literary,

Literary: Ay Bastos!

9/30/2016 08:10:00 PM Media Center 0 Comments






Pagsapit ng kadiliman,
may isang bituin na naghahari sa kalangitan.
Dali-dali ko itong dinadasalan
bago pa ang iba’y maglantaran
dahil kahilingan ko'y baka hindi na maisakatuparan.

Pagsapit ng Pasko,
sa aming kamag-anak ako didiretso.
Ako'y manghihingi ng mga pamasko
palagay ko, ako na'y isang milyonaryo!

Pagsapit ng aking kaarawan,
ako'y pinalilibutan ng mga mahal ko sa buhay,
tinititigan ako hanggang mahipan ang apoy sa harapan
nasa isip ko lamang makuha na ang materyal na bagay.

Minsan ako'y nasa isang paglalakbay,
mata ko'y hinila ng balong malumbay.
Ako'y lumundag sa tubig na parang buwaya
upang tubusin ang hinagis nilang barya.
Wow! Ganoon lang pala kadaling kumita
ngayo'y doble na ang pera sa aking bulsa!

Minsan na akong nangialam ng lampara
upang ikuskos ito sa madudungis kong paa.
Hinintay kong lumabas ang nagkukubling nilalang,
ngunit ang lumabas,
kumukulong mukha ng aking ina!

Minsan, ako'y inutusang magtiklop ng tagak,
ang sabi sa akin, "Sige pa, sige pa,
bilisan mo pa, huminto ka lamang kapag sapat na..."
Naku naman, isang libong papel, inaksaya!

Pagsapit ng Linggo,
iniluluhod ang paa, iniyuyuko ang ulo.
Magdadasal lamang upang humiling,
bilis ng bulong sa hangin
sa takbo ni Usain Bolt, tumataginting!

Sinusunod ko, mga pamahiin sa paghiling
nagbabakasakaling mga mithi ay akin ding kamtin.
Ngunit paglaon, aking binibiro, ginagawang kalokohan,
sapagkat alam ko na hindi sila magkakatotoo, kailanman.

You Might Also Like

0 comments: