filipino,

Literary: Salamat

9/11/2018 08:15:00 PM Media Center 0 Comments




“Kapag kailangan mo ng kausap nandito lang ako, ha!”
Ang mga salitang tumanglaw sa ’king madilim na buhay
Mga salitang nag-ahon sa ’kin mula sa kinasadlakang hukay
Salamat at may nagsabi sa akin nito bago pa mahuli ang lahat

Pagsasalamat pa lang ang aking kayang maibigay sa ngayon
Sa susunod ay magkikita pa naman tayo tuwing hapon
At doon ay may ibibigay akong importanteng salita sa iyo
Na dapat hindi mawala hanggang sa katapusan ng mundo

Sa mga kaibigan kong naglaan ng boses para ako’y sumaya
Salamat dahil kayo ang nagbibigay ng tuwa at sigla sa akin tuwina
Sa mga gurong nagtulak sa ’kin na magsipag para ako’y matuto
Salamat po dahil mukhang ako'y papasa naman sa semestreng ito

Sa aking mga teammate na nagpapasaya sa ’kin tuwing pagsasanay
Salamat dahil kayo’y nagbahagi ng ngiti kapag masama ang araw
Sa pamilya kong minamahal kahit kinaiinisan ko kayo
Salamat dahil iniintindi niyo ako kahit kayo ang magulo

At sa aking sinta na itinatangi ko
Salamat sa pinakamasasayang mga araw na magkasama tayo
Sa panahong nawawala na ako sa aking sarili
Ikaw ang nagsisilbing tala sa karimlan ng gabi

Pero lahat ng ito’y nasa nakaraan na
Sana ikaw ay maligaya sa piling ng iba
Dahil alam ko na mas magiging masaya ka sa kanila
Kumpara sa ’kin na puro pag-iyak lang ang tanging dala

Salamat, salamat sa inyo kahit ito pa lamang ang maibibigay ko sa ngayon
Patawad sa mga naidulot kong pait sa ating matatamis na kahapon
Mga kaibigan man o dating kasintahan na aking nakasama
Nais ko sanang maibalik ang mga nasira nating ligaya

You Might Also Like

0 comments: