filipino,

Literary (Submission): Para Sa'yo

2/11/2016 07:55:00 PM Media Center 0 Comments




Sa iyo,


Nais kong malaman mong ang mga bagay na sasabihin ko sa liham na ito ay ang mga bagay na matagal ko nang gustong sabihin sa’yo ngunit hindi ko masabi nang harapan.

Maraming beses ko nang gustong amining unti-unti na akong nahuhulog sa’yo. Alam ko namang nagsimula lang ang lahat sa simpleng asaran, simpleng biruan, simpleng katuwaan pero sa totoo lang, bigla ko na lang naramdamang may kumikiliti sa dibdib ko kapag magkalapit tayo.

Minsan, napapansin ko na lang na tinititigan na pala kita tuwing nakikipagkwentuhan ka sa katabi mo habang nagtuturo ang teacher. At alam kong ayaw mong naririnig ito, pero maganda ka. Gumaganda ka pang lalo sa paningin ko kapag hinahawi mo ‘yung buhok mo.

Pero bakit parang di ka nadadala sa mga pang-aasar sa atin? Kahit na halos sa bawat pagkakataon na magkagrupo tayo o kaya naman malapit ang upuan natin sa isa’t isa, halos di magkamayaw ang mga tao sa panunukso sa atin. Bakit parang naiirita ka na sa kanila habang ako nama’y nahihirapan nang itago ang kilig ko?

Nahahalata mo bang ginagawa ko na ang lahat para magpapansin sa’yo? Sinusubukan kong kausapin ka tuwing walang tao para walang mang-asar sa atin. Kaya nga tuwing uwian nagpapagabi ako. Umaasang sana gabihin rin nang konti ‘yung sundo mo para kahit paano magkapagkwentuhan tayo. Kahit sa simpleng “Hi” lang sa “Hello” ko, napakasaya ko na at malamang hindi na naman ako makakatulog sa sobrang kilig.

Ginagawa ko na rin ang lahat para mapalapit sa’yo. Katulad noong kailangan mong magpaturo para sa interclass competition. Hindi ako masyadong marunong pero ginawa ko ang lahat para matuto ka. Di lang halata pero sobrang kinikilig ako sa bawat araw na tinuturuan kita, sa bawat pagkakataon na nakakalaro kita at sa bawat oras na tayo lang ang nagpapasahan sa field.

Hinding-hindi ko rin malilimutan ang unang beses na isinayaw kita. Sandamakmak na lakas ng loob yung inipon ko para maitanong ko sa’yo kung pwede bang ikaw yung huling babaeng isasayaw ko sa gabing iyon. At noong pumayag ka, di ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Noong nagsimula na tayong magsayaw, para bang ang bagal ng oras. Habang nagkukwento ka, natutulala ako. Nakatitig lang ako sa mata mo at para bang di ako makapaniwala sa mga nangyayari. Di ko na marinig yung kanta, ikaw lang ang naririnig ko. Ang bilis ng tibok ng puso ko, namamanhid yung katawan ko habang nakikipag-usap sa’yo. Nanlalamig ang mga kamay ko habang hawak-hawak ang mga kamay mo. At sa sobrang katuwaan ko, hindi ko na nga namalayang halos dalawang kanta na tayong nagsasayaw.

Pero sa lahat ng ginawa ko para sa’yo, parang wala ka pa ring nararamdaman para sa akin. Parang walang kwenta ang effort ko sa pagpapansin. Parang kahit anong gawin ko, hindi mo ako magugustuhan. Bakit nga ba ako umaasa? Wala ka namang ginagawang bagay na ka-asa-asa. Ni-katiting na sukli sa lahat ng binigay ko, wala akong natanggap. At parang nababasa ko sa mata mo na… wala… wala akong pag-asa.

Kaya minsan gusto ko na lang umiwas sa'yo. Gusto ko na lang sumuko kasi sa tuwing lumalapit ako, parang lumalayo ka. Tuwing sinusubukan kong makipag-usap, ang lamig ng boses mo. Pero may bahagi pa rin sa puso kong humihiling na mapapansin mo rin ang nararamdaman ko para sa’yo. Maghihintay ako hangga’t kaya ko. Dahil ang mga katulad mo, minsan lang dumating sa buhay na ito.


Umaasa,
Jhong

You Might Also Like

0 comments: