literary,

Literary: Guniguni

9/30/2016 08:15:00 PM Media Center 0 Comments





Ang nais ko lang sana sa mga bituin,
ika’y makita bago ako’y iyong muling lisanin.
Kahit na di dapat magkita, utos ni Tadhana,
sana ito’y hayaan, kahit isang sulyap sa bintana.

Dahil ikaw ang araw, ako ang buwan,
minsan lang magkita at pagkakataon pa’y napakadalang.
Pili ang oras na tayo’y nagkakasalubong,
isang maikling tingin lang ang puwedeng magkaroon.

Ang hiling ko habang tumatakbo ang oras,
Hindi ka mawalay mula sa aking yakap.
Dahil ayaw kong mawalay sa’yo,
na para bang isa lang akong kalsadang dinadaanan mo.

Dahil ikaw ang tanging pag-ibig na dadalhin ko sa pagtanda,
ang tanging ayaw ipalimot ni Tadhana.
Kung ako ang buwan, ikaw ang araw,
ang mga bituin ang ating mga alaala.

Sinusubukang bilangin ang natitirang mga piso sa bulsa,
pinipitik ang bawat pilikmata.
Hinihiling na tayo’y magkita
para masabi ko sa iyo na mahal na mahal kita.

Hinahaplos ang pulang talulot ng rosas,
hinahawi ang asul na kurtina.
Kaso hindi sapat ang lambot ng mga ito
para maalala ang iyong mga palad na noon ay hawak ko.

Ang mga pintura, papel, sana sapat na
para maguhit ko ang iyong mukha.
Siguro para sa akin ito’y magpapasaya,
pero ang tanong ay: “Ako’y magiging sapat ba?”

Kaso masakit na, ilang beses na akong sinawi ng mga bituin ko,
napapaisip na lang ako kung kaya ko pa ba.
Kasi sa tuwing humihiling ako, parang bigla na lang nanlalabo ang mga mata,
parang umuulan pero ang mga pisngi ko lamang ang nababasa.

Sa tuwing sinasabi ng hangin ang pangalan mo,
lalong dumidilim ang magdamag.
Sa tuwing pagtingin sa mga litrato na ikaw ang laman,
dumarating ang unos at lumalamig ang gabi.

Iniiwasan ko ang pagtingin sa mga bituin,
kasi hindi ko na talaga kaya.
Ayaw ko nang hilingin na sana maulit muli
ang bilang na alaalang iniwan mo sa akin.

Dahil ikaw ang araw, ako ang buwan,
at di ka maaaring manatili sa aking tabi.
Nang ikaw ay umalis, ako’y nanlamig,
nalulunod mag-isa sa masakit na pag-ibig.

You Might Also Like

0 comments: