mo sanang isipin na ginawa ko ito dahil hindi na kita mahal. Mahal na mahal pa rin kita. Pero kinailangan kong iwan ka para sa ikabubuti nating dalawa.”

Nagpaliwanag siya. Ngayon, talagang malinaw na ang lahat. Ngunit bakit ganito, lalong mas masakit? Bakit ngayon ka pa bumabalik kung kailan sinusubukan ko nang kalimutan ka? Namuo ang galit sa akin. ‘Di ko na napigilang iiyak na lang ang lahat. Napagtanto kong mahal pa rin talaga kita.
Tinawagan kong muli ang iyong ina at tinanong kung bakit kailangan ka pang bumalik. Kung bakit ‘di mo masabi sa akin ng personal ang mga bagay na iyon. Kung bakit bigla ka na lang naglaho. Hindi na kita nakita. Wala akong narinig mula sa iyo.

“Wala na siya.” gumagaralgal ang tinig ng iyong ina habang sinasabi ang mga salitang iyan.
Naluha ako. Hanggang ang luha ay napalitan ng iyak. Sa huli’y mga hikbi na lamang kasama ng pait ng katotohanan. Noon ko lamang napagtagpi-tagpi kung bakit biglang naging ganoon ka sa’kin—kung bakit kinailangan mong gawin iyon.

Lumipas pa ang ilang taon mula noong araw na iyon nang makipaghiwalay ka sa akin. Narito ako ngayon, tanggap na ang pag-alis mo. Ngunit, hindi maikakaila sa sarili na ikaw pa rin ang nilalaman ng aking puso. Sigurado ako, walang sinumang makakapalit sa’yo—ang pinakamamahal ko.

You Might Also Like

0 comments: