12345,
Literary: Noong gabing iniwan mo ako
Hindi ko matandaan kung gaano na ako katagal lumilibot sa lugar na ito, ngunit alam ko kung paano ako nakarating dito.
Noong gabing iniwan mo ako ay tinangay mo rin ang ilaw sa buhay ko. Unti-unti, nabalot ng kadiliman ang aking mundo. Mula sa kanluran patungong silangan, unti-unting ginapang ng itim na tinta ang kalangitan, kasunod noon ay ang pagbulong ng malamig na hangin sa akin.
Wala na siya. Sabi nito. Alam ko naman, bulong ko, habang pinapanood ang puting usok na kumakawala sa aking bibig. Malamig na. Masyadong malamig.
Dito nagsimula ang paglalakbay ko sa madilim at malamig na disyertong ito. Lakad lang ako nang lakad, determinadong makarating sa destinasyong walang patutunguhan.
Sa paglalakbay ko, madami na akong nakilala. Sina Lungkot, Takot, at Pangamba. Madami pa sila. Alam mo noong nandito ka pa hindi naman sila nagpapakita, Takot kasi sila sa ilaw na iyong dala. Sa kasamaang palad, dahil wala ka na nga, tila sila’y naging kaibigan ko na.
Isang araw ako’y nakarating sa pababang burol. Hindi ko na makita ang dulo sa sobrang tarik at lalim. Nagtataka akong sumilip sa nakakalulang dulo. Ano kayang naroon?
Maaari mo namang tingnan, bulong ng malamig na hangin. Tingnan natin, sabi sa akin ni Lungkot habang nakaupo sa aking kanang balikat. Parang magandang ideya, sang-ayon naman ni Pangamba sa aking kaliwa.
Umiling ako. ‘Di ko sigurado. Ngunit bago tumalikod, sumulyap ako ng huling beses sa ilalim ng burol . Wala pa sa kalahati ng isang segundo, pero sigurado akong nakita ko ang silahis ng iyong ilaw. Walang pag-aalinlangan at hindi na nag-isip pa, bumulusok ako sa burol para habulin ka. Nagkanda sugat-sugat, nadapa, at gumulong pababa. Ngunit sa dulo ay lamig at dilim pa rin ang sumalubong sa akin.
Tumayo ako para pagpagan ang sarili. Sa di kalayuan ay rinig ang ingay ng umaagos na tubig. Nilingon ko. Hayun! Dali-dali akong tumakbo papunta sa may ilog. Ang ilaw!
Habang papalapit nang papalapit, tumulo ang aking luha. Ang tubig, ang ilaw, ang repleksyon sa tubig, ang pinanggagalingan ng ilaw. Natuto ka rin umiyak. Bulong ng malamig na hangin. Nang mabasa ang aking paa ng umaagos na tubig, yumuko ako at tiningnan ang aking repleksyon.
Ang ilaw ay nanggagaling sa aking puso, mahina ngunit sapat na para makita. Sana mas maaga mong natutunan kung paano tumingin sa iyong sarili, bulong muli ng hangin. Nilapat ko sa aking puso ang aking mga kamay at hinayaan ang sarili na pantayan ang agos ng aking mga luha ang lakas ng agos ng tubig sa ilog.
Hindi man kayang ilawan pa ng munting baga sa aking puso ang aking mundo, mayroon at nandoon ang liwanag. Balang araw makikita kong muling sisikat ang araw sa silangan kahit wala ka na. Nandito pa naman ako kaya’t magpapatuloy ang buhay.
0 comments: