emrys,
Literary (Submission): Walang Kalalagyan
Hindi ko alam kung marunong pa ba ako
Di na kasi ako gumagawa ng tula tungkol sa kahit ano,
Pero eto, susubukan ko ngayong bumuo,
Nagbabakasakaling matapos ko ang isang ‘to.
Unahin na natin ang pamagat.
Pamagat na dapat batid ng lahat.
Lahat ng mga dapat kong ipagtapat,
“Ipagtapat” nga ba ang nararapat?
Hindi ko alam kung aabot ng ilang saknong,
Kung uunahin ko ba ang aking mga tanong,
O kung dederetsuhin ko na nang pabulong,
Pero paano? Hindi talaga ako marunong.
Nahihirapan akong maghanap ng salitang tutugma,
Kung mahal nga ba o basta mahalaga,
Mga salitang malaki ang pinagkaiba,
Pero sa totoo lang, kahit ano nama’y balewala.
Kasi kahit kay tagal nang pinag-isipan,
Kahit bawat linya, bawat taludtod ay pinaghirapan,
Naintindihan man ang totoong nilalaman,
Ang tulang ito ay mukhang wala namang kalalagyan.
Alam kong kumpleto na ito ngayon,
Pero bakit di ko matapos lang nang ganoon?
Aabutin pa ba ‘to ng ilang taon?
Bago ko mahanap ang tamang pagkakataon.
At sa pagtatapos ng tulang ito,
Natuklasan kong may mga bagay na hindi maibibigay,
Masaya na ako kung maligaya ka sa kanyang kamay,
Sanay na akong laging naghihintay.
Ito ang tulang naisulat ko.
Tulang inilalaan ko para sa’yo,
Mawala man ako sa tabi mo,
Hindi ka mawawala dito sa isipan ko.
0 comments: