future,

Literary: Sana

9/30/2016 09:59:00 PM Media Center 0 Comments





Sana, noong huling beses na ako’y iyong hinatid,
niyakap kita nang mas mahigpit.
Mas mahigpit pa sa lahat ng yakap
na ibinigay ko sa ‘yo bago ka umalis.

Sana, noong huling beses na tayo’y nagmeryenda,
nag-usap pa tayo nang mas matagal.
Mas matagal pa sa lahat ng pagkakataong sinabi ko sa iyo ang aking mga sikreto
na ang nakakaalam lang ay ikaw at ako.

Sana, noong huling beses na tayo ay naghapunan,
nagtawanan muna tayo at hindi agad umalis.
Bakit kasi ang dami nating kailangang gawin?

Sana, noong huling beses kang umakyat sa aking kwarto,
nagtagal ka pa nang ilang segundo.
Sana, hindi nakaharang ang aking mesa.
at ako’y niyakap bago ka bumaba.

Sana, sa huli nating araw na magkasama,
mas matagal pa sa bente kuwatro oras.
Dahil hindi sapat ang mga alaalang iniwan mo,
at ang gusto ko ay bumalik ka sa piling ko.
Sana, noong huli nating pagkikita,
hindi ka inatake.

Sana, noong sumunod na araw,
ikaw ang masayang magbabalita na suspendido ang klase.

Sana, noong hapunan,
nasa bahay ka at ikaw ang nagluto.
At wala ka sa ospital na may nakasaksak na mga tubo.

Sana, noong pumasok ako,
ikaw pa rin ang naghatid sa akin.
At mangangako ako na mag-aaral nang mabuti.

Sana, noong pag-uwi ko,
ikaw ang naghihintay.
Sana, noong pag-uwi ko,
magkukuwentuhan tayo at magmemeryenda.
Sana, noong pag-uwi ko,
hindi balita ang iyong paglisan.
Sana, noong pag-uwi ko,
hindi babati sa akin ang ama kong luhaan.
Sana, noong pag-uwi ko,
ang mga mata ko hindi namamaga at ayaw tumahan.

Sana, hindi ko kailangang sabihin kay Bunso na wala ka na.
Sana, hindi ko narinig si Lola na umiiyak dahil nauna pa ang kanyang anak sa kanya.
Sana, hindi ko kailangang sagutin ang aking mga pamangkin na nagtatanong kung nasaan ka.
Sana, hindi ko nakitang umiyak sa unang pagkakataon ang aking ama.

Sana, noong gabing iyon,
hindi ako nagdudusa at hinahanap ang yakap mo.
Hindi ako umiiyak dahil ikaw naman ang laging nagpupunas ng luha ko.
Hindi ako naghahanap ng pagsasabihan ng lahat ng nararamdamang kalungkutan.
Hindi ko binabalikan ang lahat ng alaalang iyong iniwan.
Sana, noong pagtulog ko,
ikaw ay aakyat na sa aking kuwarto at sasabihing, “Goodnight, Ate.”

Sana, hindi pa iyon ang huli.
Sana, hindi ko kinailangan na makita ka nang ganoon,
na ibinababa sa isang malalim na hukay
at doon na sa mahabang panahon.
Hindi ako handa,
na makita kang nakahiga,
sa isang kahon na ang sabi mo, matagal pa nating bibilhin,
dahil ang pagtatapos ko sa kolehiyo ay iyo pang hihintayin,
dahil gusto mo ulit umakyat sa entablado at sabitan ako ng medalya,
dahil ang sabi mo ay sabay pa kayong tatanda ni Papa,
dahil manunumpa at magiging abogado muna ako,
dahil ihahatid pa ninyo ako sa altar,
dahil gusto mo pa ng apo
at dahil nangako ako sa ‘yo na ibibigay ko lahat ng pinapangarap mo para sa akin,
ang panganay mo.

Sana, noong nangako ako, nangako ka rin.
na hindi ako iiwan nang wala man lang pasabi.
Sana, noong nangako ako, nangako ka rin,
na hindi ako iiwan at dito lang sa aking tabi.
Sana, noong nangako ako, nangako ka rin,
na hindi ako iiwan at hahayaang luhaan tuwing gabi.

Ang dami kong ‘sana’ pero isa lang ang aking hinihiling.
Sa bawat alas onseng madatnan,
sa bawat kaarawang dumaan,
sa bawat pilikmatang mawawala,
isa lang ang ibubulong gabi-gabi sa langit at sa mga tala,

“Ma, sana, nandito ka pa.”

You Might Also Like

0 comments: