dreaMCometrue,

Literary: Panaginip Lamang

9/24/2015 07:53:00 PM Media Center 0 Comments



May mga bagay na mas mabuting manatiling panaginip na lang. Wala nang bangon-bangon, huwag na sanang magising. Kung puede sanang ganito na lang. Sa panaginip, kahit ano ay puedeng mangyari. Lahat ng imposible, nagiging posible. Pati ang “tayo” nagiging totoo. Alam kong maliit lang ang posibilidad na mangyari iyon, ngunit ito at umaasa ako.

Sa panaginip, kasama kita sa langit, nagtatampisaw sa mala-bulak na kalangitan. Napakasaya ko dahil kasama kita, ang minamahal ko. Ang pinakamamahal ko. Sana araw-araw ganito; hindi ako umaasa at hindi mo rin ako pinapaasa. Sana mistulang panaginip na lang ang buhay ko.

Ngunit ito’y isang napakalaking kalokohan. Masaklap na ang realidad, ang katotohanan. Kahit sinusubukan kong limutin ka, patuloy pa rin kitang nakikita sa aking panaginip.

‘Di nagtagal at nahulog ang puso mo sa akin, at bumalik ang kumpiyansa ko na muling ibigin ka. Nakabagabag sa isipan ko na aminin ang nararamdaman ko. Dumating ang araw, kabadong-kabado akong lumapit sayo.. at umamin. Hinding-hindi ko inasahan ang sunod na nangyari. Umamin ka rin. Tumigil ang mundo ko nang mapuno ng kaligayahan ang puso ko. Dinama ko ang bawat segundo nang biglang…

“Gising! Gising!”

Bakit ganito? Mistulang ginising ako ng katotohanan. Akala ko akin ka na, hindi pala. Panaginip lang pala. Hindi na talaga ako natuto, patuloy pa rin akong umaasa at umiibig sa taong hindi naman kayang suklian ang aking pagmamahal.

“Lagi na lang bang ganito?”
Na ang kasiyahan ko’y, isang panaginip lamang.

You Might Also Like

0 comments: