624,

Literary (Submission): Pauwi na ‘Ko

5/28/2019 09:25:00 PM Media Center 0 Comments




Lumigaya tayo sa paglikha ng di natin alam
Gumagawa’t nagpupundar nang di nakikita ang dulo
Habang tumatagal, unti-unting nabubuo
At mapapansing tinatayo’y isang tahanan

Isang tahanan kung saan mga puso ay payapa
Lugar na wala tayong kailangang patunayan
Bawat haligi’y may iba’t ibang istorya
Bawat sulok masasaksihan ang mga alaala

Tuwing kasama ka’y hindi ko maintindihan
Itong pakiramdam na sa yo lamang natagpuan
Dinarasal na sana ‘wag nang mawala pa
Ngunit ang ating tahana’y iyong nilisan bigla


Patawad sapagkat ako’y biglang naglaho
Hindi ko rin mawari kung ano’ng nagtulak sa akin
Ngunit puso ko’y nakulong ng mga sandali
At mga rasong manatili sa piling mo’y nawala
Patawad, Mahal, ni minsa’y ‘di ginustong ika’y saktan
Makakaasa kang aayusin ang sarili at aking mga mali
Hiling ko lamang ay ‘wag mo akong sukuan at patuloy na lumaban
Dahil ni isang beses ‘di ko naisipang tumigil
Dito lang ako naghihintay sa pagbabalik mo
Matagal kong sinuyod ang ibang mga bahay
Para sa mga kakulangang nakita sa ating tahanan
Ngunit mas lalo akong nawala at hinanap muli
Ang pamilyar na kaginhawaan sa iyong mga haligi
At hinayaang pangunahan ng mga paa pabalik sa iyo
Sobra na akong nasasabik na ika’y makita’t muling mahagkan
Kay tagal kong nabalot sa lungkot dahil sa paghihintay sa iyo
Lubos ang aking galak sa iyong kagustuhang umuwi sa ating tahanan
Sana lang ay sigurado ka sa desisyong bumalik at ipangakong hindi na muling aalis
Dahil hindi ko na kakayanin pa kapag ako’y iniwang muli


Sa pagbalik sa ating tahanan di na muling aalis
Tanggap ang bawat pait na naroroon, ang bawat sakit
Dahil puso’y umaasang sa dulo tayo rin ay sasaya
‘Wag nang mag-alala, di ka na muling iiwang mag-isa
Kaunting paghihintay na lang, pauwi na ako

You Might Also Like

0 comments: