jasmine esguerra,

Sports: UPIS, rumebanse kontra Arellano

10/19/2018 08:13:00 PM Media Center 0 Comments



SAMAHAN. Nagtipon-tipon ang UPIS Junior Fighting Maroons matapos mag-uwi ng tagumpay. Photo Credit: Pauline Demeterio

Nakabawi mula sa kanilang pagkatalo sa UST Tiger Cubs ang University of the Philippines Integrated School (UPIS) Junior Fighting Maroons sa laban kontra Arellano Junior Basketball Team sa Sulit.ph Breakdown Basketball League noong ika-6 ng Oktubre sa Ateneo Moro Lorenzo Gym, Katipunan Avenue.

Maganda ang naging simula ng laro nang maagang nagpaulan ng magkasunod na tres at layup sina Junior Maroons Matt Santiago at Jacob Estrera. Salitan ang dalawang koponan sa pagpuntos hanggang sa nagtapos ang unang kuwarter nang dikit, 21-20, pabor sa Arellano.

Patuloy ang palitan ng iskor sa sumunod na yugto habang pinipilit ng UPIS na ungusan ang Arellano Braves. Dalawang magkasunod na tres ang pinakawalan ni Santiago dahilan ng paglamang ng koponan, kalagitnaan ng kuwarter. Ngunit mabilis na nakahabol ang Arellano at lamang pa rin sila sa dulo, 40-39.

Naging mahina ang depensa ng Maroons sa ikatlong kuwarter dahilan para makalusot ang mga tira ng Braves sa pangunguna ni Ivann Salinel. Napagtagumpayan ng Arellano ang kuwarter sa iskor na 64-56.

Lumobo pa sa siyam na puntos ang lamang ng kalaban pagdating ng huling yugto. Pero late-game ay bumaligtad ang sitwasyon nang sunod-sunod na layup ang binitawan nina Collin Dimaculangan, Aldous Torculas, Ray Allen Torres, at Estrera. Bawing-bawi ang Junior Maroons, 83-77, come-from-behind win.

“It first started sa teamwork namin. Game plan namin, execution, [tapos] ‘yung mga practices namin. Nag-ensayo kami [nang] mas mabuti para mag-bounce back sa mga losses namin,”
ani King Vergeire, ang top scorer.

“Kaming mga veterans, we kept the team composed and I think we did a good job leading the young bloods,” dagdag pa niya.

Ang kanilang sumunod na laban ay sa Zark’s Burgers–Pilipinas-Chinese Amateur Basketball League (PCABL), isang knockout game, na naganap kinabukasan. Sa kasawiang palad, napataob sila ng Ateneo Blue Eaglets.

Mga Iskor:

UPIS 83 – Vergeire 27, Santiago 24, Estrera 13, Torculas 7, Torres 5, Gomez De Liaño 3, Dimaculangan 2, Armamento 2, Ebreo 0, Labao 0, Condalor 0, Tuazon 0

Arellano 77 – Salinel 24, Cuenco 16, Lopez 15, Liscano 7, Lime 6, Rellama 4, Villarante 3, Buitison 2, Templonuevo 0, Bangcale 0, Neri 0, Villanueva 0 //nina Pauline Demeterio at Jasmine Esguerra

You Might Also Like

0 comments: