filipino,

Literary: Kung Maaari Lang Naman x Kung Nagtapat Ka Lang

2/04/2016 08:37:00 PM Media Center 0 Comments




Kung Maaari Lang Naman
Konsiyensiya

Kuntento na siguro ako
Sa pagsulyap-sulyap sa iyong mga mata
Sa bawat sandaling ika’y natutulala
Sa pagkahumaling sa iyong pagtawa
Sa mga panahong tayo’y nagbibiruan na magkasama

Masaya na rin siguro ako
Na samahan ka sa lahat ng kailangan mong puntahan
Sa paaralan, sa bahay, o kung saanman
Na mapapangiti na lamang bigla nang di ko nalalaman
Sa mga pagkakataong ika’y aking pinagmamasdan

Kuntento na ako sa pakikipag-usap sa iyo
Tungkol sa mga bagay na walang saysay
Masaya na ako nang ganoon na lamang
Ang mahalaga lang naman ay makausap ka kahit saglit lang

Pero nais ko pa rin subukang igawi ang ating usapan
Sa nilalaman ng aking isipan
Sa nararamdaman ko para sa’yo
Ngunit nabubulol ako at hindi malaman paano sasabihin sa’yo

Kaya kung ako’y mabibigyan ng pagkakataon
Aking itatanong sa iyo:

Maaari bang
Masulyapan ang iyong mga mata
Habang tayo’y nakatitig sa isa’t isa?
Mahumaling sa iyong pagtawa
Habang tayo’y nagbibiruan nang magkasama?

Maaari bang
Samahan ka sa lahat ng kailangan mong puntahan
Sa paaralan, sa bahay, o kung saan man?
Ngumiti na lang bigla nang di ko sinasadya
Sa mga pagkakatong ika’y aking pinagmamasdan?

Higit sa lahat ay maaari bang
Maisayaw ka sa huling pagkakataon
Sa gabing iyon?



Kung Nagtapat Ka Lang
Liza

Sa tuwing
Mga mata mo’y napapatingin
Di ko na lamang pinapansin
Baka sakaling ika’y napalingon
Sa ibang babae doon

Sa tuwing
Ikaw ay magtatanong
Kung ako ay may kasama
Ang sagot ko’y palaging “Oo”
Sapagkat ako’y nahihiya

Kung ikaw man ay makipag-usap sa akin
Sandaling oras, mabilis at madalang lamang

Isip ko’y nagtataka
Kung bakit parang ika’y nahihiya
Hindi mai-deretso ang pagsasalita
Kadalasan ay nauutal pa

Kung ako’y mabibigyan ng pagkakataon,
Aking itatanong sa iyo:

Maaari bang
Nararamdaman mo’y ipagtapat
Nang sa gayon ako’y maging sapat
Sa puso mong matapat

Maaari bang makabiruan at makasama ka
Sa tuwing ako’y nag-iisa
Marinig kang tumawa, makita kang ngumiti
Maging katuwang sa pagharap sa problema?

Maaari bang
Sa huling pagkakataon
Na tayo’y magkasayaw sa gabing iyon
Masulyapan ang mga mata mong sa akin lang nakatuon

You Might Also Like

0 comments: