coruscate,

Literary: Saloobin sa Araw ng Manggagawa

5/04/2019 09:00:00 PM Media Center 0 Comments




Unang araw na naman ng Mayo.
Isang araw ito na maayo,
maayos at punong-puno ng pag-asa
para sa iyo, sa akin, sa Bayan.

Ito ang natatanging araw
kung saan kinikilala natin ang mga nagtatrabaho
araw-araw, buong araw, para sa ikabubuhay
nating lahat. Walang pagmamalabis sa aking sinabi.

Kung ikukumpara, ang pagsulat ko nitong tula
ay hindi kasimbigat ng lahat ng ginagawa nila
para sa ekonomiya. Tutal, dahil puro salita
lang naman din ako rito, susulitin ko na.

Iniaalay ko ang aking paggalang at pagkilala
sa lahat ng manggagawa na gumagawa
ng paraan para makita ko ang ginhawa sa mga
araw ng aking buhay sa mga susunod na saknong.

Magsasaka
Sa pagsikat ng araw, sa pagtagos ng bawat
silahis sa kaulapan tungo sa kalupaan,
kayo ang nagbubungkal, nagtatanim, nag-aani at nag-aararo
ng ating mga prutas, gulay, palay, at trigo.

Mangingisda
Sa pagsikat ng araw, sa pagtagos ng bawat
silahis sa kaulapan tungo sa kalupaan,
kayo ang pumapalaot, nagmamasid, at
minsa’y sumisisid sa karagatan para sa ating mga laman-dagat.

Kasambahay
Sa pagsikat ng araw, sa pagtagos ng bawat
silahis sa kaulapan tungo sa kalupaan,
kayo ang naglilinis, nag-aasikaso, at nagsisilbi sa mga taong
umaasa sa inyong kabutihang-loob na maglingkod.

Kaminero
Sa pagsikat ng araw, sa pagtagos ng bawat
silahis sa kaulapan tungo sa kalupaan,
kayo ang nagtitiis sa alikabok at init, nagwawalis ng basura
at lahat ng iba pang kalat ng mga taong walang kusa sa mga kalsada.

Tsuper
Sa pagsikat ng araw, sa pagtagos ng bawat
silahis sa kaulapan tungo sa kalupaan,
kayo ang umaarangkada, nagmamaneho, at pumasada
sa mabigat na trapiko para makarating ang mga tao sa lugar na itinakda.

Kontraktwal
Sa pagsikat ng araw, sa pagtagos ng bawat
silahis sa kaulapan tungo sa kalupaan,
kayo ang nagtitiis, gumagawa, nagseserbisyo, sumusunod sa proseso
kahit hindi naman talaga kayo binibigyan ng mga kumpanya ng seguridad at sapat na benepisyo.

Doktor
Sa pagsikat ng araw, sa pagtagos ng bawat
silahis sa kaulapan tungo sa kalupaan,
kayo ang naglilingkod, nagbibigay ng tulong at gamot sa mga may karamdaman,
lalo na sa mga baryo, kahit ang pagkadalubhasa niyo’y hindi sapat na natutustusan.

Guro
Sa pagsikat ng araw, sa pagtagos ng bawat
silahis sa kaulapan tungo sa kalupaan,
kayo ang nag-aasikaso ng mga aralin na inyong itinuturo rin. Walang pag-aalinlangan,
kayo talaga ang humuhubog sa mga susunod na pag-asa ng Bayan.

At tingnan natin: maglalaho nang muli ang mga silahis ng araw
habang lilitaw na naman ang mga sinag ng buwan.
Ngunit kahit ngayo’y patuloy pa rin tayong napapaisip sa buhay
nating pinag-alayan ng mga manggagawang marangal.

Oo, marami pa akong nakaligtaan sa kanila
at sa lahat ng kanilang mga ginagawa.
Silang lahat naman kasi’y may mga nililikha’t may silbi
sa lipunang ito na ating ginagalawan.

Marami pa akong gustong iparating sa aking mga nakaligtaan ngunit
hindi sapat ang araw na ito para mailahad ko ang aking mga naiisip. Kaya kahit
hindi ko man masama ang lahat, mayroon pa rin akong walong salita para sa inyo:
Kayo, ang mga tunay na bayani ng Pilipinas.

Kung kaya’t unang araw na naman ng Mayo.
Isang araw ito na naging at magpapatuloy na magiging maayo,
maayos at punong-puno ng pag-asa
para sa iyo, sa akin, at sa buong sambayanang Pilipino.

You Might Also Like

0 comments: